Thursday, October 22, 2009
2010: masaya't MAGULO
- Doy Cinco
Habang papalapit ang filing of candidacy sa November 30, umiinit, nagiging masaya at magulo ang 2010 presidential election. Kamakalawa, ang binabalewang kandidatura ng dating pinatalsik na Pangulong Erap Estrada kasama ang tigasing oposisyong si Mayor Jojo Binay ng Makati ay pormal ng nagdiklerang tatakbo sa 2010. “Lilinisin ko ang aking nadungisang pangalan at higit sa lahat, alang-alang sa aking ina,” ang mariing mensahe ni Estrada. Layon ng huli na muling mabawi ang pampulitikang kapangyarihang inagaw sa kanya ng mga naghaharing elite at civil societies, may walong taon na ang nakalipas. (Larawan: Joseph Estrada and his running mate Makati Mayor Jejomar Binay are shown in a file photo. JONJON VICENCIO, http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=514321&publicationSubCategoryId=63)
Sa unang sultada, tatlo - lima (3-5) ang maagang umarangkada. Si Sen Mar Roxas, Sen Manny Villar, VP Noli de Castro, Sen Loren Legarda at si Chiz Escudero. Nag-uunahan sa survey at infomercial-political AD si Noli de Castro at Villar at nasa kulelat si Sen Ping Lacson at Bayani Fernando. Sumunod na yugto ang atrasan at pagrere-eleksyunista na lamang ng ilang nauna ng nagparandam bunsod ng iba't-ibang mga kadahilanan, ang kasalatan sa pondo't makinarya at PADRINONG tataya't mamumuhunan.
Maliban kay Sen Mar Roxas na bumaba sa labanan (VP) , tuluyan ng naunsyami ang pagnanasa ni VP Noli de Castro at malamang si Loren Legarda (VP?). Nagbago ang kompigurasyong pulitikal ng pumanaw si Tita Cory. Biglang eksena ang Noynoy Aquino at nagsanib pwersa sa partidong Liberal (LP) si Sen Ping Lacson, Sen Kiko Pangilinan, Gov Among Ed at Grace Padaca.
Kalaunan, imbis na papaunti, mukhang paparami pa? Mukhang anim (6) ang maglalabanan. Ang lumilitaw, nangunguna sa maraming survey si Noynoy Aquino ng Liberal, Manny Villar ng Nacionalista, Erap Estrada ng United Opposition, Sen Chiz Escudero, ang paboritong pamangkin ni Danding Cojuangco at pambato ng Arroyo administrasyong si Sec Gibo Teodoro ng Lakas-Kampi (PALAKA), si Sec Ebdane at environmentalist na si Nick Perlas. Kaya lang, nananatiling nasa tatlo (3) ang seryoso; si Noynoy, Villar, Gibo o si Chiz.
Matapos yurakan ng PALAKA ang kandidatura ni Noli de Castro at ni Bayani Fernando, ibinitin ang pormal na basbas sa Gibo-Puno tandem. Mukhang naghahanap ng tamang kombinasyon ang huli ng isang kandidatong "hindi gaanong kritikal sa pamilyang Arroyo, popular at may winnability."
Anumang sandali, magpapatuloy ang re-allignment ng pwersa, TRADE-OFF, mga pagbabago't pampulitikang drama; ang trayduran, lundagan at piratahan. Sa susunod na mga linggo, inaasahang makokompleto na ang line-up at maipi-pirmis na ang Noynoy Aquino-Mar Roxas senatoriable slate at Erap-Binay, kung sakaling ma-settle nito ang abirya ng ligalidad sa pagtakbo. Sa kabilang banda, hilong talilong at patuloy sa nakikipag-negosasyon si Manny Villar, Gibo at Chiz Escudero sa pagpupuno ng kani-kanilang mga slate.
Ayon sa ilang sources, "patuloy na nag-uusap ang pamilyang Arroyo at Danding Cojuangco at kinukumbinsi si Chiz o si Loren na maging ka-tandem ni Gibo. Kung sakaling maipaplantsa, GIBO-CHIZ o Gibo-Loren tandem ang isasalaksak ng administrasyong Arroyo. Lalabas na klarong buhay ang alyansang ARROYO at DANDING, ang pagpapatuloy ng impluwensya't political survival ng pamilyang Arroyo at security ng negosyong kontrolado ni Danding. Dalawang (2) political clan at kilalang personalidad na lamang ang nagdedesisyon at parang ginagawang tanga ang mga kandidato at partido. (larawan sa baba; GMA at Danding Cojuangco)
Maaring positibo o negatibo ang ganitong klaseng kaayusang pulitikal. Sa panig ng ilan, gugulo at titindi ang dayaan at patayan lalo na sa lokal na labanan. Marami ang madi-dis-orient bunsod ng pabago-bagong ihip ng hanging pulitikal. Ang dating maka-Arroyo ay kara-karakang nasa oposisyon. Maaaring masaya sa iba sapagkat, mas marami ang kekengkuyin at kokotongan. Mas marami ang pagpipilian, mas buhay ang demokrasya, marami ang kukulitin na mga advocates ng mga isyu at plataporma de gubyerno at candidates forum. Ang sabi ng iba, hindi si GMA ang isyu bagkus ang kabulukan ng pulitika't halalan.
ISYU at AGENDA
Malaking hamon na kakaharaping ng isang presidenteng mamanahin ang gabundok na iniwang kabulukan ng Administrasyong Arroyo. Ang talamak na pangungurakot (institusyunalisasyon ng katiwalian) na ibinunga ng deka-dekadang kabulukan ng sistemang halalan at pulitika. Ang anti-mamamayan at maka-elitistang patakaran, ang dynamics ng local at national politics, pagpapalakas ng mga demokratikong institusyon at Constitutional reform, ito ma'y charter change con-as or con-con.
Kung criteria for leadership ang pag-uusapan, isang matapang, astig at may kredibilidad na klase ng pamumuno ang kailangan, meaning may political will o may buto sa gulugod na postura. May personal integrity, paninindigang paglingkuran (servant) ang bansa hindi pansarili o may pangkalahatang kapakanan (service to the nation) at higit sa lahat, astang aktibista.
Susuungin ang pagpapalakas at pagpapaunlad ng ekonomya (sustainable economic growth), maayos na paggugubyerno, maka mahihirap (maralita), may klarong social contract at accountability. Hindi na rin maisasa-isang tabi ang papel ng Inang Kalikasan, ang papel ng komunidad, lalo na't sariwa pa ang masaklap na dilubyo't trahedya ni Ondoy at Pepeng.
Kaya lang, magulo man ito o masaya, hindi ko malimutan ang komento ng isang ordinaryong tambay sa kanto at ilang pasaway na aktibista. Ani nila, “sa totoo lang, pare-pareho lamang silang nananalanta. Ang halalan at pulitika tulad ng bagyong Ondoy at Pepeng ay parehong walang mapapala ang maliliit at mahihina. Pareho silang dilubyong tatama sa patuloy na karalitaan ng mamamayang Pilipino. Sa kanila, simple lang ang tingin, kung saan kami makikinabang, duon kami tataya, yun ang kanilang iboboto.”
Monday, October 12, 2009
Pagbabalikwas ng Inang Kalikasan
- Doy Cinco
Climate change, global warming o global penomina at gawang tao man ito, ang sigurado, ang trahedyang dala ni Ondoy, Pepeng, mga nauna, sinaunang mga kalamidad at darating pang dilubyo sa hinaharap ay maliwanag na “pagbabalikwas at ganti ng inang kalikasan” laban sa katusuhan at kasibaan ng mga kinaukulan, naghaharing-uri, mapagsamantala't mga nagpapanggap na tagapagligtas ng sansinukob.
Sa ngayon, ang diskurso ng trahedya't dilubyong dinaranas ng Pilipinas ay sanhi ng kombinasyon ng abnormal na weather patters ng climate change, ang malalakas na buhos ng ulan o precipitation at ang walang patumanggang pagkakalbo ng mga kabundukan, pananalaula ng mga real estate DEVELOPERS, QUARRYING-MINING, kawalan ng zoning ordinance, mga legal at illegal loggers - fishpens sa buong kapuluan, kawalang kahandaan at bad governance.
Ang Pilipinas kasama ang iba pang mga bansa sa Asia-Pasipiko ay geographically located sa sinasabing circum-pacific belt of fire and typhoon. May dalawampung bagyong kalamidad ang pumapasok sa Pilipinas taun-taon. Bukud sa tubig baha at landslide na idinudulot ng bagyo, malalakas na lindol at tsunami ang inaasahan sa mga darating na araw, linggo o buwan na makadadagdag pinsala sa lumalaking populasyon ng bansa at banta ng climate change.
Kung babalikan ang kasaysayan, naging bahagi na ng buhay ng ating mga ninuno ang tubig-baha, trahedya at dilubyo. Ang salitang “Tagalog” ay galing sa mga taong naninirahan sa ilog (Lawa ng Laguna at mga tributaryo), meaning TAGA-ILOG. Ang mga Kapangpangan na nakatira sa Pampanga ay mga taong naninirahan sa "pampang" (Pampanga river delta). Pinatotoo lamang na sadyang ang mga ninuno natin nuon ay nabubuhay at nagsu-survive sa tubig-baha, sa karagatan at archipelagic na katangian ng ating bansa. Ang BALANGAY bilang bahagi ng pamumuhay noon ay naging mas mahalaga kaysa sa mga lansangan-kalsada (land transportation) o tulay para sa kilos-mobilisasyon ng mga tao. (Larawan: Tagailog, flickr.com at BALANGAY, matangdilis.moodle4free.com)
Noong Hulyo, 1904, may tatlong araw na umulan ng malakas sa probinsya ng Rizal kung saan itinuring “the greatest inudation (lubug)” na naitala sa Kamaynilaan. Daming buhay ang nawala, ari-arian, mga hayop na naanod, mga balsang (barge) natangay, mga tulay, daan ang nasira at higit sa lahat muling naghari ang BALANGAY sa Kamaynilaan. May Naitala ring “the great typhoon noong 1928” na puminsala sa ari-arian, hanapbuhay at buhay.
Noong 1972, isang bagyong Yoling ang tumama kung saan umulan ng mahit isang buwan (40 days and 40 nights) na nakapagdulot ng matinding baha't trahedya 'di lang sa Kamaynilaan maging sa karatig rehiyon ng Luzon. Dahil dito, isang Hong Kong-based urban planning consultancy firm ang nagmungkahing itayo ang “Metroplan.” Isang blueprint na nagpanukalang higpitan ang development project sa mga critical areas ng Kalakhang Manila. Nagkalimutan at hindi na ito pinansin ng mga kinaukulan.
Dekada rin ito (1976) ng nagkaroon ng magkakambal na super typhoons na nagngangalang Sening and Titang. Apat na araw na umulan, nanalasa, kumitil ng ilang libong buhay at ilang daang milyong pisong damyos pinsala sa agrikultura at ari-arian. Matapos ang trahedya, itinayo ang Manggahan Floodway na magsasawata sa tubig-baha sa Kamaynilaan partikular sa lunsod ng Pasig at Marikina. Kasama sa package ang pagtatayo ng ParaƱaque Spillway (southeast of Makati) na siya namang magtataboy ng tubig-baha sa Kamaynilaan patungong Manila Bay at Laguna de Bay. Sa hindi malamang dahilan, nabulilyaso ang pagtatayo ng Paranaque Spillway.
Noong 1977, nagbabala ang World Bank (WB) na nasa danger zone na lulubog sa tubig-baha ang ilang mababang lugar sa Kalakhang Manila, sanhi ng pagbabago ng topograpiya ng Pilipinas, partikular ang Marikina Valley at Laguna de Bay, mga coastal areas ng Manila Bay at Gitnang Luzon.
Ilan taon matapos ang babala ng WB, isang malagim na Ormoc tragedy na pumatay ng mahigit anim na libo (6,000) ang bumulaga sa mundo nuong 1991. Ito sana ang nagbunsod upang kumilos at magsagawa ng mga patakaran laban sa walang habas na pangangalbo ng kagubatan at disaster preparedness. Matapos ang trahedya, P 1.0 bilyong FLOOD WARNING SYSTEM ang inihatag ng Hapon (JICA) sa Dept of Public Works and Highway (DPWH) noong 1992 at ipinagpatuloy ng Metro Manila Devt Authority (MMDA) noong 2002 hanggang sa kasalukuyan. Ito sana ang magmomonitor ng water level at water gauge sa panahon ng bagyo na makakatulong upang makapaghanda at agad makalikas ang mamamayang malapit sa mga danger zone. Ang masaklap, nasayang, hindi naimintina at napabayaan lamang.
Malaking salik ang “disaster threshold,” ang matinding KARALITAAN ng pamilyang Pilipino at realidad ng traditional politicians (political opportunism) sa ating lipunan. Nagsisilbing magneto ang KARALITAAN ng ating mga kababayan kung bakit vulnerable o lantad sa panganib ang ating mga kababayan. Dahil isang kayod-isang tuka, napipilitan manirahan sa danger zones, sa gilid ng bulkan at bangin (cliff), sa tabi ng lawa at ilog hindi alintana ang panganib at kamatayan. Ang nakakalungkot, nagbulag-bulagan at mistulang bingi ang mga pinunong bayan (trapo) sa banta ng panganib na kinakaharap ng kanilang constituencies na siyang naglukluk sa kanila sa kapangyarihan.
Ang karaniwang palusot ng mga ahensya ng gubyerno, ay maghugas kamay at pagbuntungan ng sisi ang mga maralita, mga urban poor communities na siyang sanhi at salarin raw ng tubig-baha. Bagamat nanghihinayang sa boto, nakahanda ng idemolish ang maramihang mga squatters (kalahating milyong kabahayan - 500,000 shanties) sa mga nabanggit na lugar. Samantalang kukuya-kuyako'y lamang ang mga salaring bigtime DEVELOPERS, legal at illegal loggers, CORPORATE FISHPEN at mga oportunistang pulitiko (trapo). (Larawan: Fishpen sa Lawa ng Laguna,
Dahil sa hagupit ng inang kalikasan, mahalaga sa ngayon ang pagpapatupad ng isang pangkalahatang kapakanan na magsasagawa ng isang komprehensibong plano at practicable program para sa mga dilubyo't trahedya, kasama ang hazard reduction, pag-iwas sa mitigasyon. Malaki ang pangangailangang magkaroon ng pakikipagtuwang at pakikipagkoordinasyon sa lahat, kasama ang Phil National Red Cross, NGOs, TV networks at ng lokal na disaster coordinating councils na tulong-tulong na mag- i-institusyunalisa ng mga Community Based Disaster Management – CBD o mga barangay field disaster response team sa buong bansa.
Malaki rin ang papel ng "aktibo at responsableng mamamayan (citizenship movements)" sa panahon ng ligalig at dilubyo. Hindi na makasasapat ang "sectoral based oriented at pagiging militansya," bagkus may "pangkalahatang kargang usapin; ang pagiging active defense sa anumang klaseng banta o panganib ng man-made o natural made calamity," ang pagsusulong ng kagalingan, kaunlaran at katiwasayan ng komunidad, ito ma'y usaping panlipunan, pangKALIKASAN, pulitikal at paggugubyerno.
Nawa'y magsilbing wake-up call ang dilubyong idinulot ni Ondoy at Pepeng.
Friday, October 02, 2009
Bilyon Pisong tulong nanganganib na maibulsa
- Doy Cinco
Mula kahapon, may kalahating milyong mga kababayan mula sa maralitang lunsod ang patuloy na nakalagak sa mahigit 600 evacuation center. Aabot sa 300 ang nasawi, ilang daan ang nawawala, sugatan at higit sa limang bilyon piso (P5.0 bilyon) ang pinsala, sa agrikultura at ari-arian. Ayon sa DSWD, may P24.0 milyon na lamang ang natitirang pondo para sa calamity relief. Habang dagsa ang foreign assistance at donasyon mula sa United Nation (UN, tignan sa baba yung figure), patuloy na nananalasa ang bagyong Pepeng sa hilagang Luzon, sa Cagayan, Isabela, Cordillera at Ilocos region. (Residents walk on a muddy road in Barangay Tumana, Marikina as they return to houses damaged by tropical storm ‘Ondoy. BOY SANTOS / http://www.philstar.com/)
Tulad ng inaasahan, muling gagamitin ni GMA ang kalamidad para magpapogi't makabawi. Bukud sa diklerasyong state of calamity, una ng inanunsyo ni GMA na bukas ang pinto ng Malakanyang para sa mga nasalanta. Ang isa sa inaabangan ng marami ay ang diklerasyong kaya nitong suspindihin ang pagbabayad utang sa GSIS at SSS.
Kaya lang, mas hahangaan ng mundo si GMA kung mananawagan din itong isuspindi ang pagbabayad ng utang sa IMF-WB at iba bang multilateral na pinagkakautangan ng Pilipinas habang dapa at bumabangon ang Pilipinas sa tindi ng inabot na dilubyo. Sa kasalukuyan, may mahigit apat na trilyong piso (P4.0 trilyon) ang pagkakautang ng Pilipinas na sa totoo lang ay hindi naman natin napakinabangan. Kaya lang, mukhang hahangarin pa nito ang patuloy na mangutang kaysa banggain ang mga dambuhalang institusyon ng pananalapi sa mainit na isyu ng debt moratorium.
Kung mapapansin, sa mga press conference, nasasaksihang muli ang pagtataray ni GMA sa mga buguk na pamunuan ng mga ahensya ng gubyerno. Ang lahat ng ito ay malamang pagpapakitang “on top of the situation at hindi lameduck ang sarili. Kung matatandaan, sa isang State of the Nation Address (SONA) nung nakaraang taon, pinagyabang nitong well in place na ang flood control, drainage system, plano sa disaster's preparedness at "zero casualty" sa panahon ng kalamidad.
Bunga ng sunud-sunod na kahihiyang inabot sa pulitika, sa pormasyon ng PALAKA, sa junket trip at maluluhong hapunan sa Amerika, may ilang linggo ring nawala sa mata ng mamamayan si GMA. Kaliwa't kanang negatibong reaksyong ang inabot ng gubyerno sa naging paghahanda sa disaster's preparedness, kainutilan ng lokal at ahensya ng gubyerno at mabagal na pagresponde sa kainitan ng pananalasa ni Ondoy. Yung "act of God" na pinalulutang sa media ay nauwi sa kagagawan ng mga namumuno't mga pulitiko (act of men), ang kawalan ng estratehikong plano, bad governance at pagmamahal sa inang kalikasan.
Malayo sa katotohanang nagkaroon ng kontrol (situation) ang administrasyong Arroyo sa panahon ng dilubyo ni Ondoy. Patunay ang kalunus-lunos na larawan ng ating mga kababayan. Ang inaasahang calamity funds na pang-isang taon ay mukhang nasaid. Halos manikluhod at himingi na ng saklolo ang gubyerno sa mundo, sa United Nation, sa mga alyado at mayayamang bansa.
Mainit na inaantabayanan ang P10.0 bilyong supplemental budget para muling maitayo at maibalik raw sa normalcy ang mga lugar na niragasa ni Ondoy na mukhang nakasalang at sasang-ayunan ng Kongreso. Bukud sa P 2.0 bilyong calamity funds na paubos na, sapat raw ang pondong P10.0 bilyon para sa relief at rehab na nakasalalay pa kung magiging maganda ang koleksyon sa buwis ng gubyerno. next year. Kung magkaganoon, "inaasahang lolobo sa target na P 250.0 bilyon ang budget deficit."
Sa kabilang banda, agad tumugon ang mundo na saklolohang ang Pilipinas at sa huling pagtataya, lalagpas sa kalahating bilyon piso ang matatanggap na international assistance para sa relief at rehabilitation. Sa takot, mukhang ang United Nation na ang hahawak at mag-ooperasyunalisa sa $ 74.0 milyong pondong gagamitin sa relief at rehabilitation sa mga nasalanta ni Ondoy. Marami sa mga nag-abot ng tulong-relief ay diniretso na lamang sa Phil National Red Cross, broadcast media, simbahan at sa mga Non Government (pribado) organisasyon (NGOs).
Kung pahahawakan sa mga pulitiko at sa Malakanyang, tiyak na mauuwi sa bulsa ng mga predatory trapo ang pondo. Hindi na balita ang pangungulimbat sa pondong pang relief at pangrehab ang mga pulitiko. Ganito ang kinahinatnan sa P5.0 bilyong pisong pondo ng bagyong Reming na rumagasa sa Bicol, milyon-milyong pisong nawala sa Bagyong Mina at Milenyo.
Hindi masama ang magduda. Kaya lang, ilang buwan na lang (5 buwan) ay kampanyahan na, kulang-kulang 2 buwan na lang at filling of candidacy na at hindi malayong paghinalaang mauuwi lamang sa 2010 election ang ilang masusubing pondo para sa mga nasalanta. Mahalagang mabantayan ng mamamayan ang pondo. Mahalagang maisayos at maging maisinop ang pamamaraan ng targeting, distribution at paggastos. Kung walang transparency, matinong sistema ng accounting at monitoring, tiyak na malalagay sa alanganin ang pondong donasyon para sa mga nasalanta at biktima.
(Larawan : ALL THE HELP WE CAN GET. UN Secretary-General Ban Ki Moon welcomes Philippine Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo at the United Nations general headquarters in New York City on Tuesday. - DFA photo http://www.gmanews.tv/story/173585/foreign-aid-pours-in-for-ondoy-victims)