Sunday, October 17, 2010

Conditional Cash Transfer will dis-empower informal sector


Doy Cinco

Habang hinahagupit ng Bagyong Juan ang Northern Luzon at minomobilisa ang Disaster’s Preparedness-zero casualty ng mga lokal na gubyerno, sa Kongreso, naging mainit ang labanan sa budget hearing lalong lalo na ang kontrabersyal na Conditional Cash Transfer (CCT) ng DSWD – Sec Dinky Soliman. (Larawan: dswd_2a.81154754.JPG)

Depende kung saan ang bias mo. Kung bahagi ka sa implementasyon at kaalyado ka ng bagong administrasyon, walang dudang pabor ka sa programa ng CCT. Kung ikaw ay malayo sa pansitan, isang oposisyon (Lakas-KAMPI) at nakapakat sa dating Administrasyon, "tutol kunwari." Kung ikaw ay isang Kaliwa na di naambunan ng ganansya at kung ika’y consistent at naniniwala sa popular na kasabihan ng mga Tsinong, “give a man a fish and you feed him for a day. Teach a man to fish and you feed him for a lifetime at para sa mga Pinoy, “kumayod, magtrabaho at magsumikap, definitely tutol ka sa CCT.

Ang World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB) na tumulong, nagpautang at pangunahing taga-pamandila’t promotor ng programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) – CCT ay hindi nababanggit at nawawala sa eksena. Ang WB na nalalagay sa zero credibility ay isang institusyong pananalapi na kontrolado ng pinaka
makapangyarihang emperyo ng mundo, ang Estados Unidos, habang kontrolado naman ng bansang Hapon ang ADB.

Sa bawat programa’t mga proyektong may kinalaman sa kaunlaran at komunidad, ang karaniwang itinatanong ay kung may "democratic process at consultation" na isinagawa ang programa. May partisipasyon ba ang mamamayan, tunay nga bang makikinabang at magbebenepisyo ang mga maralita o informal sectors? At nililinaw kung solusyon ba ang CCT sa pagsugpo ng ilang dekadang karalitaan o isa lamang itong band-aid, palyatibo't pa-pogi points?

Mga dayuhan, "matatalino at raketerong" local elite ang utak at punu’t dulo ng CCT. Maganda man ang intensyon, idahilang "stop-gap measure" man ito, sa bandang dulo, inaasahang may negatibong epekto, sasablay at patuloy na "magiging pala-asa, tamad at kalabit pengeng" kultura ang mga maralita. Sabihin man ni Sec Dinky Soliman na "pangunahing maralita ang makikinabang, mas kapani-paniwalang mas kakabig at interest ng DSWD-Malakanyang ang pakay ng programa." Sa akalang "tunay na nanglilingkod, ang totoo'y isa itong dis-empowerment, sagka sa kaunlaran ng komunidad at demokratisasyon ng lipunang Pilipino."

Kung sana’y kinunsulta ang mga informal sector, walang dudang imumungkahi nito ang “pangangailangang pa-trabaho para sa reforestation (proteksyon ng Marikina watershed), paglilinis ng kanal at pagtanggal ng mga bara sa drainage system. Pa-trabaho para sa bilyong pisong proyektong inprastraktura (local at national), housing (medium rise bldg) program at pautang para sa kabuhayan o mga micro-livelihood project.

Para sa mga maralita ng kanayunan, ang pangangailangang pagpapaunlad ng ani't produksyon, subsidyo ng mga binhing palay, abono, mga suportang agapay sa magsasaka’t mangingisda (sustainable integrated resource management),
rehabilitation ng mga irigasyon at malawakang reforestation program. (larawan: Sustainable Agricultural Technologies / f0048‑01.gif)

Kung papipiliin lang ang mga taga Isla Puting Bato sa Baseco-Tondo at Agham rd sa harap ng Pisay, Barangay Payatas, Commonwealth, Holy Spirit at Batasan sa QC, training at kasanayan mula sa TESDA ang tiyakang gugustuhin (vocational at technical training) ng maraming istambay.

Masalimuot na proseso ang pagsasakapangyarihan (empowerment) o pag-iinstitusyunalisa ng people power. Komplikado't structural ang pag-iistrategized ng “poverty eradication at social protection program” at ano man ang laman nito, ang prinsipyo't prosesong “kayo ang boss ko at kukunsultahin ko” ay hindi dapat maisakripisyo.

Ayon sa mga academics at people's empowerment practitioners ,
"kung hindi kasali ang mamamayan sa pagdedesisyon, pagpaplano at patuloy ang kalakarang Top / Down approach," mauuwi lamang sa wala ang P20.0 bilyong pondo ng DSWD at ang inaasam-asam na pagbabago't kaunlaran sa ilalim ng administrasyon ni PNOY ay nanganganib na mauwi sa bangungot kahalintulad ng mga nakaraang buluk na administrasyon nagdaan.


No comments: