Wednesday, May 16, 2007

“DAGDAG-DAGDAG” ang ipinalit sa Dagdag-Bawas, 6 : 4 : 2 ipipilit ng Malakanyang

Una na nating sinasabi na “gagawin ang lahat ng paraan” ng administrasyon manalo lang sa election. Sa ikalimang pagkakataon (since 1992-2004 presidential election), muling binuhay ng administrasyon ang magic at makinarya ng pandaraya upang ipasok ang anim (6) na TU senatoriable bet sa magic 12. Sa totoo lang, hindi na balita ang 12 – 0 ipinakitang dayang boto sa Maguindanao kapalit ang isang milyong pisong (P1.0 milyon) pabuyang ipinangako sa kada Mayor ng probinsya. Ang Maguindanao ay indikasyon na tutuluyan ng administrasyon ang oposisyon kahit mawarat ang kredibilidad ng Comelec.

Paulit-ulit na pinagyabang ng administrasyon ang “command votes at local machinery” na mukhang umepektib lamang sa Maguindanao at naunsyami't nabulilyaso sa 80 probinsyang pinagmamalaking balwarte't malakas ang makinarya ng administrasyon.” Kaya lang, laking kahihiyan ang inabot ng administrasyon ng bumulaga sa madla ang tunay na realidad, resulta at pagpapasya ng mamamayan sa katatapos na election. Mag-aapat na araw na ang bilangan (15% sa kabuuang bilang ng botante) at patuloy ang pamamayagpag sa 7 : 3 : 2 hanggang 9 : 2 : 1 ang oposisyon sa Abs-Cbn (STI), GMA 7 (AMA) quick count at Namfrel.

Maliban sa pangkaraniwang tipo ng dayaang ginamit, lalo na ang bantog na “dag-dag bawas special operation” nuong 2004 election, dis-enfranchisement of voters, confusion, garapalang vote-buying, laganap na irregularidad sa bilangan at canvassing ng boto, terorismo sa halalan tulad ng ballot snatching, poll violence, may sinimulang bagong istilo't porma ng dayaan ang Malakanyang, ang DAGDAG-DAGDAG special operation.

Dahil bistado na ang iskimang “dagdag-bawas” na pinasikat ng “hello Garci controversy," may bagong innovation ng pandarayang ipinatutupad ang administrasyon kasabwat ang ilang opisyal ng Comelec at sindikatong mga operador, ang DAGDAG-DAGDAG special Ops. Isang iskimang kay daling isagawa't hindi gaanong halata kung ikukumpara sa Dagdag-Bawas.

Base sa proseso ng halalan, Una; ang boto ng mamamayan ay unang bibilangin ng Board of Election Inspector (BEI) sa prisinto o sa mga polling place. Pangalawa; ang resulta ng bilangan ay nakasulat o nakadokumento sa Election Return (ER) kung saan sinusumite ito upang icanvass sa municipal-city canvasser. Pangatlo; ang resulta sa munisipyo-city canvassing ay ilalagay, isusulat at isusuma sa Certificte of Canvass (COC). Pang-apat; ipapasa o ifoforward ang COC sa Provincial Canvasser na kung saan isusuma ito't ilalagay sa Provincial Certificate of Canvass (PCOC). Panglima; ipapadala ang PCOC sa PICC (Phil International Convention Center, sa Cultural Center sa Manila) upang isagawa ang huling pagsusuma, ang National Canvassing kung saan bibilangin ang labanan sa Senatoriable at Party List.

Saan maaaring makapenetrate ang DAGDAG-DAGDAG? Dahil sa dami at tindi ng pagbabantay na isinasagawa ng maraming sektor, bagamat pwede pa rin mailusot may tantya ang administrasyon na mahihirapan ng isagawa ang palasak na "PAGBABAWAS ng boto" sa presinto hanggang munisipyo. Dahil dito, nakakita ng butas, taktika at nagchange gear ang mga operador at isinagawa ang konsepto ng Dagdag-Dagdag.

Tulad ng konsepto ng Dagdag-Bawas sa munisipyo, nasa munisipyo't probinsya rin ang target ng Dagdag-Dagdag ops. Nasa "pangalawa hanggang pang-apat na proseso" isasagwa ang DAGDAG-DAGDAG ops. Tulad din ng dagdag-bawas, ang Election Return pa rin ang puntirya ng operation. Ang kaibhan lang, kung dati rati'y pakyawan ang tapyasan ng boto sa kalaban, sa ngayo'y walang babawasang boto, bagkus magdadagdag na lamang (additional digit o pagdiskrungka ng numero) ng boto sa mga kaalyadong kandidato, specially sa mga administration candidates sa Senate at Party List candidates na may mahigpitan ang labanan.


Sa canvassing na isinagawa sa Makati kamakailan lamang, natuklasang ng ilang Poll Watcher ng oposisyon ang botong 1,000 ay naging 1,800, dahil nilagyan ng isang maliit na zero ang ibabaw ng malaking zero, ang resulta nadagdagan ng walong daan. Ang 867 boto ay naging 1,867, nadagdagan ng isang libo.

Kung nangyari't nagtangkang salaulain ang boto ng mamamayan sa Makati, ano pa kaya sa mga liblib na lugar sa Mindanao kung saan wala ng media at election watchdog na naka-antabay. Kung mailulusot at 'di ma-gwagwardiyahan ng mamamayan, walang dudang ganito ang isasagawa hindi lamang sa Metro Manila, maging sa buong kapuluan, mula Aparri hanggang Jolo kung saan ang local machinery at command votes ng administrasyon matatagpuan.

Doy Cinco / IPD
May 16, 2007