Noynoy-Mar, namumuro
Halos tatlong linggo na lamang ang nalalabi bago ang paghuhusga. Sa takbo ng mga pangyayari, may saisenta porsiento (60%) ng labanan sa presidentiable ay tukoy na't namumuro na ang Noynoy-Mar tandem. Kung walang abirya sa kondukta't tutupdin ng Comelec ang kanyang mandato, kung mamiminimized ang pinangangambahan fraud and terrorism, partial failure of election at kung maimimintina ang double digit (+ 15%) na kalamangan ni Noynoy Aquino at ni Mar Roxas hanggang sa huling linggo ng April, peaceful transition, may bagong gubyernong astig at palabang presidenteng mapoproklama sa Hunyo, taong kasalukuyan.
Mula sa may 10 bilyong pisong winaldas sa air war at kampanya ng apat na presidentiable, magsi-shift na ang istratehiya patungo sa pinakadelikading na huling yugto ng labanan, ang pinakamagastos na pakikipag-negosasyon sa mga stakeholders (special Ops), vote protection at vote delivery operation. Ayon sa mga beteranong operador, isang-katlo (1/3) ng kabuuang gastos ng isang kandidato ay inilalaan sa “vote delivery at vote protection operation, meaning, ibinubuhos ang pondo sa bisperas, sa araw ng election, bilangan, canvassing hanggang proklamasyon.”
Sa panimulang pagtatasa, sinasabing “kung sino man ang maipo-project at pupusturang political activist, malinis,” maliban sa makinarya at resources ay siyang magtatagumpay sa lababan. Naging mapagpasya sa labanan ang air war o propagandang dala na "Villarroyo alliance," ang alegasyong sikretong lantad na manok ng pamilyang Arroyo na si Manny Villar. Marahil, bunsod na rin ng malamyang campaign message o pag-iwas laban sa kabulukan ng administrasyong Arroyo, ang pasibong mensaheng "sipag at tiaga," pagmamaramut ng campaign funds at turncoatism ng dominant party.
Sa loob lamang ng ilang buwan, halos lahat ng incumbent local candidates ng Lakas-KAMPI CMD candidates mula sa Northern Luzon pababa sa Mindanao, mula sa gubernatorial, congressional district at mayoralty, "kahit may pahabol na pork barrel-SARO mula sa Malakanyang ay nagsipaglundagan at tumaya na kay Manny Villar. Sa mga lugar na nabanggit, hindi tumaas ng 8% voter's preference ni Gibo Teodoro habang nasa mahigit 20-30% ang puntos na nakukuha ni Manny Villar."
Totoong nagtalunan na ang halos lahat ng Lakas-KAMPI local candidates kay Manny Villar. Kaya lang, ang malaking problema, imbis na makadagdag boto, mukhang nakabawas pa ito sa kanyang kredibilidad (Villar) at pagpapa-totoo ng Villarroyo alliance. Sapagkat, kung 'di man mga kilalang pusakal, mga high profile elite - trapo at halos limang taong humalik sa tumbong ni GMA ang siya ngayong nakapakat kay Villar; ang ilan dito ay sina; Chabit Singson-Ilocos Sur (Photo), angkang DY-Isabela, Mike Defensor-QC, Lilia Pineda-Pampanga, Armando Sanchez-Batangas, ang mag-amang si Pabling at Gwen Garcia-Cebu, ang anak ni Ex Sec Eduardo Ermita-Batangas, Zubiri-Bukidnon, ang mag-amang si L-ray at Louie Villafuerte-Cam Sur at Romualdez-Leyte, Jocjoc Bolante-Capiz, ex-Speaker Nograles-Davao at iba pa.
Pangalawa; hinggil sa usapin ng local machinery, walang garantiyang nagsasabing may malaking papel ang mga local candidates sa vote delivery para sa national candidates. Bukud sa poll automated system, mukhang mahihirapan ng maulit ang nakakahiyang trahedya sa ARMM, partikular sa mga Ampatuan ng Maguindanao, kung saan na-zero sa boto si FPJ noong 2004 presidential election. Napatunayan na sa maraming labanan at kasaysayan na naglalaro na lamang sa mahigit kumulang na 5% ang kapasidad ng vote delivery ng mga local candidates. Sa presidential race, ang "market votes" ang siya pa ring magdadala ng labanan.
Pangatlo; ang critical na scenarion ng partial failure of election na tinatantyang nasa 15-30% o katumbas ng 3 - 5 milyong botong maaring mapasakamay sa sino mang manok ng administrasyong Arroyo.
Panghuli; kung pagsasamahin ang vote delivery capacity (5%) at partial failure ng election, mauuwi sa closed fight ang labanan. Kaya lang, tulad nuong 1998 Erap landslide victory, ang bangungot na pinagyayabang alas na local machineries ng Lakas-KAMPI ay mabubulilyaso at kakapusin. Mas malapit sa katotohanang mas uunahin pa nitong isalba ang sariling kandidatura kaysa sa paki-alamanan pa at ipanalo ang manok sa national candidate ayon sa dikta ng Malakanyang o partido.
Sa Pilipinas, “mapagpasyang nasa apat (4) na key players" ang isina-sa-alang-alang sa presidential election; Una, ang suporta ng simbahan. Pangalawa; ang suporta ng malalaking negosyo. Pangatlo; ang suporta ng PNP-AFP at Panghuli; ang suporta ng Estados Unidos. Kung may 3 ka dito, panalo kana. Ang malungkot na tanong, nasaan ang kilusan ng mamamayan at masang Pilipino sa apat?
No comments:
Post a Comment