- Doy Cinco
Climate change, global warming o global penomina at gawang tao man ito, ang sigurado, ang trahedyang dala ni Ondoy, Pepeng, mga nauna, sinaunang mga kalamidad at darating pang dilubyo sa hinaharap ay maliwanag na “pagbabalikwas at ganti ng inang kalikasan” laban sa katusuhan at kasibaan ng mga kinaukulan, naghaharing-uri, mapagsamantala't mga nagpapanggap na tagapagligtas ng sansinukob.
Sa ngayon, ang diskurso ng trahedya't dilubyong dinaranas ng Pilipinas ay sanhi ng kombinasyon ng abnormal na weather patters ng climate change, ang malalakas na buhos ng ulan o precipitation at ang walang patumanggang pagkakalbo ng mga kabundukan, pananalaula ng mga real estate DEVELOPERS, QUARRYING-MINING, kawalan ng zoning ordinance, mga legal at illegal loggers - fishpens sa buong kapuluan, kawalang kahandaan at bad governance.
Ang Pilipinas kasama ang iba pang mga bansa sa Asia-Pasipiko ay geographically located sa sinasabing circum-pacific belt of fire and typhoon. May dalawampung bagyong kalamidad ang pumapasok sa Pilipinas taun-taon. Bukud sa tubig baha at landslide na idinudulot ng bagyo, malalakas na lindol at tsunami ang inaasahan sa mga darating na araw, linggo o buwan na makadadagdag pinsala sa lumalaking populasyon ng bansa at banta ng climate change.
Kung babalikan ang kasaysayan, naging bahagi na ng buhay ng ating mga ninuno ang tubig-baha, trahedya at dilubyo. Ang salitang “Tagalog” ay galing sa mga taong naninirahan sa ilog (Lawa ng Laguna at mga tributaryo), meaning TAGA-ILOG. Ang mga Kapangpangan na nakatira sa Pampanga ay mga taong naninirahan sa "pampang" (Pampanga river delta). Pinatotoo lamang na sadyang ang mga ninuno natin nuon ay nabubuhay at nagsu-survive sa tubig-baha, sa karagatan at archipelagic na katangian ng ating bansa. Ang BALANGAY bilang bahagi ng pamumuhay noon ay naging mas mahalaga kaysa sa mga lansangan-kalsada (land transportation) o tulay para sa kilos-mobilisasyon ng mga tao. (Larawan: Tagailog, flickr.com at BALANGAY, matangdilis.moodle4free.com)
Noong Hulyo, 1904, may tatlong araw na umulan ng malakas sa probinsya ng Rizal kung saan itinuring “the greatest inudation (lubug)” na naitala sa Kamaynilaan. Daming buhay ang nawala, ari-arian, mga hayop na naanod, mga balsang (barge) natangay, mga tulay, daan ang nasira at higit sa lahat muling naghari ang BALANGAY sa Kamaynilaan. May Naitala ring “the great typhoon noong 1928” na puminsala sa ari-arian, hanapbuhay at buhay.
Noong 1972, isang bagyong Yoling ang tumama kung saan umulan ng mahit isang buwan (40 days and 40 nights) na nakapagdulot ng matinding baha't trahedya 'di lang sa Kamaynilaan maging sa karatig rehiyon ng Luzon. Dahil dito, isang Hong Kong-based urban planning consultancy firm ang nagmungkahing itayo ang “Metroplan.” Isang blueprint na nagpanukalang higpitan ang development project sa mga critical areas ng Kalakhang Manila. Nagkalimutan at hindi na ito pinansin ng mga kinaukulan.
Dekada rin ito (1976) ng nagkaroon ng magkakambal na super typhoons na nagngangalang Sening and Titang. Apat na araw na umulan, nanalasa, kumitil ng ilang libong buhay at ilang daang milyong pisong damyos pinsala sa agrikultura at ari-arian. Matapos ang trahedya, itinayo ang Manggahan Floodway na magsasawata sa tubig-baha sa Kamaynilaan partikular sa lunsod ng Pasig at Marikina. Kasama sa package ang pagtatayo ng ParaƱaque Spillway (southeast of Makati) na siya namang magtataboy ng tubig-baha sa Kamaynilaan patungong Manila Bay at Laguna de Bay. Sa hindi malamang dahilan, nabulilyaso ang pagtatayo ng Paranaque Spillway.
Noong 1977, nagbabala ang World Bank (WB) na nasa danger zone na lulubog sa tubig-baha ang ilang mababang lugar sa Kalakhang Manila, sanhi ng pagbabago ng topograpiya ng Pilipinas, partikular ang Marikina Valley at Laguna de Bay, mga coastal areas ng Manila Bay at Gitnang Luzon.
Ilan taon matapos ang babala ng WB, isang malagim na Ormoc tragedy na pumatay ng mahigit anim na libo (6,000) ang bumulaga sa mundo nuong 1991. Ito sana ang nagbunsod upang kumilos at magsagawa ng mga patakaran laban sa walang habas na pangangalbo ng kagubatan at disaster preparedness. Matapos ang trahedya, P 1.0 bilyong FLOOD WARNING SYSTEM ang inihatag ng Hapon (JICA) sa Dept of Public Works and Highway (DPWH) noong 1992 at ipinagpatuloy ng Metro Manila Devt Authority (MMDA) noong 2002 hanggang sa kasalukuyan. Ito sana ang magmomonitor ng water level at water gauge sa panahon ng bagyo na makakatulong upang makapaghanda at agad makalikas ang mamamayang malapit sa mga danger zone. Ang masaklap, nasayang, hindi naimintina at napabayaan lamang.
Malaking salik ang “disaster threshold,” ang matinding KARALITAAN ng pamilyang Pilipino at realidad ng traditional politicians (political opportunism) sa ating lipunan. Nagsisilbing magneto ang KARALITAAN ng ating mga kababayan kung bakit vulnerable o lantad sa panganib ang ating mga kababayan. Dahil isang kayod-isang tuka, napipilitan manirahan sa danger zones, sa gilid ng bulkan at bangin (cliff), sa tabi ng lawa at ilog hindi alintana ang panganib at kamatayan. Ang nakakalungkot, nagbulag-bulagan at mistulang bingi ang mga pinunong bayan (trapo) sa banta ng panganib na kinakaharap ng kanilang constituencies na siyang naglukluk sa kanila sa kapangyarihan.
Ang karaniwang palusot ng mga ahensya ng gubyerno, ay maghugas kamay at pagbuntungan ng sisi ang mga maralita, mga urban poor communities na siyang sanhi at salarin raw ng tubig-baha. Bagamat nanghihinayang sa boto, nakahanda ng idemolish ang maramihang mga squatters (kalahating milyong kabahayan - 500,000 shanties) sa mga nabanggit na lugar. Samantalang kukuya-kuyako'y lamang ang mga salaring bigtime DEVELOPERS, legal at illegal loggers, CORPORATE FISHPEN at mga oportunistang pulitiko (trapo). (Larawan: Fishpen sa Lawa ng Laguna,
Dahil sa hagupit ng inang kalikasan, mahalaga sa ngayon ang pagpapatupad ng isang pangkalahatang kapakanan na magsasagawa ng isang komprehensibong plano at practicable program para sa mga dilubyo't trahedya, kasama ang hazard reduction, pag-iwas sa mitigasyon. Malaki ang pangangailangang magkaroon ng pakikipagtuwang at pakikipagkoordinasyon sa lahat, kasama ang Phil National Red Cross, NGOs, TV networks at ng lokal na disaster coordinating councils na tulong-tulong na mag- i-institusyunalisa ng mga Community Based Disaster Management – CBD o mga barangay field disaster response team sa buong bansa.
Malaki rin ang papel ng "aktibo at responsableng mamamayan (citizenship movements)" sa panahon ng ligalig at dilubyo. Hindi na makasasapat ang "sectoral based oriented at pagiging militansya," bagkus may "pangkalahatang kargang usapin; ang pagiging active defense sa anumang klaseng banta o panganib ng man-made o natural made calamity," ang pagsusulong ng kagalingan, kaunlaran at katiwasayan ng komunidad, ito ma'y usaping panlipunan, pangKALIKASAN, pulitikal at paggugubyerno.
Nawa'y magsilbing wake-up call ang dilubyong idinulot ni Ondoy at Pepeng.
3 comments:
Ayos sa research! Kasi naman sa mga (disasters) na nagaganap, ang mga maralita ang nabibiktima at hindi ang mga nasa kapangyarihan.
Salamat sa komento P're, kaya lang ginamit mo pa ang pangalan ko ah?
ang isa sa malaking kadahilanan bukod sa domestic at agricultural waste na nailalagak sa laguna de bae ay ang matinding reklamasyon sa baybay-lawa na kung tawagin naming mga mangingisda ay 'lupang kanduli'. maraming mga enterprising pinoys at chinoys ang nagsamantala sa pagiging inutil nang denr at llda sa pagbantay sa isyungito, 2o years past na nang ito'y aming isigaw pero walng nakinig! gayundin, nabawasan ang lupang saklaw ng lawa dahil sa natituluhang lupa na ayon sa batas ay pag-aari ng pamahalaan. magkanong dahilan?
Post a Comment