Tuesday, May 04, 2010

Noynoy's landslide Victory and "Failure of Election"

Doy Cinco

Tiyak na ang panalo ni Noynoy Aquino. Halos apat (4) na araw na lang ang nalalabi at eleksyon na, may isang Linggo ang natitira, ipoproklamang presidente na ang standard bearer ng Liberal Party na si Noynoy Aquino, ang kauna-unahang binatang (bachelor) presidente sa kasaysayan ng Pilipinas.

Ang isyung pinagtatalunan na lang ay kung gaano kalaki ang kanyang magiging kalamangan; 10%, 15% o hihigit sa 20% at sinu-sino ang posibleng kakatawanin ng kanyang administrasyong (cabinet secretaries) may tendensiyang "center-left at liberal democratic formation." Ang sigurado, nakikinita na ang isang landslide victory for president para kay Noynoy Aquino.(Larawan: Noynoy Aquino http://cache.daylife.com/imageserve/0bx95FJ4c69AT/610x.jpg)

Matapos pumanaw ang democracy icon ng bansa na si Tita Cory at nakitaan ng simpatya ng sambayanang Pilipino, naitulak sa presidentiable bet si Noynoy matapos bumaba sa Vice Presidentiable race si Mar Roxas. Popular na presidentiable candidate sa kasaysayan ng bansa si Noynoy Aquino. Mukhang siya na lang ang tanging presidentiable bet na may kakayahang pagkaisahin at tumugon sa ilang dekadang democratic deficit (political reform agenda) ng lipunang Pilipino.

Kung mababa sa 70% ang voter's turn out (35.0 million -TO), ang 40% ni Noynoy ay katumbas ng botong 14.0 milyon, habang parehong naglalaro lamang sa 7.0 milyon boto o bahaging 20% si Manny Villar ng Nacionalista Party (NP) at Erap Estrada ng Partido ng Masang Pilipino (PMP). Sa kalamangang 19% sa sumisigundang kalaban at may kartang 39% ng kabuuang bilang ng botanteng Pilipino, lumalabas na mahigit 7.0 milyon ang inaasahang kalamangan ni Noynoy Aquino sa kanyang sumisegundang kalaban.

Kung magkataon, tinatantyang hihigitan pa nito ang kinahinatnang panalo ni Pres Estrada nuong 1998 presidential election kung saan umani ito ng mahigit kumulang na 40% boto sa kabuuan. Isang himala at suntok sa buwang makakahabol pa ang pinaghihinalaang manok ng pamilyang Arroyo na si Manny Villar at ang nahatulan at na pardon sa kasong pandarambong na si dating Presidenteng si Erap Estrada.

Apat (4:10) sa sampung botanteng Pinoy ang solidong Noynoy Aquino at panigurong hindi na matitinag hanggang sa araw ng botohan. Mula sa 44% nuong Disyembre, 2009, sumadsad si Noynoy sa 36% nuong kalagitnaan ng Enero, 2010 at sa kasalukuyan nasa 39%. Naniniwala ang marami na muling babalik at aakyat sa 44 – 50% si Noynoy Aquino matapos ang bilangan. Malayong pumapangalawa (2nd place) ang dating Presidenteng si Erap Estrada at dikit na tersera (3rd) na si Villar.

Ipagpalagay na nating magkakatotoo ang argumento ng Defense Sec Norberto Gonzales na magkakaroon raw ng "failure of election," talamak ang dayaan, bilihan ng boto sa hanay ng lokal na election officers at magiging magulo ang kauna-unahang poll automated election sa bansa. Ang tanong ng marami, sino ang may kakayahan, may resources at may capabilities na mandaya sa eleksyon? Ang tanging kasagutan at persepsyon ng marami, "ang bantay salakay, ang malakanyang."

Ipinagmamayabang ng Lakas-KAMPI ang 5-10% vote delivery ng kanyang lokal na makinarya na malamang maiswing vote sa sino mang paboritong manok ng pamilyang Arroyo. Ang masaklap, mas uunahing isalba nito ang kani-kanilang mga sariling kandidatura kaysa habulin ang mahigit 15% kalamangan ni Noynoy Aquino.

Ang insidente ng pagmalfunction ng mga PCOS machine sa maraming lugar, kasama ang Metro Manila sa isinasagawang Testing and Sealing kahapon ay maaring isang simpleng teknikal na usapin na kayang resolbahin ng Smartmatic at Comelec. Sa malilikut ang isipan, tinitignang posibleng pananabotahe, politically motivated, bahagi ng isang iskimang guluhin ang democratic process at idiskaril ang peaceful transition ng kapangyarihan.

Kaya lang, sa ayaw man natin o sa gusto, automated man ito o parallel manual counting, dumadagundong ang panawagang ituloy ang eleksyon sa Lunes, May 10, 2010. Katawa-tawa at mas kahiya-hiya tayo sa mundo, sa mata ng mamamayang Pilipino kung madidelay, papalpak o madidiskaril ang kauna-unahang poll automation sa bansa.

Dalawa ang posibleng scenarios; Una, "kung sa failure of election o partial failure of election, walang dudang nakatuon sa pagsasawata sa napipintong landslide victory ni Noynoy Aquino, ang kalabang mortal sa pulitika ng pamilyang Arroyo at itinuturing ng Kaliwa na "tuta na raw ng Imperyalistang Estados Unidos." Ang tanging hangarin at makikinabang sa ganitong scenarios ay ang pwersang gustong manatili sa kapangyarihan, ang praning sa patung-patong na kasong pandarambong na dili't iba ang administrasyong Arroyo. Karugtong nito ang layuning itayo ang isang interim transition government o isang military junta."

Ang pangalawa; "sa failure of eleksyon, marami ang naniniwala na ang dulong Kaliwa ang walang dudang makikinabang at aani ng mga labanan at sitwasyon. Katuwang ang ilang kandidato sa nasyunal, ang failure of election ay makapagki-create ng isang revolutionary situation, political uncertainty, anarchy at hindi mahirap paniwalaang sasakyan ito ng mga extremista tungo sa down fall ng ating demokratikong institusyon at estado. Walang dudang kasunod na ang pagtatayo ng isang diktaduryang sistema ng paggugubyerno, kahalintulad ng Burma at North Korea."


No comments: