Saturday, September 26, 2009

Typhoon Ondoy ikinasorpresa ng gubyerno

-Doy Cinco

Nagulantang at nasorpresa ang Malakanyang, ang National Disaster Coordination Council (NDCC), MMDA at pamahalaang Lokal sa biglaang flashflood sa Kamaynilaan, Gitnang Luzon at Timog Katagalugan kaninang tanghali dulot ng bagyong Ondoy. Habang isinusulat ko ito, ang inisyal assessment, parang ipinapakitang walang plano sa disaster preparedness ang NDCC at lokal na gubyerno. (Larawan: http://www.inquirer.net/)

Inaasahang may ilang daang buhay ang maibubuwis, ilang bilyong pisong pinsalang imprastruktura, ari-arian at produksyong agrikultura ang mapeperwisyo. Inaasahan din na muling magpapakitang gilas ang administrasyong Arroyo at presidentiable bet na si Sec Gibo Teodoro.

Ang bagyong Ondoy na naiulat kamakalawa ng Pagasa na nasa silangang Luzon at nag-land fall kaninang umaga sa probinsya ng Quezon ay tila baga ikinasorpresa ng guyermo. Sinasabing ito raw ang pinakamalakas na pag-ulan at pagbaha na naranasan sa Kamaynilaan sa kasaysayan (since 1960s). Sa laki ng pinsala at trahedya, parang hindi kapani-paniwalang pito (7) lamang ang naiprovide na rubber boat ang lokal na pamahalaan ng Marikina. Wala man lang helicopter na sumaklolo at parang hihintayin pa ata ang tulong ng mga Amerikano.

Magkasabay na lumaganap kanina ang "boluntarismo, pagiging responsableng mamamayan (citizenship), kagitingan" ng mga Pinoy sa panahon ng kagipitan at pagdagsa ng libu-libong himutuk at batikos mula sa mamamayan na nakarandam ng kawalang presensya ng gubyerno sa panahon ng pangangailangan. Patunay ito sa masaklap na kinahinatnan ng sikat na showbiz na si Cristine Reyes at libong pamilya na humingi ng tulong sa media, sa kasawiang palad, buong magdamag na-stranded.

Sa kabila ng may 20 kalamidad at trahedyang nangyayari taun-taon, parang hindi natututo ang mga kinaukulan. Ang Pilipinas na itinuturing disaster-prone areas ng mundo. Resulta ito sa sinasabing typhoon belt na lokasyon ng ating bansa sa Asia-Pasipiko. Tulad ng mga karanasan ng kalapit bansa, unti-unti ng naiigpawan ang hagupit ng kalikasan dulot ng kahandaan at kaayusan sa pamamahala, ang gubyernong Pilipinas ay tila tuliro at parang bago ng bago.

Daan-daang bilyong piso ang naigugol sa infra project ng gubyerno ngunit "mukhang hindi naipriority ang pagmimintina at estratehikong pagtatayo ng mga FLOOD CONTROL project- mega drainage system kahalintulad ng Paris at ibang mauunlad na lunsod sa Europa." Palagiang ipinagmamalaki ang “zero-casualty” ng gubyerno sa panahon ng mga kalamidad, ngunit wala namang programa upang maisustina at mapalakas ang mga brigada para sa disaster's preparedness ng mga komunidad.


Napatunayang mahin
a ang gubyerno sa larangan ng pagbaka ng mga natural na kalamidad at pagiging vigilance sa emergency situation. Marahil, epekto na rin ang "man-made (Trapo) na sangkap ang naturang trahedya" na dumagok sa mamamayan. Walang dudang may pananagutan ang mga pamunuan sa lokal, Malakanyang-NDCC, MMDA at tongresmen sa nangyaring trahedya; mula sa simpleng panawagan ng mga environmentalist na "ipagbawal ang paggamit ng plastic sa mga MALLs, supermarket at groceries na isa sa sanhi ng mga bara sa canal at drainage, pagtatanim ng maraming puno sa lahat ng bakanteng lupa hanggang sa pangunguna ng gubyerno sa pag-oorganisa ng mga disaster's response sa mga komunidad. May pananagutan ang LGUs sa "pagkakasalaula ng mga estero at mga ilog na siya sanang naging “flow path” ng tubig-baha sa tuwing may katindihan ng malalakas na pag-ulan."

Kulang kundi man wala ng pondo ang palagiang palusot ng mga pinunong bayan sa tuwing may trahedya at kung mayroon, maling sistema ng pamamahagi, pagpa-prioridad (poor targeting) na kadalasa'y mga alipores ang nabibiyayaan. Sa totoo lang, mas nagiging pabigat pa ang ilang sa mga pulitiko dulot na ng ilang dekadang katiwalian at maling sistema ng paggugubyerno (bad governance). Mas inuuna ang pagtatayo ng electoral machinery sa mga komunidad kaysa sa mga disaster preparedness team sa mga komunidad.

Mahirap ikatwiran na ang pangunahing dahilan ng karalitaan ng mga Pilipino ay sanhi ng mga natural na kalamidad at trahedya, sapagkat bukud sa nararanasan din ng mga kalapit bansa ang trahedya, ang nakaka-intriga ay kung bakit nai-igpawan ng mga bansang ito ang trahedya at patuloy silang umuunlad.

Kung sino man ang papalit na presidente sa 2010, mukhang kailangan matugunan ang suliranin hindi lamang ng natural na kalamidad bagkus ang man-made na kalamidad. I-institusyunalisa ang isang malakas na calamity protection at disaster preparedness program sa mga lokal na gubyerno, lalong-lalo na sa mga depressed community, sa mga vulnerable, sa lunsod man o sa kanayunan.



Tuesday, September 15, 2009

Teodoro-Puno's local machinery

- Doy Cinco

Itinakwil na ng PALAKA (Lakas-Kampi CMD) at ng palasyo si Vice President Noli de Castro at si MMDA Chairman Bayani Fernando (BF). Si Noli na isang ulila't walang partido, consistent na nanguna sa mga survey at ngayo'y pumapang-apat sa ranking, ang napabalitang sikretong nakikipagNEGO kay Sen. Manny Villar ay pina-asang bibitbitin ng administrasyong Arroyo. Samantalang si BF, isang masugit na partidista (Lakas), pangalawa sa kulelat (1.0%), kaalyado ng pamilyang Arroyo, berdugo ng maralitang lunsod at may pakana ng U-Turn Slot sa Kamaynilaan ay umasa ring bibitbitin ng administrasyon Arroyo. Bagamat may proseso raw na pinagdaanan, ang tingin ng marami, parang ginago, tinarantado at trinaydor ng mga dorobong pulitiko na kaanib sa PALAKA ang dalawa. (Larawan sa baba; Defence Sec Gibo Teodoro, MMDA Chair BF at Vice President Noli de Castro)

Ayon sa mga operador ng palasyo, “wala na sa orbit” ang dalawa o kulang na lang sabihing “pabigat lamang, liabilities at wala itong paunang pantapat na pakimkim at pondong pangkampanya (bilyong pisong counterpart) para sa partido."

Mula sa partidong Nationalist People's Coalition (NPC), naging hunyango at lumipat sa Lakas-Kampi si Gibo, ang paboritong pamankin ni Danding, ang isa sa pinakamakapangyarihan tao sa bansa, ang kasosyo sa negosyo ng pamilyang Arroyo at binansagang "Arroyo loyalist" ay pinagpalang dadalhin ng PALAKA sa presidential election. Malamang sa hindi, ang kanyang ka-tandem na si DILG Sec Ronnie Puno bilang bise presidente, ang mersenaryo at hari ng mga operador sa bansa.

Lakas-loob na ipinagmayabang ng administrasyon Arroyo na bukud sa ilang bilyong pisong resources o warchest ng Malakanyang, mayroon pa raw silang matibay na “lokal na makinarya,” ang mga incumbent re-electionistang mga LGU officials. Pinagyabang hawak raw nila ang maraming TONGRESMEN, Liga ng mga Gobernador at Mayor, Liga ng mga Kagawad at Liga ng mga Kapitan ng Barangay sa Pilipinas. Sila raw ang pundador, ang alas at magtatakda ng kasiguruhan magtatagumpay ang kasalukuyang administrasyon sa 2010 eleksyon.

Sa kanilang teorya, "ang lokal na makinarya ang magtitiyak raw ng boto, ang magdedeliver at magseseguro ng boto" tungo sa tagumpay. Ang problema, kung ang dahilan ng iyong pananagumpay ay dulot ng 4G (guns gold, goons at garbage), KBL (kasal binyag libing), warlords, casique o LUMANG PULITIKO, sira pa rin. May naturingang lokal na makinarya kung hindi naman ito epektibo, pleksible at aktibo, wala rin.

Kahit sabihing matino, perpekto at may sapat na pondo at lohisitika ang makinarya, kung pagmumulan naman ito ng girian, inggitan at away sa loob ng partido, wala rin. Ang pinakamasaklap na senaryo, kung hindi TANGGAP ng mamamayan ang Teodoro-Puno at administrasyong Arroyo, kung talunan, walang kapana-panalo at may credibility problem, talo pa rin.

Batay sa karanasan at kasaysayan, "hindi awtomatik o walang kasiguruhang kayang ipanalo o makapag-deliver ng boto ang lokal na makinarya patungo sa nasyunal. Sa totoo lang, may isang libong beses na kapani-paniwalang mas aasikasuhin ng lokal ang kani-kanilang mga sarili, ang kani-kanilang political survival kaysa intindihin o pagka-abalahan ang nasyunal na labanan."

May sariling dinamismo ang lokal. Lubhang magka-iba ang mundo ng lokal, sa mundo ng nasyunal na pulitika. Inaasahang mas ipapriority ng lokal na talunin ang kanilang kalaban at manalo kaysa isalba't ipanalo ang kandidato ng PALAKA sa nasyunal. Strategically, "mas ipopokus ng lokal ang sariling kampanya, meaning ang sariling bakod, bago paki-alamanan ang GIBO-PUNO tandem at senatoriable candidates sa nasyunal."

Totoong mahalaga ang electoral machineries sa lokal o ang tulong ng command votes na maaaring maglaro sa limang porsiento (5.0%) ng winning margin. Kaya lang, sa liit nito, hindi dapat umasa at magtiwala. Alalahaning kapwa mahalaga ang MARKET VOTES at SWING VOTES na bumubuo ng halos otchenta porsiento (80.0%) ng kabuuang botante sa Pilipinas. Ito ang mga kadahilanan kung bakit nagiba na parang kastilyong buhangin ang senatoriable slate ng administrasyong Arroyo nuong 2007 election, ang phenomenon ni Sen Trillanes at ng mga Pineda at Lapid sa Pampanga.

Sa madali't sabi, kung makadadagdag boto si Noynoy Aquino o si Manny Villar sa lokal, makakatulong sa kanyang pagpapanalo, duon siya tataya at lulugar. Ganito ang kasaysayan, karanasan, kasalimuot at KABULUK ng pulitika at halalan sa Pilipinas.


Tuesday, September 01, 2009

Liberal Party, seryoso at handa na


Doy Cinco

"Alang-alang sa pagbabago't reporma, pagkakaisa at alang-alang sa bayan," nagpasyang isakripisyo ni Sen Mar Roxas ang laban at ibinigay kay Noynoy Aquino ang baton sa labanang pulitika sa 2010. Ayon kay Mar, “matapos ang masalimuot na usapan, pagtataya at pagtatasang pulitikal," umatras siya bunsod sa nakikitang trahedyang kakaharapin ng partido sa 2010 presidential election.

Mabigat ang suliranin ng LP, ang pagiging watak-watak na karaniwang sanhi ng kabulukan ng pulitika sa ating bansa. May grupong maka-GMA, may gustong pairalin ang demokratikong proseso, may aktibista at may simpleng oportunista at TRAPO. (Larawan: PARA SA BAYAN. Si Sen. Mar Roxas na nag-Laban sign habang inaanunsyo ang kanyang pagsuporta at pagbibigay-daan kay Sen. Noynoy Aquino bilang presidential bet ng Liberal Party (LP). (Jhay Jalbuna) http://www.abante.com.ph/issue/sep0209/default.htm)

Matapos pumanaw si Tita Cory at milyong Pilipino ang nagdalamhati, muling naipakitang buhay pa at lumalakas ang diwang makabayan, anti-diktadura, people power at kilusan para sa pagbabago. Sa pag-usbong ng panawagang Noynoy Aquino for President movement, mukhang mauulit ang kasaysayan may dalawang dekada na ang lumipas. Muling tumitingkad ang panawagang labanan ang pwersa ng makaluma at tradisyunal na pulitika (trapo). Magkakasunod na nag-uusbungan (emerging movements) ang mga kilusang nananawagan para sa pagbabago ng pulitika at reporma.

Umarangkada ang Moral Force Movement (MFM), isang kilusang nananawagan ng moral transformation bilang solusyon sa lumalalang kalagayang pulitikal at immoralidad. Hangad nila ang patuloy na paghahanap at pagluklok ng tamang lider, pagbabago 'di lang sa bawat indibidwal, maging sa mga institusyon at sa bayan.

Naunang itinatag ang Movement for Good Governance (MGG) na kinabibilangan ng sektor sa akademya, simbahan, media, negosyo at good governance advocates. Kasunod na sumambulat ang grupong Kaya Natin na binubuo ng ilang mga aktibistang gobernador at mayor, ilang sektor ng akademya at NGOs. Hindi pa kasali rito ang mga malalaking oganisasyong tulad ng PPCRV-CBCP, Kilos Botante, Consortium on Electoral Reform (CER) na maaga ng nakakasang magbantay, magmonitor at kabataang handang maggugol (Patroller) ng panahon alang-alang sa panawagan maging malinis, tahimik, kapani-paniwala ang darating na 2010 election.

Nuong isang araw, nabuo ang tinatawag na "panunumpa" ng mga tatakbong presidente, bise presidente, senador at iba pang libu-libong nagmamalasakit na mamamayan at nanawagan na “maging malinis, makatotohanan at itakwil ang apat na Gs (4Gs – guns, gold, goons at garbage) sa nalalapit na kampanyang eleksyon.”

Mukhang nagbago at magbabago ang latag ng political campaign, re-allignment ng pwersa, estratehiya at latag ng politika sa 2010. Ang pag-atras ni Mar Roxas at mga kaganapang pulitikal ay hindi hiwalay sa lumalakas na kilusang nananawagan ng pagbabago na maaaring maka-impluwensya sa kahihinatnan ng 2010 election. Sa puntong ito, maaaring sabihing nakalalamang na't makakabwelo ang LP kung ikukumpara sa iba. (Larawan; local private armies sa Northern Luzon, www.pcij.org)

Kaya lang, di hamak na magkaiba ang mundo ng pulitika sa lokal at sa nasyunal. Kung may pagbabago at positibong aspeto ng pulitika sa antas nasyunal at Kalakhang Manila, sa LOKAL na pulitika at sa kanayunan (local politics) kung saan nakabaon ng ilang henerasyon ang lokal na kaharian (clan politics), mga malalayong lugar ng Mindanao, Bikol, Visaya, Central at Northern Luzon, walang dudang "mananatiling trapo, patronahe, casique, warlordismo (4 Gs) at buluk ang latag ng political landscape at halalan sa 2010."