Doy Cinco
Habang abala ang iba sa kaliwa't kanan na isyung bumabalot sa administrasyong Arroyo, patuloy ang arangkadahan sa presidentiable race para sa 2010 election. Patuloy ang lundagan at re-allignment ng magkabilang paksyong pulitikal. Habang lumiliit ang tsansang makapagtukoy ng winnable presidentiable bet ang Malakanyang, mas nakumplika ang sitwasyon ng i-anunsyong muling tatakbo si Pres Estrada bunsod sa patuloy na pag-angat ng huli sa mga survey. (larawan; Sen Noynoy Aquino at Kris sa burol ng kanilang NANAY)
Kaya lang, mukhang nagbago ang sitwasyon at konpigurasyong pulitikal sa bansa ng pumanaw si Tita Cory at umeksena si Senator Noynoy Aquino, ang tagapagmana ng people power at kilusan para sa pagbabago. Ang pakikidalamhati ng milyong tao sa pagpanaw, burol at libing ni Tita Cory kahalintulad ng libing ni Ninoy at pagsiklab ng anti-diktadurang pakikibaka may dalawang dekada na ang lumipas ay nagpakitang buhay pa ang diwa at pakikibaka para sa demokrasya, katarungan at paghahanap ng alternatiba ng mga Pilipino.
Nahintakutan ang Malakanyang, inuurong ang balaking Con-As at naudlot ang planong emergency rule at transition government. Umusbong at lumakas ang panawagang Sen. Noynoy Aquino for president movement. Kaya lang, ang inaasam-asam na pagbabago, demokratisasyon at reporma sa 2010 election na pinangarap sa Edsa 1 at Edsa 2 ay tila mauuwi sa bangungot; (Larawan sa baba; Pol Ad ni Sen Villar w/ Boy Abunda)
Una; Bunsod ng kawalang batas patungkol sa "premature campaigning at campaign finance,” may hindi bababa sa tatlong bilyong piso (P3.0 bilyon) ang nagagastos ng mga nagpaparandam at nagpapakilala. Sa katwirang nag-aadvocate, nag-intensify ang “air war,” political ad (broadcast at print media) ng dalawang malalakas na presidential bet. Hindi nagpaiwan sa pagwaldas ng resources ng gubyerno ang Bise Presidenteng si Noli de Castro, DILG Sec Ronnie Puno, Mayor Jojo Binay at lima pang mga aspiranteng nasa gabinete ni Gng Arroyo.
Bumabaha ng mga proyekto (micro finance/lending), mga pautang, mga makabagong (innovation) pamamaraan at malikhaing teknolohiya sa vote buying. Maaring blessing sa ekonomiya o may trickle down effect ang bilyung piso, kapalit naman nito ang katiwalian, kompromiso at weak governance. (Larawan: Info Ad ni Sen Noli de Castro)
Pangalawa; Maaring tanggapin ng mamamayan ang sobrang gastos sa pangangampanya pero ang pangungunsinti't pagpapabaya na muling umiral ang kabulukan, pera-perahan sa halalan ay mukhang hindi mapapatawad ng mamamayan. Imbis na makatulong na maitaas ang antas ng kamulatan ng botanteng Pinoy, "tumulong sa isinasagawang Voter's Education, lumahok sa mga political debates at electoral forum, hindi ito binibigyang prioridad at binoboykot."
Parang kontento at umaasa na lamang sa machine politics at electoral survey bilang punu't dulo ng lahat at wala ng pagsisikap na maipaliwanag ang prinsipyo't plataporma de gubyerno. Ang paglulunsad ng mandatory “presidential debates at forum” ay isa lamang hakbang upang patingkarin ang “issue based” oriented na electoral campaign, maipaliwanag ang "kahalagahan ng 2010 election at active CITIZENSHIP, maging mapagbantay, mapanuri, kritikal at intelihente sa pagboto ang mamamayan."
Pangatlo; Habang papalapit ang kampanyahan, naglalagablab ang situwasyon sa lokal na pulitika. Kabalintunaang sa konserbatibong diklarasyon ng Phil National Police (PNP) at Comelec, mukhang ang kalakhang probinsya, mula Appari hanggang Jolo, kasama ang Kalakhang Manila ay maaring maging ELECTION HOTSPOT.
May hindi mabilang na election related violence, mga namamatay, asasinasyon at ambush ang nagsisimula ng maghasik ng lagim sa lokal. Tumaas ang presyo ng mga armas, maging ang mga gun runner at hired killer bunsod ng pamimili ng matataas na kalibreng baril ng mga warlords at pulitiko. Inaasahang madodoble kundi man record breaking sa kaguluhan at patayan ang 2010 election.
Pang-apat; Hindi naaalis ang pagdududa ng dayaan sa inaasahang malawakang “dis-enfranchisement o vote denial" strategy ng mga operators ng pulitiko. Kahit ipagwagwagan ng Comelec ang pagpupurga ng ilang milyong botante (voter's list), ino-operate ito kasabwat ng ilang mga Election Officers (EO) na makapagpasok at mairehistro ang ilang milyong inpormal na sektor (iligal at ligal) sa mga komunidad. (Larawan: Voter's List)
Panglima; Sa pagluluwag at pagtalima ng Korte Suprema sa 20% bahagi ng Party-list sa Kongreso na isinasaad sa batas, nasalaula at napasok ito ng mga buguk at pekeng mga organisasyon at na-infiltrate ito ng mga pulitikong gustong makatipid sa eleksyon. Liban pa, marami sa kanila ay kuwestyunableng mga marginalized at pinanggalingan.
Panghuli; Sa kabila ng election automation, wala pa ring linaw na magagarantiyahan ang isang malinis, tahimik at credible na election. Ang dayaan sa voter's list (clustering) / registry o record keeping, ang papel ng inside job (Election Officers / Smartmatic- TIM), ang posibilidad na mahijack ang pag-iimprenta ng balota, ghost precints, pananabotahe sa makinang OMR (Oftical Mark Reader) at transmission sa resulta ng election ang nagbabadyang maging kalakaran sa 2010 election. (larawan: automated election / OMR)