Tuesday, November 24, 2009

Ampatuan Dynasty and Arroyo administration

"Partner in Governance"

- Doy Cinco

Isang trahedya o man made calamity ang dinastiya't warlordismo sa Maguindanao. Sa patuloy na pamamayagpag ng isang pusakal, modern day GODFATHER at dinastiyang Ampatuan clan, ang realidad ng kawalang pag-asa, paghihikahos, karalitaan, karahasan at panunupil ng demokratikong karapatan ng mamamayan sa Maguindanao ay tila wala ng katapusan. (Location Map, www.khaleejtimes.com/DisplayArticle09.asp?xfi...)

Isang classic example ng guns, gold, goons ang pampulitikang dinastiya ng mga Ampatuan. Ito ang mga kadahilanan kung bakit isang "banana republic," atrasado at hindi maka-uga-ugaga sa kahirapan ang Pilipinas. May ilang dekada ng namamayagpag ang dinastiya't political clan sa Pilipinas. Ilan sa mga kilala; Singson, Marcos at Ortega ng Ilocos region, Enrile, Dy, Albano ng Cagayan at Isabela, Cojuangco ng Tarlac, Arroyo ng Pampanga at Negros Occidental, Joson ng Nueva Ecija, Remulla ng Cavite, Ynares ng Rizal, Villafuerte ng Camarines Sur, Espinosa ng Masbate, Durano't Garcia ng Cebu, Romualdez, Codilla-Petilla ng Leyte, Espina ng Biliran, Datumanong, Dimaporo ng Mindanao, Valera ng Abra at marami pang iba.

Kinunsinti ng administrasyong Arroyo ang monopolyong paghahari ng dinastiyang Ampatuan. Sa katunayan, kaanib ng LAKAS-CMD ang mga Ampatuan. Ano man ang naising gawin, iligal at hindi marangal, nasusunod na parang hari ang Ampatuan Clan. Mula sa luho, armas, droga, pangungulimbat at institusyunalisasyon ng private armies. Ang katawa-tawa, ginawang tanga ang mga institusyon (Comelec at Hustisya) ng estado, pagpapatahimik sa media, grupong simbahan at kilusan ng mamamayan.

Iisa lang ang hangad ng mga Ampatuan, ang durugin ang mga kaaway at pagpapalawak ng pampulitikang kapangyarihan sa Mindanao. Maliban sa pagpapayaman at pagpapalakas ng sariling private armies, bumili ng mga bago at modernong baril at ituring mga security guards ang Philippine National Police, Civilian Volunteer Organization at ilang military personel. Ang karumal-dumal na Maguindanao Masaker kahapon ng umaga sa bayan ng Ampatuan kung saan may 60 sibilyan ang pinagpapatay ay patunay lamang na "patay na ang rule of law at ganap ng naparalisa ang mga demokratikong institusyon sa rehiyon."

Kabilang sa "Club 20" o pinakamahirap na probinsya ng Pilipinas ang Maguindanao. Ang bilyong pisong pondo ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), IRA ng probinsya, milyong dolyar na proyekto mula sa US-Aid, United Nation (UN) Agencies, Japanese-European International Agencies at NGOs ay nawalang saysay dahil sa katiwalian, karahasan at warlordismo. Halos walang maiprovide na basic services, edukasyon, duktor at hospital, inprastruktura, maiinum tubig at kuryente, pabahay, agricultural production, livelihood at suportang pagbubukid.

Isa lamang "moro-moro" ang halalan sa Maguindanao. Ilang buwan bago ang takdang halalan, pili na, dinisisyunan at pinauupo na sa pwesto at ang halalan ay isang formality na lamang. Bukud pa sa sabwatan sa pagitan ng warlords at mga MAFIA sa Comelec, tinatakot at pinapatay ang mga nag-aastang makitunggali sa pulitika. Alam ng mundo na tapos na ang 2010 election sa Maguindanao. (Photo:list Private Military Contractors (PMC/ www.ellentordesillas.com/.../2006/07/iraqjp.JPG)

Kung walang iiral na emergency measure ang Comelec, tiyak "failure of election" ang 2010 Poll Automation. Una; isa-ilalim sa kontrol ang rehiyon, magsagawa ng internal cleansing process ang Comelec. Buwagin ang mga private armies, private military international (MERCENARY) Security companies na karaniwang pinagmumulan ng advance high powered na armas ng mga local warlords. I-demilitarized ang buong Mindanao at para maminimized ang perennial election violence, gawing mas maaga (April 2010) ang iskedyul ng halalan sa lugar" at tulad ng mga Ampatuan, i-disqualify ang mga warlords sa buong bansa.

Sa pamamagitan ng pakikipag-ututang dila, nakontrol ng Administrasyong Arroyo ang mga warlords-dinastiya sa walong (8) taong pamamalagi sa Malakanyang. Hindi lamang sa pakinabang ng "dag-dag – bawas, hello Garci for political survival, nagawang paglaruan ang lehitimong panawagan at agenda ng kapatid nating mga Muslim sa Mindanao sa pamamagitan ng pag-o-orchestrate ng ganansya sa digmaan at paghati-hati ng mamamayang Moro."

Tulad ng Afghanistan, Iraq at ilang FAILED STATE sa Africa, ginagamit at pinakikinabangan na parang salbabida (political survival) ng isang "weak state" tulad ng administrasyong Arroyo ang pampulitikang angkan at dinastiya, manatili lamang sa poder ng kapangyarihan.

Kung walang seryosong reporma sa sistema ng pulitika, magpapatuloy ang dinastiya't warlordismo, katiwalian, karalitaan, kawalang hustisya at demokrasya sa Pilipinas.

Sunday, November 08, 2009

Voters' Disenfranchisement, may basbas ang Palasyo't Comelec?


- Doy Cinco

Iisa ang tono ng pananalita ng Malakanyang at Comelec ng pagbuntungan nito ng sisi ang "manyana habit o last minute attitude" ang milyong kabataang Pinoy sa kabiguang maiparehistro sa katatapos na voters registration ng Comelec para sa 2010 election. (Larawan: Chaotic Voters' Registration. On the final day of one-week special voters' registration, hundreds of registrants still line to catch the 7 p.m. deadline Sunday. Many came but were not able to register; :kagay-anon.blogspot.com/2007_07_01_archive.html (Photo by Joey P. Nacalaban)
Imbis na akuin ang pananagutan sa disastrous, chaotic at walang kahandaang voters' registration, naghugas kamay ito at nagpalusot na lubhang "madadamay raw ang isasagawang kauna-unahang Poll Automation at computerized voter's list kung maaatraso sa time frame ang voters registration para sa 2010 election."

Kung di man chaotic, kulang ng mga registration papers, personel at nasirang mga biometric-reading para sa data capturing machines. Kung susumahin, tila hindi nakita ang kahalagahan na mas marami ang mairerehistro, mas tatalima sa panawagang “clean, orderly, peaceful at honest” 2010 election. Alalahaning di pa nakakabawi sa "sandamakmak na controvercies," eto na naman tayo, muling napatutunayang mahina ang Comelec.

Isang uri ng pandaraya at pagkakait (vote denial) ng karapatang bumoto ang voters disenfranchisement. Labag ito sa isang demokratikong lipunan, sapagkat niyuyurakan nito ang aktibo't responsableng (citizenship-right of suffrage) mamamayan na magpartisipa't maki-alam sa eleksyon. Taliwas ito sa "boycott election, kudeta, rebelyon-insureksyon at radikal na pagbabagong" niyakap ng kabataang Pilipino may ilang dekada na ang lumipas.

Ayon sa batas, "magagarantiyahan lamang ang isang parehas na halalan kung maisisigurong makaboboto ng maayos ang marami, walang diskriminasyon, pananakot at higit sa lahat mabibilang ang boto. Ito ay isang unibersal na karapatan ng mamamayan. Hindi man aware ang ilang pamunuan ng Comelec, may kutob ang ilang nagmamasid na "patuloy na nag-eexist ang MAFIA sa loob lalo na ang mga Election Officers (EOs) sa lokal (probinsya't lunsod), kasabwat ang mga incumbent candidates."

Sino nga ba ang makikinabang kung dadami ang bilang ng kabataang botante na kritikal, idealista at uhaw sa pagbabago? Kung dadami ang botante o market votes, kahit paano, mas magiging parehas at mas iiral ang makabagong uri ng pangangampanya sa 2010. Sa paglaki ng market votes, walang dudang mahihirapan ang traditional politics, sindikato at mga operador na maniubrahin ang halalan. Mas gugustuhin ng mga mandaraya na kontrolin ang MARKET VOTES, palakasin ang pang-elektoral na makinarya, pananakot at vote buying.

Kung naging chaotic ang voter's registration, hindi malayong paniwalaang "mabubulilyaso rin ang 2010 Poll Automated election hindi lang sa panahon ng kampanyahan, botohan, bilangan, canvassing maging sa pagmamanipula sa listahan ng mga botante."

Sa apat na milyong botanteng pinurga ng Comelec, inaasahang may apat (4) na milyong bagong mga botante ang nairerehistro't maidadagdag. Kaya lang, dahil sa voters disenfranchisement kulang-kulang sa tatlong (3) milyon lamang ang nakayanan ng Comelec. Sa mga bagong botanteng naidagdag, tinatayang may apat napu't siyam na milyon (49.0 million) bilang ng rehistradong botante ang mailalagay sa listahan para sa 2010 election.

Nuong nakaraang halalang 2007, may kulang-kulang na sampung milyong botante (10.0 million), first time voter, mga marginilized at vulnerable sectors ng lipunan ang hindi nakaboto (60-80% voters turn out) sa iba't-ibang kaparaanan; epekto ng gera, karalitaan sa kanayunan at kalunsuran, mga katutubo sa kanayunan, mga detainees, mga dis-abled at matatanda.

Sa nalalapit na 2010 at kauna-unahang Poll Automated election, inaasahang liliit ang voter's turn out (TO) o mas malaking bilang muli ang hindi makakaboto. Bukud sa kawalang voter's education sa sistemang Poll Automation, VOTE DENIAL operation o ang pagkaitang makaboto ang maraming botante, tulad ng pag-aalis ng pangalan sa listahin sa pamamagitan ng clustering ng mga presinto o sa araw mismo ng halalan, ang simpleng lituhin o pagurin ang mga botante sa paghahanap ng kanilang pangalan. Dahil Poll Automated na, tataas ang ante ng pamumudmud ng pera (vote buying), harasssment at pananakot. Maaring 2 ang layon ng vote buying; huwag ng pabotohin (vote denial) at paulit-ulit pabotohin.

Ang pinangangambahan at "nanay ng lahat ng pandaraya" ay ang malawakang pandaraya't kaguluhang magbubunsod ng failure of election na maaaring iinstiga ng ilang praning at matakaw sa kapangyarihan sa Malakanyang.