Doy Cinco
Maliwanag pa sa sikat ng araw na isang lantay panloloko, panlilinlang at panggogoyo ang propagandang inilalako ng isang presidentiable bet na "magiging paraiso at gloriang buhay at mawawala na raw ang kahirapan sa Pilipinas bastat magsipag lang at magtiaga ang mga Pinoy?" Paano na ang 30% katiwalian sa kabang yaman at talamak na kurakot sa Malakanyang at Kongreso?
Kinunsidera ba niya ang pagiging industrialisadong bansa sa hinaharap, $40,000 per capita income ng bawat Pinoy, pagtangkilik at paglakas ng Made in the Philippines (produkto) sa mundo at pagresolba ng P4.0 trilyong utang ng bansa? Ang katawa-tawa, parang sinasabing "uunlad ng sampung ulit (10x) ang ekonomiya ng Pilipinas sa loob lamang ng anim na taong panunungkulan sa Malakanyang, isang motherhood statement sa paraang sipag at tiaga? " (larawan: ang karalitaan, cremininternational.org/
Ang isyu sa 2010 election
Ang isyu ng trahedyang paggugubyerno ng administrasyong Arroyo at ang diwa ng rebolusyong Edsa ay "higit na mas tama at wasto, EMPOWERING, matalim at gumuguhit" kaysa sa "sipag at tiaga" tungo na panatang paraiso. Ang siyam (9 years) na taong pananalaula ng demokratikong institusyon, demobilisasyon ng aktibong partisipasyon ng mamamayan na lubhang mahalaga't tawag ng panahon. Ang siyam na taong pagbangon at paglakas ng oligarkiya, dinastiya at trapo oriented political clan ang bumansot sa inaasam-asam na kasaganahan at kaunlaran ng mamamayang Pilipino. Siyam na taong paggugubyernong tiwali (bad governance) na "nagresulta ng polarisasyon at pagkakahati-hati ng lipunang Pilipino."
Ang isyu ng libong manggagawang natatanggal sa trabaho araw-araw at ang paglikas sa ibayong dagat, bumibigat na problema ng Mindanao, kaliwa't kanang katiwalian at pangungurakot (pinatotohanan mismo ng World Bank at grupong Transparency Interanational). Ang kawalan ng transparency at accountability at kakulangan ng delivery of basic services sa mamamayang Pilipino.
Ang isa pang malungkot, para ka manalo sa pagkapresidente, minimum na sampung bilyon pisong warchest ang kakailangan gastusin. Kung ganito ang kalakaran, sino at anong klaseng pulitiko't presidente ang mailulukluk sa poder ng kapangyarihan, anong klaseng paggugubyerno ang paiiralin nito at gaano kalaking KURAKOT ang kakailanganin upang mabawi ang ginastos sa kampanya?
Naging masugit na agenda ng Amnesty International (AI) at United Nation Human Rights Commission ang administrasyong Arroyo. Halos naging ka-level natin ang bansang Iraq, Afghanistan at Burma bilang mga bansang na-institusyunalisa ang paglabag sa karapatang pantao at extra-judicial killings. (Larawan: President Luis Inacio Lula da Silva of Brazil, fifa.com)
Kailangan natin sa panahon ngayon ang tradisyong aktibismo kung saan ang pakikipag-dialogo at pagpapairal ng demokratikong sistema at pamamaraan ang paiiralin. Isang aktibistang Presidente na may malalimang pagtugon sa sentiemento't suliranin ng country. Isang aktibistang presidenteng kahalintulad ni President Hugo Chavez ng Venezuela, Lula da Silva ng Brazil, dating pangulong Mahathir ng Malaysia at Nelson Mandela ng South Africa. Mga astig na pangulong bumalikwas sa orbit at dikta ng mga ganid na dayuhang imperyalista, ng mga Multilateral Institution, International Financial Markets at Institution. Isang astig na aktibistang pangulo na mag-eengganyo ng pagiging self-reliance, independence at pagkakaisa.
Ang kailangan natin ay isang presidenteng may paninindigang kahalintulad ni Sen Claro M Recto, Amado V Hernandez, Pepe Diokno at Ninoy Aquino. May politics of conviction, may prinsipyo, may plataporma't may kinapapaloobang matatag na Partido, may issues, programa, popular at higit sa lahat, astang astig.
Isang aktibistang gubyerno at presidente ang hamon ng panahon ngayon na dapat mailuklok sa Malakanyang. Isang presidenteng hindi lamang utak pagpapanalo ang nais, bagkus may agenda sa kung paano magkaroon ng consensus ang nakararami, “winning hearts and minds.” Ika nga, pagbabago, sistema at patakaran at hindi "sipag at tiaga," na LIKAS na, NATURAL na't taglay-taglay na ng bawat Pilipino.