Doy Cinco / 16 ng Hunyo 2009
Ayon sa Comelec, wala raw “legal impediment” laban sa pagtakbo ni Pangulong Arroyo. Malaya raw itong tumakbo sa ano mang posisyon, kahit sa lower position, sa pagiging Mayor, Barangay Captain o sa Kongreso ang sino man, ito ma’y Presidente o Senador. Walang raw itong problema at pribado raw itong pagdedesisyon. Ang mas makontrobersya ay ang usapin pa ng ETIKA at hindi pa sa kung ito’y legal o hindi. Meaning, usapin pa ito ng delikadesa, ang pagiging wala sa hulog, pagiging ganid sa kapangyarihan at imoralidad.
May labing pitong beses ng nanggagapang, maagang nangangampanya para sa 2010 sa mga bayan ng ikalawang distrito si GMA. Hahalinhan nito ang kanyang anak na si Con Mikey Arroyo na siya namang tatakbo sa pagka-gobernador ng probinsya. May tatlo pang Arroyo sa Kongreso, ang anak niyang si Datu Arroyo, ang kinatawan ng Camarines Sur, bayaw nitong si Iggy Arroyo ng Negros Occ at kapatid nitong socialite na si Ma. Lourdes Arroyo ng Kasangga party-list. (Larawan sa ibaba, Bong Pineda ng Pampanga; www.pcij.org and newsinfo.inquirer.net)
Hindi magiging madali ang inaasahang pananagumpay ni GMA sa Pampanga. Kahit alam ng lahat na lima sa anim na bayan ng 2nd district ay humahalik sa kanyang tumbong, hindi ito nakakasiguro. Kahit sabihing may mahigit isang daan, out of 159 na kabuuang bilang ng barangay ay hawak o may buwanang payola sa pangulo o may mahigit dalawang libong opisyal ng barangay (may mahigit kumulang na apat na libo ang barangay kagawad), tanod at barangay health workers ang nakapakat na kay GMA, hindi pa rin ito nakatitiyak. Kahit pa sabihing nasa likod nito o suportado siya ng mga Pineda at Lapid, ang gambling at quarry lords ng probinsya, hindi pa rin siya dapat kumampante, sapagkat sadyang oportunista, baligtarin at hunyango ang katangian ng pulitika sa bansa, mula sa barangay hanggang nasyunal at napatunayan ito nung 2007 local election.
Kung nasilat ang mga Pineda at Lapid, mga manok ni GMA ng isang pipitsuging nilalang sa katauhan ni Among Ed, maaaring masilat din si GMA. Una, mahihirapang makumbinsi ni GMA ang simbahan, ang malaking bilang ng middle class, mga pamilyang may kamag-anak sa US at Europa, mga pamilyang OFW na hindi umaasa sa tulong, sa biyaya at iminumudmod na suhol ng pamilyang Arroyo, idagdag pa ang tulong ng internet, ang makabagong media at ang lumalaking bilang ng kabataang botante.
Batid ng Simbahan na maraming mahuhusay, subuk na't may kakayahan at kilalang lider ang Pampanga. Ang isa rito ay ang batikang political analyst, kolumnista, kritiko, isang propesor at apat (4 decades) na dekadang aktibistang si Randy David ng Guagua. Kung dadalhin ng partidong Lakas-Kampi (PALAKA) si GMA, maaring magkaisang dalhin at magtulong-tulong ang LP, NP, UNO at NPC na magtalaga ng common candidate (free zone) na kilala, karapat-dapat at walang bahid kurakot na ipangtatapat kay GMA at ito'y walang tanging iba kundi si Ka Randy.
Tignang positibo at maganda ang magiging epekto ng pagtakbo ni GMA sa Pampanga. Panigurong magmimistulang Fiesta mood sa loob ng 45 days campaign period ang Pampanga, babaha ng pera-bilyong piso ang ibubuhos ng pamilyang Arroyo, gagawin ang lahat ng paraan, marangal at 'di-marangal, manalo lamang at maka-upo sa pwesto.
Ano at bakit kailangan pang tumakbo ang isang presidenteng nanungkulan na, sa kabila ng siyam na taon (9 years) paghahari at apat na Arroyong nakalulok sa kapangyarihan sa Kongreso? Ang isang rason, “immune sa samu’t-saring persekusyon ang isang kongresista, meaning hindi ito magagalaw, maaaresto o makukulong habang ito’y nasa kongreso at may sesyon." Kaya lang, maaaring hindi batid ni GMA na kapag ang kaso ay may parusang mahigit anim na taon, panigurong matutulad siya kay Erap Estrada, naparusahan at nakulong.
Ayon sa ilang mga alyado ng pangulo, inaaming “political survival-seguridad, pagiging lameduck o proteksyon sa pamilyang Arroyo sa kasong kurakot o pandarambong, kasong pandaraya at pagnanakaw ng boto, kasong paglabag sa karapatang pantao at malawakang pagpatay sa mga kaaway sa pulitika at pananalaula ng demokratikong institusyon, ang isang malinaw na dahilan.” (Larawan: President Gloria Macapagal Arroyo; gmaresign.blogspot.com)
Sa konteksto ng walang malinaw na susuportahang malakas na presidentiable, ilan sa lumalabas na option ay ang pagratsada ng Con-As, ang charter change patungo sa pagpapalit ng sistema ng paggugubyernong Federal-parliamentaryo. Kung mananalo sa kongreso, magiging Prime Minister at tiyakang magtatagal sa kapangyarihan si GMA. Pinag-aaralan din ang pagdidiklara ng emergency rule- Martial Law, bunsod ng failure of election at malawakang kilos protesta ng mga kaaway sa pulitika't mamamayang Pilipino. Patungo sa inaasam-asam na transition government at pwersahang pagraratsada ng Cha Cha.
Maaring sikretong makipagkasundo sa isang winnable na presidentiable si GMA, siguraduhing mapoproteksyunan ang pamilyang Arroyo matapos ang termino nito sa June 2010, kapalit ang bilyong pisong pondong pangkampanya, negosyo’t konsesyon. Ang huling option at posibleng may tsansang magkatotoo, ang pagreretiro sa pulitika at kaharapin ang patong-patong na kasong pandarambong sa gubyerno.