Friday, May 22, 2009
Praning kay Erap?
Doy Cinco / ika 22 ng Mayo, 2009
Paulit-ulit na sinasabi ng dating presidenteng si Erap Estrada na kung hindi magkakaisa ang oposisyon, meaning kung magkakawatak-watak ang oposisyon sa 2010 presidential race, malamang siya na ang tatakbo. Samutsaring mga usaping patungkol sa legality at illegality ng paktakbo ni Pres Estrada ang sumambulat sa madla. (Larawan: Pres Erap Estrada. courtesy of migs.files.wordpress.com/2007/09/erap.jpg)
Maaring walang legal na hadlang sa muling pagtakbo sa pagkapresidente, ang problema, halatang may kinikilingan at kung anu-anong interpretasyon ang ibinabato ng magkabilang panig. Kesyo, “labag daw sa Konstitusyon ang muling pagtakbo, isang political suicide sa anumang partido at madidiskwalipika lamang daw si Estrada.” Aasahang ang Korte Suprema ang huling maghuhusga ng usapin at kung 'di pa rin umubra, maaring gamitin ule ng Malakanyang ang Dacer-Corvito murder case bilang demolition job laban kay Estrada. Ang sigurado, napapraning ang Malakanyang sa akalang mananalo pa, popular at mailalagay pang muli sa pwesto ang pinatalsik na presidente.
Ayon sa ilang kritiko, “mas mainam ng magretiro na lang si Estrada sa pulitika at bilang legacy, tumulong sa pagpapalakas ng partido pulitikal, sa pagbabantay sa inaasahang magulo, marumi at magastos na halalan at ipaubaya na lamang sa mga bagong sibol ng mga lider ang usaping paggugubyerno sa bansa."
Kung mautak lang ang Arroyo administrasyon, para tuluyang ng ngang magkawatak-watak ang hanay ng oposisyon, hayaan niyang tumakbo si Estrada. Kung dati’y mga dalawa (2) ang kandidato ng oposisyon, 'pag sumali pa si Erap, magiging tatlo o apat at ito'y delikading at komplikado. Maaring manalo ang oposisyon, kaya lang, magiging minority president lamang ule ang sitwasyon. Mababa sa 30% ang posibleng winning margins at kung minamalas-malas baka masilat pa sila ni Noli de Castro o ni Chiz Escudero, ang "trojan horse" at posibleng mamanukin ng palasyo, ang sinasabing tagapagligtas ni Gng Macapagal Arroyo matapos ang termino sa June, 2010.
Simple lang ang katwiran ng mamamayan, “hayaang tumakbo si Erap, hayaang magdesisyon at maghusga ang mamamayan.” Ano man ang kahinatnan ng debate, ang taumbayan ang huling sandigan. Kaya lang, ano man ang mga diskursong bumabalot sa pagtakbo ni Estrada, magpapatuloy ang maagang paghahanda, hindi sa sariling kandidatura bagkus sa kandidatura ng kanyang mga anak sa pulitika, partikular si Sen Jinggoy Estrada, sa Laguna at sa San Juan, ganap na linisin ang kanyang pangalan, maitama ang kasaysayan at higit sa lahat, ang kahihinatnan ng political opposition sa 2010. (Larawan: Sen Jinggoy Estrada, movie-industry.blogspot.com)
Sinasabi ni Erap na halos katulad daw niya si Noli de Castro na may karisma sa masa, ang bumubuo ng mahigit 80% ng kabuuang populasyon na kabilang sa hanay ng D at E. “Sa mga nagpapanakbuhan, halos silang dalawa lamang daw ang may appeal sa masa.” Tulad ni Noli, tumakbong senador at nahalal bilang vice president si Estrada at mula sa pagiging vice president, tumakbo at nanalong landslide sa pagka- presidente. Parang sinasabi ni Estrada na si Noli na ang sigurado sa 2010 kahit hindi gumuguhit ito sa mga isyung bumabalot sa bayan, kahit hindi klaro sa mamamayan ang paninindigan, kung ito'y oposisyon, balimbing, oportunista o panig kay GMA.
Kaya lang, mukhang hindi batid ni Erap at Noli ang kahalagahan at papel ng "Center of Power" sa labanang pulitikal sa bansa; ang makabig ang Simbahan, Business, Military, US Government at higit sa lahat, mga institusyon at “reform constituencies” ng bansa. Kahit isang daang porsientong sa’yo ang masa, kung hindi sa’yo ang apat man lang na sentro ng kapangyarihan, tagilid pa rin.
Makailang beses ng sinabi ni Estrada na hindi na ito tatakbo sa pulitika, lalo na sa pagkapangulo sa 2010 election. Alam niya na tagilid ang laban at kulelat siya sa mga rating. Batid niya na malaki na ang ipinagbago, inihina, inpluwensya't kapangyarihan kung ikukumpara nuong dakada 90s. Ang "Jeep ni Erap at Erap para sa Mahirap ay isang islogan at obsolete na.” Matapos "ma-pardoned sa conviction ng kasong pandarambong," malaki ang inihina ni Estrada. Kaya lang, hindi nangangahulugang tuluyan ng nawala ang pampulitikang impluwensya’t pwersa ni Estrada sa kasalukuyang panahon. Nananatiling “may deciding factor ika nga” ang Erap Estrada sa darating na 2010 election.
Kaya, bagamat maaga ang paghahanda, maagang nagtatabasan at pagre-re-alligned ang political opposition, tiyak na marami pa ang pwedeng mangyari o magbago sa sitwasyong pulitika sa darating na dalawa hanggang apat na buwan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Ay naku, huwag na kasing pansin si Erap, tapos na ang papel niya sa kasaysayan ng pulitika sa Pinas.
Post a Comment