Sunday, June 06, 2010

GMA paranoid Midnight appointments

Doy Cinco


Patapos na ang consolidation at canvassing at ganap ng ipoproklamang presidente si Noynoy Aquino - Liberal Party at si Vice President Jojo Binay ng PDP-Laban. Sa kabilang banda, habang nakatuon ang bansa sa incoming administrasyon, sinamantala ni Gng Arroyo na makapagpasok ng mga alipores sa gubyerno. Layon nitong palakasin ang pwersa, kapangyarihan at maghanda sa ano mang konprontasyon pulitikal sa hinaharap. (Larawan: Si Gen Bangit at si GMA: raissarobles.com/wp-content/ uploads/2010/03/G....)

Totoong nakababahala ang kaliwa’t kanang midnight appointments at mukhang walang planong magretiro sa pulitika, magpahinga't mag-alaga na lang ng kanyang apo si GMA. Mula sa pagiging presidente't pinakamakapangyarihang tao sa bansa, bumaba't muling pinalakas ang "lokal na kahariang pulitikal," kinontrol ang ikalawang distrito (2nd District) sa Pampanga, sa akalang makakapag-avail ng congressional immunity at masusungkit ang speakership ng 15th Congress. Ipinapakita lamang na hindi pa laos, kumikikig at malakas na pwersang pulitikal sa bagong administrasyon Noynoy Aquino ang kampo ng mga Arroyo.

Bukud sa iiwang virus, bacteria at kamalasan sa halos sampung taong pagtatampisaw sa kapangyarihan, walang dudang proteksyon sa kanyang sarili't kahariang angkan, political survival at economic interest ang layon ng midnight appointments at hindi ang kaunlaran at demokratisasyon ng lipunang Pilipino.

Maliban sa ilang batalyong midnight appointment na maaring ipambala sa destabilization, may arsenal din si GMA sa Mababang Kapulungan na handang hadlangan at guluhin ang administrasyong Noynoy Aquino sa pangakong idemokratisa ang pulitika’t lipunang Pilipino. Patunay ito sa nangyaring isang patikim at kamandag na ipinakita sa pagkakabasura ng Freedom of Information (FOI) bill ng mga trapo at galamay ng lumang administrasyong Arroyo.

Ang pagkakatalaga bilang chief justice ng Supreme Court kay Renato Corona, General Delfin Bangit bilang AFP chief of staff, extension ng reappointment ni Genuino sa PAGCOR at ilang mga kaututang dila sa constitutional appointments sa COMELEC, Ombudsman at Sandiganbayan. Nakapagtanim din ng mga GMA loyalista sa GOCC (Govt Owned Corporation), GSIS, SSS, PNOC, NPC, MWSS at iba pang estratehikong mga posisyon, mga mahahalagang ahensyang nataguriang gatasang baka ng administrasyong Arroyo.

Maituturing parang isang “shadow government ng mga loyalista ni GMA” na itinanim sa halos lahat ng sangay ng estado; mula sa ehekutibo, lehislatura at hudikatura. Banta siya sa seguridad at destablization sa gubyernong nais resolbahin ang ilang dekadang pagkakawatak-watak, kawalan ng pag-asa't katarungan, nasalaulang mga demokratikong institusyon at karalitaan ng lipunang Pilipino. Maliwanag na handa si GMA sa ano mang gerang pulitikal, sa planong prosecution at kasong ipapatong ng administrasyong Noynoy Aquino sa hinaharap.

Noynoy's "Search Committe"

Maisasakatuparan lamang ang plataporma de gubyerno ng administrasyong Aquino kung makakabig ni Noynoy Aquino ang malawak na suporta ng lahat ng pwersang pulitikal sa bansa at mai-isolate ang mga extremista at traditional politicians (trapo). Isang magandang formula at estratehiya sa unang isang daang araw sa paggugubyerno ng administrasyong Noynoy Aquino ay ang isang "rainbow coalition" o ang pakikipag-alyansa.

Lubhang kailangan sa bagong sumisibol at nagpapalakas na gubyerno ang rainbow coaliton na binubuo ng maraming kulay, pluralista't may kumon agenda, may consensus, may pinagkakaisahang layunin at direksyon,” kagandahang asal at mataas na "level ng political maturity." Ang coaltion government ay karaniwang kalakaran at nagtagumpay sa mauunlad na bansang tulad sa Europa at Latin Amerika.

Maitatranslate ang naturang "coalition building" sa pamamagitan ng pagtatalaga sa cabinet post ng mga taong "subuk, may angking kakayahan, malinis, popular, may conviction, maliban sa partisipasyon nito sa nakaraang 2010 election campaign." Tiyak na mabibigo sa gawaing paggugubyerno si Noynoy Aquino kung walang katuwang (citizen's movements), partisipasyon ang mamamayan at KOALISYON lalo na sa inaasahang pananabotahe ng trapo-warlord-elite at mga galamay ni Gng Arroyo.

Kaya lang, kung kinakabahan ang lahat sa midnight appointments ni GMA, mukhang concern din ang marami sa proseso ng "search committee" lalo na kung may sablay sa balangkas, pamamaraan at demokratikong konsultasyon (showbiz, recycled personality at classmate inc) sa mga sektor at stakeholders na involved sa bawat linya at porpolyo ng mga ahensya ng gubyerno.

Kung ano man ang naka-set na pamantayan, criteria at partisipasyon sa 2010 electon campaign, patuloy na mananalig ang marami na "maidedemokratisa" ni Noynoy Aquino ang paraan at balangkas na gagamitin ng search committee para sa cabinet position. Mas lalong bibilib ang marami kung ang isa sa mga pamantayan ay ang "pagiging aktibista, may prisipyo't conviction, mapagpakumbaba at may liberal-demokratikong tradisyon." Kung saka-sakali, isang "new wave," palaban at aktibistang gubyernong Noynoy Aquino ang maitatatag sa Asia-Pasipiko.