Thursday, October 22, 2009

2010: masaya't MAGULO


- Doy Cinco

Habang papalapit ang filing of candidacy sa November 30, umiinit, nagiging masaya at magulo ang 2010 presidential election. Kamakalawa, ang binabalewang kandidatura ng dating pinatalsik na Pangulong Erap Estrada kasama ang tigasing oposisyong si Mayor Jojo Binay ng Makati ay pormal ng nagdiklerang tatakbo sa 2010. “Lilinisin ko ang aking nadungisang pangalan at higit sa lahat, alang-alang sa aking ina,” ang mariing mensahe ni Estrada. Layon ng huli na muling mabawi ang pampulitikang kapangyarihang inagaw sa kanya ng mga naghaharing elite at civil societies, may walong taon na ang nakalipas. (Larawan: Joseph Estrada and his running mate Makati Mayor Jejomar Binay are shown in a file photo. JONJON VICENCIO, http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=514321&publicationSubCategoryId=63)

Sa unang sultada, tatlo - lima (3-5) ang maagang umarangkada. Si Sen Mar Roxas, Sen Manny Villar, VP Noli de Castro, Sen Loren Legarda at si Chiz Escudero. Nag-uunahan sa survey at infomercial-political AD si Noli de Castro at Villar at nasa kulelat si Sen Ping Lacson at Bayani Fernando. Sumunod na yugto ang atrasan at pagrere-eleksyunista na lamang ng ilang nauna ng nagparandam bunsod ng iba't-ibang mga kadahilanan, ang kasalatan sa pondo't makinarya at PADRINONG tataya't mamumuhunan.
Maliban kay Sen Mar Roxas na bumaba sa labanan (VP) , tuluyan ng naunsyami ang pagnanasa ni VP Noli de Castro at malamang si Loren Legarda (VP?). Nagbago ang kompigurasyong pulitikal ng pumanaw si Tita Cory. Biglang eksena ang Noynoy Aquino at nagsanib pwersa sa partidong Liberal (LP) si Sen Ping Lacson, Sen Kiko Pangilinan, Gov Among Ed at Grace Padaca.


Kalaunan, imbis na papaunti, mukhang paparami pa? Mukhang anim (6) ang maglalabanan. Ang lumilitaw, nangunguna sa maraming survey si Noynoy Aquino ng Liberal, Manny Villar ng Nacionalista, Erap Estrada ng United Opposition, Sen Chiz Escudero, ang paboritong pamangkin ni Danding Cojuangco at pambato ng Arroyo administrasyong si Sec Gibo Teodoro ng Lakas-Kampi (PALAKA), si Sec Ebdane at environmentalist na si Nick Perlas. Kaya lang, nananatiling nasa tatlo (3) ang seryoso; si Noynoy, Villar, Gibo o si Chiz.

Matapos yurakan ng PALAKA ang kandidatura ni Noli de Castro at ni Bayani Fernando, ibinitin ang pormal na basbas sa Gibo-Puno tandem. Mukhang naghahanap ng tamang kombinasyon ang huli ng isang kandidatong "hindi gaanong kritikal sa pamilyang Arroyo, popular at may winnability."

Anumang sandali, magpapatuloy ang re-allignment ng pwersa, TRADE-OFF, mga pagbabago't pampulitikang drama; ang trayduran, lundagan at piratahan. Sa susunod na mga linggo, inaasahang makokompleto na ang line-up at maipi-pirmis na ang Noynoy Aquino-Mar Roxas senatoriable slate at Erap-Binay, kung sakaling ma-settle nito ang abirya ng ligalidad sa pagtakbo. Sa kabilang banda, hilong talilong at patuloy sa nakikipag-negosasyon si Manny Villar, Gibo at Chiz Escudero sa pagpupuno ng kani-kanilang mga slate.


Ayon sa ilang sources, "patuloy na nag-uusap ang pamilyang Arroyo at Danding Cojuangco at kinukumbinsi si Chiz o si Loren na maging ka-tandem ni Gibo. Kung sakaling maipaplantsa, GIBO-CHIZ o Gibo-Loren tandem ang isasalaksak ng administrasyong Arroyo. Lalabas na klarong buhay ang alyansang ARROYO at DANDING, ang pagpapatuloy ng impluwensya't political survival ng pamilyang Arroyo at security ng negosyong kontrolado ni Danding. Dalawang (2) political clan at kilalang personalidad na lamang ang nagdedesisyon at parang ginagawang tanga ang mga kandidato at partido. (larawan sa baba; GMA at Danding Cojuangco)

Maaring positibo o negatibo ang ganitong klaseng kaayusang pulitikal. Sa panig ng ilan, gugulo at titindi ang dayaan at patayan lalo na sa lokal na labanan. Marami ang madi-dis-orient bunsod ng pabago-bagong ihip ng hanging pulitikal. Ang dating maka-Arroyo ay kara-karakang nasa oposisyon. Maaaring masaya sa iba sapagkat, mas marami ang kekengkuyin at kokotongan. Mas marami ang pagpipilian, mas buhay ang demokrasya, marami ang kukulitin na mga advocates ng mga isyu at plataporma de gubyerno at candidates forum. Ang sabi ng iba, hindi si GMA ang isyu bagkus ang kabulukan ng pulitika't halalan.

ISYU at AGENDA
Malaking hamon na kakaharaping ng isang presidenteng mamanahin ang gabundok na iniwang kabulukan ng Administrasyong Arroyo. Ang talamak na pangungurakot (institusyunalisasyon ng katiwalian) na ibinunga ng deka-dekadang kabulukan ng sistemang halalan at pulitika. Ang anti-mamamayan at maka-elitistang patakaran, ang dynamics ng local at national politics, pagpapalakas ng mga demokratikong institusyon at Constitutional reform, ito ma'y charter change con-as or con-con.

Kung criteria for leadership ang pag-uusapan, isang matapang, astig at may kredibilidad na klase ng pamumuno ang kailangan, meaning may political will o may buto sa gulugod na postura. May personal integrity, paninindigang paglingkuran (servant) ang bansa hindi pansarili o may pangkalahatang kapakanan (service to the nation) at higit sa lahat, astang aktibista.

Susuungin ang pagpapalakas at pagpapaunlad ng ekonomya (sustainable economic growth), maayos na paggugubyerno, maka mahihirap (maralita), may
klarong s
ocial contract at accountability. Hindi na rin maisasa-isang tabi ang papel ng Inang Kalikasan, ang papel ng komunidad, lalo na't sariwa pa ang masaklap na dilubyo't trahedya ni Ondoy at Pepeng.

Kaya lang, magulo man ito o masaya, hindi ko malimutan ang komento ng isang ordinaryong tambay sa kanto at ilang pasaway na aktibista. Ani nila,
“sa totoo lang, pare-pareho lamang silang nananalanta. Ang halalan at pulitika tulad ng bagyong Ondoy at Pepeng ay parehong walang mapapala ang maliliit at mahihina. Pareho silang dilubyong tatama sa patuloy na karalitaan ng mamamayang Pilipino. Sa kanila, simple lang ang tingin, kung saan kami makikinabang, duon kami tataya, yun ang kanilang iboboto.”

4 comments:

Anonymous said...

may lungkot din na dala ang 2010 elections, kapatid. ito sa paraang ginagago tayo ni erap. name salvaging ang ibig niyang mangyari, linisin ang pangalan niya na siya naman ang nagdumi! isinasangkalan niya ang masa sa kaburaraang siya ang gumawa! sinabi niya noong inagurasyon niya ay 'walang sinomang maaaring magsamantala ngayon' iyon pala ay siya lamang ang pwedeng gumawa noon. kawawa naman ang naloloko pa ng taong iyon, mahirap nang pagtiwalaan ang taong walana moral ascendancy!
-- isang mangingisdang lubog sa baybay-lawa ng laguna........

doy said...

salamat kapatid sa komento. Tama yung analysis mo.... Ang tantya ko, bago magkatapusan ng nobiembre, aatras din si Erap at Binay.

tigs_dejesus@yahoo said...

Ka Doy,
Totoo ang eleksyon sa pilipinas ay labanan ng mga naghaharing uri. Minsan mapapabilib sa mga talumpati pero aalyado rin pala sa mapagsamantala sa kapangyarihan. pero mahalaga ang lumahok tingnan kung ano ang naging trak record at ano ang planong gawin. sapagkat lahat ng pinoy yan ang alam na laban

Mahalaga din na mag field tyo ng mga progresibo sa local na pamahalaan na magsusulong ng transparency at accountability
upang sa pa unti unti maranasan kahit sa local ang good governance...

doy said...

Pre, korek ka diyan. Mahalaga pa rin ang magpartisipasyon at pagpapatakbo ng mahuhusay na kandidato sa lokal, bukud pa sa labanang pambansa.

Kaya lang, mas mapagbantay tayo sa mga nangyayaring kaganapan itong katatapos na VOTERS REGISTRATION ng COMELEC. Parang muling nanunumbalik ang kawalang pagtitiwala (inefficiency) ng mamamayan sa COMELEC. Bunsod ng (technical) DISENFRANCHISEMENT (pagkakait sa mamamayang bumoto) o VOTE DENIAL SCHEME ng mga nakaupo sa kapangyarihan. Parang nahuhulog sa patibong (trap) ang ahensyang hindi pa nakakabangon at nakakabawi ng kredibilidad. Marami ang nangangamba na ang computerized VOTERS LIST at isasagawang kauna-unahang POLL AUTOMATION ay tila PAPALPAK.