Halos ilang linggo ng umiinit, nagbi-build-up at bumubuwelo ang kilusang protesta sa hanay ng kilusang kabataang-estudyante. Hindi malayong paniwalaang muling sasambulat ang kilusang protesta di lamang sa Kamaynilaan bagkus sa buong bansa. Subuk na at mahirap maliitin ang kakayahan ng student power lalo na't wasto ang linya at pakikibaka. Ang malungkot, kinukutya at parang hindi pinapansin (Malakanyang at Kongreso't Senado). Imbis na harapin, parang umi-iwas, nagpapalusot at nagtuturuan.
Kung walang malinaw na kasagutan at hindi magbabago ang postura ng palasyo, kung kakabig ng malawak na suporta (broad alliance) at simpatya ang kilusang protesta, partikular sa hanay ng academic community at mapapanatiling "peaceful at non-violence" ang laban, hindi malayong paniwalaang sasambulat ang kilos protesta ng kabataang-estudyante, kahalintulad ng malakihang pagkilos nung first quarter storm (FQS) sa panahon ng diktadurya at dekada otchenta (80s), ang radical shift sa kilusang pulitikal at binhi ng people power revolution na nagpabagsak sa diktaduryang Marcos.
Panigurong hindi lamang usapin ng "budget cut" sa state university and colleges (SUCs) ang isyu, bagkus ang "usapin at ugat ng bulok na sistema ng edukasyon," ang kinamumuhiang patakarang "pagsasapribado" (privatization) at nauusong "austerity program" ng administrasyon.
May ilang dekada ng nasa ICU o nasa malubhang krisis ang edukasyon; nabubuluk na facilities at laboratories, iskul bukul, mababang pasahod, exudus ng mga faculty at mga graduates (brain drain) sa ibayong dagat. In terms of quality education, research and development at science and technology, napag-iwanan na ang Pilipinas ng mga kalapit na bansang kaanib sa South-East Asia, China, Japan, Taiwan, Korea, India at Pakistan sa Asia.
Ang kilalang pamantasan ng Pilipinas at lima pang mga state and private universities and colleges sa bansa ay patuloy na nangangamote sa mga labanan at kulelat sa mga RANKING sa Asia. Ang malungkot, may nararandaman ang sector na mukhang magpapapatuloy ang kabulukan, kawalang pagpapahalaga (non-priority) at kalakaran ng buluk na sistema ng edukasyon sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ni PNoy.
Sa panahong bumibilis ang pag-unlad ng teknolohiya at modernisasyon, nagiging mapagpasya ang papel ng “knowledge society.” "Ang potensyal ng edukasyon at inpormasyon sa paglakas ng produksyon ay itinuturing na ngayon na mas mahalaga’t estratehiko kaysa sa lakas-paggawa at kapital." Marami ang naniniwala na ang "pamumuhunan sa human capital" ay mabisang pang-laban sa rumaragasang globalisasyon at mapagpasya sa pandaigdigang competitiveness ng mga bansang tulad ng Pilipinas.
Walang dudang nakasalalay sa isang matatag at mataas na kalidad na edukasyon ang pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas. Kung baga, hindi maaabot ang inaasam-asam na Millenium Development Goals (MDGs) at maiibsan ang karalitaan kung iilan lamang ang edukadong mamamayan sa lipunan.
Wasto ang panawagan ng kabaataang-estudyante; Ang mga katanungang bakit sa basic education lamang ang popokusan ng administrasyon, bakit hindi kompletuhin at lubus-lubusin hanggang tertiary level? Sa bawat 100 pumapasok sa elementary, kakarampot ang nakaka-abot sa kolehiyo at kung maka-abot man, bilang sa daliri ang nakakagraduate.
Dagdag pa, bakit ibabaling sa mga school administrators ang pananagutan at accountability ng BUDGET CUT? Parang sinasabing kumikita sa paraang Income Generating Projects (IGP) ang lahat ng SUCs na siya namang winawaldas ng huli? Ang nakakapanglupaypay, imbis na ayudahan, tinatratong pabigat at walang silbi ang mga SUCs sa mga Rehiyon at gusto pa atang pagbubuwagin at ibenta? Wala na bang karapatang makapag-aral ang mga taga-kanayunan sa SUCs? Panghuli, bakit parang umiiwas ang Malakanyang na harapin ang isyu at palagiang ikinakatwiran ang lumulobong budget deficit? Ang nakakabahala, mukhang pahihintulutan ng palasyo ang 100% tuition fee increase ng mga SUCs sa susunod na taon.
Hindi na ito bago, isyu na'to noong panahon ng diktadurya at lumala hanggang sa administration ni Gloria Macapagal Arroyo. Maliwanag ang advocacy ng kabataang-estudyante, bilang bahagi ng tinatawag na “budget reforms, unahin at itaas ang kalidad ng edukasyon" at maisasakatuparan lamang ito sa pagbabasura ng pork barrel - PDAP ng mga pulitiko, pansamantalang pagtigil sa pagbabayad ng utang-panlabas na di napakinabangan, pagre-alligned ng dambuhalang pondong dole out ng Conditional Cash Transfer (CCT) at seryosong pagsawata ng pangungurakot sa gubyerno.
Nasa kamay ng Malakanyang at wala sa mga school administrator at CHED ang buhay at kinabukasan ng mga SUCs. Ang paulit-ulit na usaping political will, diyalogo at consultation, patakaran at desisyon mula sa ehekutibo at lehislatura ang tangi at isang paraan upang maresolba ang isyu.