Wednesday, August 19, 2009

GMA, palubog na


Doy Cinco / 18 ng Agosto 2009

Magkakasunud na kontrobersya ang sumambulat sa administrasyong Arroyo. Hanggang sa kasalukuyan, banner headline at patuloy na umiinit ang dalawang bilyong pisong junket – foreign trip ni GMA, partikular ang maluhong hapunan sa Washington DC at New York. Bumulaga ang maanomalyang National Artist Award at pambabraso sa 2 bakanteng itatalagang huwes sa Korte Suprema.

Nakoryente rin ang palasyo sa plano nitong bumili ng mamahaling presidential jet sa kabila ng karalitaan at kakulangan ng cargo plane ng Philippine Airforce. Tumingkad din ang kawalan linaw at categorically statement sa huling SONA ni GMA na wala itong planong magretiro at mag-extend ng kapangyarihan lagpas sa itinatadhana ng Konstitusyon.

Nailagay sa kahiya-hiya at depensibang posisyon ang administrasyong Arroyo sa mata ng mga Pilipino sa gitna ng kagarapalan, immoralidad, kawalang konsyensya't sensitivity at kapit tuko sa kapangyarihan, kahalintulad sa gawi't asal at larawan ng Unang Ginang Imelda Marcos may tatlong dekada na ang nakalipas. (Larawan: Arroyo - 'She will hang on," pinoyexchange.com)

Ano man ang lagay, maaring may impluwensyang taglay pa ang administrasyong Arroyo. Sa nalalabing ilang buwan sa poder, question ng continuity at kawalan presidentiable bet sa 2010, maaring may kakayahan itong makapanggulo, makapangdaya sa eleksyon at makapagpanalo sa lokal, sa ilang bilang ng kongresman at senador na handang arukin ang “kiss of death” kapalit ang pondong pangkampanya at proyektong inprastruktura. Sa totoo lang, nananatiling pang-engganyo ng Malakanyang ang mahigit sampung bilyong pisong (P5 billion plus P10 billion) “Pantawid Pamilyang Pilipino Program, ang daang milyong pisong pamumudmud ng salapi at PDAP – pork barrel sa mga trapong kaalyado.“

Kamakailan lang, mariing itinanggi ng dating pangulong si FVR ang inbitasyong muling manatili bilang chairman emeritus sa pinagsanib na PALAKA (Lakas-Kampi at CMD). Bago nito, may hindi mabilang na kinatawan sa kongreso, mga dating alipores sa lokal na gubyerno (LGUs) ang nagsisimula ng maglundagan sa kabilang bakod (exudus), kundi man sa partidong Liberal (LP), sa partidong Nacionalista (NP) at NPC.

Kumalas na rin sa koalisyong maka-administrasyon ang Partido Demokratikong Sosyalista ng Pilipinas (PDSP) ni Sec Norberto"saging" Gonzales at inanunsyong mayroon silang ibang manok na susuportahan at wala silang pakai-alam sa presidentiable bet na maaring manukin ng administrasyong Arroyo.

Maganda rin ang tiempo ng paglundag sa kabilang bakod ng NEDA chief Sec Ralph Recto at Optical Media Board chair na si Edu Manzano. Napabalitang tatakbo sa 2010 senatoriable election ang dalawa sa ilalim ng partidong maka-oposisyon. Inaasahang may ilang pang gabinete ni GMA na nagbabalak sa 2010 election ang magge-graceful exit sa administrasyong itinuturing lameduck na at papalubog.

Si Danding Cojuangco, ang kingmaker at isa sa pinakamakapangyarihang tao sa bansa, ang uncle ni Sec Gibo Teodoro ng DND at may kontrol sa partidong Nationalist People's Coalition (NPC) ay nauna ng nag-anunsyong hindi susuporta sa posibleng mamanukin ng Lakas-Kampi bagkus dadalhin ang Chiz / Loren tandem. Kaya lang, sa akalang siya na (Gibo) ang ipoproklamang panabong sa 2010, bumitiw si Gibo sa NPC at sumanib sa PALAKA. Ayon sa kanya, kahit anong mangyari, maging kulelat at dehado sa maraming survey, mananatiling tapat daw siya sa pangulong Arroyo. (Larawan; Sec Gibo Teodoro, 2010presidentiables.wor...)

Ang tantya ng marami, para makahabol sa popularidad, tanging ang sustinidong gera sa Mindanao, ang “all out war” laban sa Abu Sayyaf at MILF ang nakitang sikretong paraan upang maitaas ang rating sa survey, ma-NAME RECALL, media mileage at makilala si Gibo. Nakakalungkot isipin na sa kabila ng lumalakas na "anti-war sentiment sa Mindanao," ang dirty war o Pilipino laban sa Pilipino at bilyung pisong pinsala't gastusin sa digmaan, ang siya pa ngayong gagamiting tungtungan at puhunan para maka-angat sa presidentiable derby ang paboritong pamangkin ni Danding .

Dahil sa maagang pagdiklara at may isang taon ng naka-electoral mode, nanggagapang, nag-iipon ng resources, nagtatayo ng makinarya, nangangahoy ng kandidato sa baba para sa 2010, walang dudang nakalalamang ang mga oposisyon. Sa kabilang banda, dahil patuloy na iringan at kawalang kandidato, hilong talilong, tuliro, nakatengga at paralisado ang 2010 presidentiable bet ng administrasyong Arroyo.

Si Noli de Castro na naturingang may tsansang manalo at may magandang rating sa survey ay nagdududa't naniniguro sa mga tiwali at dorobong kinatawan ng Lakas at Kampi ay tipong nag-aalangan. Kung legacy ang habol, estratehiya, popularidad at advocacy, wala ng maglalakas loob na tumaya sa palaos, sa palubog na bangkang papel at unpopular na presidente sa kasaysayan ng bansa. Kung tagilid na ang laban at may bagong sumusulpot at umuusbong na lider sa 2010 na handang magsagawa ng reporma at pagbabago, walang dudang kakatigan ito ng mamamayan. (Larawan; Vice President Noli de Castro at GMA, alaykayresilmojares.blog...)

Sa naka-ambang patong-patong na kasong pandarambong na kakaharapin matapos ang termino sa Hunyo, 2010 hindi maiiwasang maging praning si GMA. Sa pagtatangkang ma-extend ng termino at political survival mode, niratsada ng mga alipores ng Malakanyang ang Con-As, Cha Cha o ang pagbabago sa sistema ng paggugubyerno tungong parliamentarismo. Kasunod na kinamada ang paghahanda at pagtakbo sa ikalawang distrito ng Pampanga, senaryong NO-EL, planong pagdidiklara ng Martial Law o emergency power at pagtatag ng gubyernong transisyon.

Tuloy na ang 2010 election at mukhang mauubligang makipagnegosasyon si GMA, tumaya at patagong sumuporta sa ilang winnable na presidentiable bet na hindi gaanong kritikal, hindi gaanong aktibista at hindi gaanong palaban ang pustura sa pamilyang Arroyo.

Kaya lang, ayon sa mga usap-usapan sa gilid-gilid, mukhang naudlot, nabulilyaso at inatras ng mga alipores ni GMA ang extra-constitutional na labanan, matapos magbabala ang US State Department, si President Barack Obama na 'wag ng ituloy ang kalokohan, 'wag maging pasaway at ituloy ang 2010 democratic election sa bansa. Nakatulong din ng malaki ang pagpanaw ni Presidente Cory Aquino, ang show of force ng mamamayan sa burol at libing, ang pagpapakita ng kahandaang lumahok sa pakikibaka at people power laban sa panunumbalik ng diktadurya at pang-aabuso ng kapangyarihan.


2 comments:

Ate Ving said...

Paki-spell out nga ang KAMPI ng
Administration ngayon? Di ba ang ibig sabihin nito'y KAming mga kapal Muks na Pulitikong Pinoy,
Inc?

doy said...

KAMPI. Kabalikat ng Malayang Pilipino. Pera-perahan ang basis of unity at si GMA ang kinikilalang padrino. Sila ang pangunahing nagtutulak ng Con-As, cha cha, pagpapalit ng sistema ng paggugubyerno.
Nagpulasan na ang mga pamunuan at ilang kasapi sa lokal. Kumalas na ang kanilang Presidenteng si Cong Luis Villafuerte ng Cam Sur at pumaloob na sa NP (Nacionalista Party).
Si Atty Tanjuatco, angkan ng mga Sumulong ay wala na rin sa pamunuan. Kahit si Sec Ronnie Puno ng DILG ay tila nag-iisip na ring kumalas.
Inaasahang mabubuwag/mabubura ang partidong ito, matapos ang 2010 election.