Doy Cinco / Ika 5 ng Mayo, 2009
Kung walang abirya, kung walang gagawing iligal na hakbang at style Marcos na kabulustugan ang Malakanyang, kung masususod ang batas, ang Constitution at ang demokratikong proseso, isang taon na lang magwawakas na ang termino ng administrasyon Arroyo, kalahati ng mga senador at kongresman at mga incumbent local official. Sa panahon ng election, masaya at parang fiesta ang mood ng mga tao. Dito muling nagpapakita at nagmimistulang mga kengkoy ang mga pulitiko, masiguro lamang ang boto ng mga tao. Buhay rin ang local economy, sapagkat mula last year (2008) hanggang May 10, 2010, inaasahang may kalahating trilyong piso ang iikot na pera sa bansa, magtri-tricle down ang yamang pag-aari ng mga elite, iligal na mga lords patungo sa komunidad at sa mamamayan. (Larawan: http://cdn.wn.com/o25/ph//2009/04/27/c13444b8f7ce312b8cb40e4802cdd4f4-grande.jpg)
Nagpapalakas ang mga presidentiable candidates at habang binubuo ang senatoriable slate sa nasyunal, umaarangkada ang magastos na political ads, unification, pamimirata ng mga mahihina’t oportunista at naglulundagan sa kabilang bakod ang halos malaking bilang ng mga pulitikong aspirante. Sa lokal, halos ganun din. Umiinit ang mga kaganapang pulitika at paghahanda ng mga kandidatong re-eleksyunista, mga dating talunan na walang kadala-dala at mga bagong papasok sa pulitika. Randam na ang galaw, panggagapang at pagpapakilala ng mga kandidato. Halos walang pinagkaiba ang lokal at pambansang labanan sa halalan.
Dito sa distrito 4 ng Quezon City o ang Diliman Republic, sinasabing sentro ng broadcast media sa Pilipinas, sentro ng academic at NGO community sa bansa, sentro ng mga artista, anarkista, rebolusyunaryo at intellectual sa bansa ay pinamumugaran ng traditional politics at walang nahahalal ni isa mang aktibistang pulitiko. Napakaswerte ng mga TRAPO at hindi sila pinakiki-alamanan ng mga institusyon ating nabanggit.
Sa Diliman Republic o saan man lupalop ng bansa, kahit saan ka magawi, kaliwa’t kanang ang makikitang mga basurang poster, kalendaryo at tarpuline ng mga kandidato na nakasabit sa lahat ng lansangan. Mga greetings na naglalaman ng “happy graduation, happy fiesta, happy birthday, mga gimik at paanunsyo at kung anu-ano pang istratehiyang "name recall ng mga kandidato; Cong Nannete Daza, Suntay, Bistek/Joy Belmonte, Edzel Lagman jr, Hipol, Rillo, Ong at Malangen para sa 2010 election." Ang isa pang trahedya, mukhang nakiparte na rin sa gulo ang may anim na mga Barangay Captain sa labanang konseho ng lunsod sa 2010.
Laman sila ng mga fiesta, sila ang mga financier, padrino o mga sponsor ng mga aktibidad sa barangay, tulad ng mga palaro, gay fashion show, dance contest, pagpapakain at pagpapainom, sa sabungan at kasal binyag at libing. Sinasapawan nila ang trabaho ng social services and welfare ng DSWD at DOH, urban poor affair ng PCUP, voter’s registration ng Comelec. Sila ang tagapag-parehistro ng mga bagong botante, mostly mga kabataan upang matiyak na mako-corner nito ang boto ng mga bagong botante. Nagbibigay sila ng mga gamot, medical mission, perang ipinamimigay sa pamamagitan ng walang katapusang solicitation ng iba’t-ibang grupo sa barangay, ang modus ng scholarship sa mga bata at kung minsan, protektor kuno ng mga iligal na squatters na naka-ambang i-demolished ng MMDA.
Kapansin-pansin din ang pag-aagawan nila na mapabilang sa slate ng administrasyon, ang ruling party ng Lakas at Kampi. Alam nilang PERA-PERAHAN lamang ang election. Ang kanilag katwiran, para silang “nakasandal sa pader” kung maihahanay sa partido ng ruling coalition.
Sinasamantala ng mga lumang pulitikong ito ang masidhing karalitaan, 'di makataong kalagayan at kakulangan ng serbisyo publiko ng gubyerno (urban poor areas). Personal ang approached ng mga pulitiko sa mga pagawaing bayan at serbisyo at ito’y kadalasa’y nakatuon sa kani-kanilang personal na balwarte at mga personal na alipores sa barangay.
Bagamat moderno't automated na ang election sa 2010, mananatiling buluk, magastos at hindi parehas ang eleksyon sa Pilipinas. Wala silang pinagkaiba at pare-pareho ang kanilang mga mensahe, ang “paglilingkuran at pagsisilbihan ang mamamayan kung mailulukluk sa poder.” Magkakabalahibo sila at kung mayroon man diperensya sa kanila ito ay ang koneksyon sa mga paksyon padrino sa itaas at personal na relasyon sa isa’t-isa.
Kung sikat ka at may kapit ka sa taas at may milyung pondong war chest, nakakalamang ka na sa pag-aayos at itatayong pampulitikang makinarya sa barangay. Ang lokal na pulitika ang base at tungtungan ng elite politics sa bansa. Pareho silang nakikinabang sa pandarambong, panlilinlang at pagsasamantala ng kaban ng yaman ng bansa. Gamit pakunwari at behikulo ang partido, kontrolado ng mga trapo sa itaas na kinabibilangan ng Lakas, Kampi, NPC at iba pang pekeng partido ang lokal na pulitika upang manatili sa pwesto, istatus quo at mapangalagaan ang sariling interest.
May ilang henerasyon ng kontrol ng elitista't makapangyarihan ang pulitika ng bansa at kung hahayaan nating magpatuloy ang ganito klaseng kabuluk na sistema ng pulitika at halalan, mananatiling bansot ang demokrasya at kaunlaran ng Pilipinas.
2 comments:
at lagi nga nlg ganito...eleksyon na naman at pasiklaban na namang ang politikong galing sa mga angkan ng kung-sino.
nakakasawa na...
korek...wala ng bago.
Post a Comment