Doy Cinco / Feb 27, 2009
Kung driver ng truck ng basura, Bus, Jeep o ng isang taxi ang nakasagasa kay Amiel Alcantara, grade four student at batang “HANGIN” ng Ateneo Grade School, sigurado akong kasusuklaman at ikukundina ito ng mundo. Subalit kung ang trahedya ay nangyari sa “iligal na pedestrial lane” sa harap ng Commonwealth Market at may karatulang nakabalagbag na “bawal tumawid, nakakamatay” ng MMDA, baka naiba ang sitwasyon.
Sa BATAS ng tao, walang dudang mabibilanggo ang driver sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, serious physical injuries at damage to property. Sa mata ng mga Pilipino, lalo ng mga magulang ng mga nakaraririwasa (exclusive school) at pangkaraniwan, ano mang klaseng pangangatwiran sa driver, isa lang ang posibleng maging tugon o husga, “magdusa ka’t pagbayaran ang kasalanan.”
Sa batas ng estado o mga grupong non-state “liberation forces,” iisa lang ang cardinal rule; “buhay ang nasawi, buhay rin ang kapalit.” Ganito kalupit ang tao at ang mundo; mula sa “electric chair-lethal injection o habang buhay ng kalaboso ng isang demokratiko kunong bansa, SALVAGING – shoot out sa Pilipinas, FIRING squad ng estadong diktadurya, binabato hanggang mamatay – bitay, pugut ulo ng Taliban o muslim fundamentalist sa mga Arabong bansa.”
Nagpang-abot kami ng ilang panahon ni Jose “Pepe” Alcantara sa kilusan, isang aktibista at kilalang lider estudyante ng anti-diktaduryang pakikibaka nuong late 70s hanggang early 80s. Matatag, prinsipyado, malumanay at mapagpakumbaba ang aking pagkakakilala kay Pepe. Ayon sa kanya, sa nangyaring trahedya, mukhang “hindi pa sila handa sa pagpapatawad.” Sa takbo ng mga pangyayari, hindi ko lang alam kung kaya at paano niya ito maiigpawan.
‘Wala akong magawa, aksidente at hindi ko kagustuhan yun.” Ito ang mariing sinabi ng salaring driver na si Ma. Theresa Torres, nakalagak pansamantala sa Camp Karingal at malamang nakalabas na sa piyansang P42,000.00. Walang dudang aksidente at kapani-paniwala ng mahigit isang libong beses na “wala itong intensyong managasa’t pumatay ng tao, lalo na sa isang batang mag-aaral.”
Isang single mother, may apat na maliliit na pinapaaral sa nasabing unibersidad, walang masamang record at isang middle class na interior designer lamang si Gng Torres. Ayon sa ilang inpormasyon, kayod kalabaw sa pag-aaruga’t pagpapa-aral, bahay-opisina at paaralan ang rutina at simpleng buhay lamang ang inang si Mrs Torres. Sa ganyang konteksto, maaaring ikunsidera, kaawaan at magmalasakit ang mga Femenista o mga grupong Kababaihan. Sapagkat, sintido kumon lamang, bukud samagiging kahabag-habag na kalagayan sa piitan, “hindi na nating makakayanan pang dagdagan ng apat pang bata, maliban kay Miel Alcantara ang pagdurusa at ang maging biktima ng mabangis na lipunan."
Hindi ko kabisado ang mapa ng Ateneo Grade School campus sa Ateneo, subalit, sa naganap na trahedya, "maaring may salik o pagkukulang ang disenyo at lokasyon ng paaralan. Halimbawa lang, saan dapat kinukwadra, pinu pwesto ang mga sasakyang magsusundo at maghahatid sa mga mag-aaral. Hindi ba dapat hiwalay na bahagi ito, ilagay sa malayo at hindi nagpapang-abot sa lugar na ginagalawan ng mga bata? Meaning, ang perimeter ng grade school area, lalo na ang outdoor sport area ay nakahiwalay sa daloy ng trapiko. Ang suma, child friendly ba o protektado ba, safety ba ang environment ng Ateneo Campus sa mga mag-aaral lalo na ang Grade School campus area?"
Parang walang kamuang-muang damay o nacollateral damage ang apat na bata. Sapagkat kung mapaparusahan si Gng Torres, bayad milyon piso at mabubulok sa bilangguan, ano ang kahihinatnan ng kanyang apat na anak, mahihinto at ililipat sa public school, maaring mapariwara, maging palaboy at arugain ng kanyang kamag-anak o sino mang nagmamalasakit na kaibigan?
Ganyan kalupit ang batas, walang cultural at humanist aspects, waratan ng buhay at kinabukasang buhay. Kung baga, ang batas ay batas, malupit, walang puso, hindi makatao, nabubutasan at naaabuso.