Monday, July 26, 2010

SONA ni Noynoy, naglaman ng anti-GMA administration sentiments


Doy Cinco

Sa kauna-unahang state of the nation address (SONA) ni Noynoy Aquino kanina, inamin nito na bukud sa nasa malubhang kalagayan o nasa intensive care unit (ICU), bangkarote't lubug sa utang ang estado ng bansa, nasalaula rin ang institusyon sa sampung (10 years) taong pamumuno ng mga kriminal, buwitre’t dorobo sa gubyerno. Partikular na pinuntirya ang nakaraang administrasyon ni Gloria Macapagal Arroyo.

Totoo at naniniwala ang marami sa latag ng estado ng bansa, pero mukhang nakaligtaan isulat ng mga speech writers ni Noynoy Aquino ang ilang dekadang talamak na sistema ng pulitika; ang oligarkiya, padri-padrino at kontrol ng makapangyarihan angkan (political clan) na siyang puno't dulo, ang lumikha ng mga katulad ni GMA, Marcos-Romualdez, Singson, Ampatuan, Ermita, Ortega, Pineda, Dimaporo, Jalosjos at maraming iba pa.

Nakaligtaan ding banggitin ni Noynoy na bukud sa bad governance ng administrasyong Arroyo, factor din sa pagpapahirap ng bayan ang
hindi makataong batas na automatic appropriation sa trilyong pisong utang panlabas (IMF-WB) o pag-uubligang bayaran ang mga onerous na utang na hindi naman napakinabangan ng mamamayang Pilipino, ang dambahulang oil cartel, malalaking financial (bank) institution, drug at ilang multinational companies, malalaki at nagsamantalang mga konsesyon sa kuryente (pinakamataas na presyo sa buong Asia), tubig, minahan at mga bilyunaryong tax evader sa bansa.

Bagamat "bitin at 'di klaro ang tahaking pampulitika at pangkaunlarang balangkas," halos kapareho lamang ng kanyang ipinahayag nuong proklamasyon ang SONA ni Noynoy. Ganun pa man, popular at mataas pa rin ang pagtitiwala ng mamamayan, moral ascendancy, leadership at kagalang-galang sa mata ng mundo. Kulang-kulang 90% ng mga Pilipino ang umaasang may pagbabago sa bayan. Bagamat delikado ang ganitong tunguhin, maaring makadagdag challenge at pressure na ubligadong maideliver ang output at ma-ireverse (baligtarin) ang patakaran ng buluk na sistema ng paggugubyerno ng mga nakaraang administrasyon.

Aasahang tatagal ng mahigit isang taon (one year) ang honeymoon ni Noynoy sa mga stakeholders. Bagamat may reservation at agam-agam sa "reform agenda at ilang mga hardcore neo-liberal elements" sa loob ng kanyang gabinete, ang pagbabantay at pagiging vigilant ang tanging maaaring gampanan ng (aktibong) mamamayan.
Larawan: 1. President Arroyo and Quezon City Mayor Feliciano Belmonte Jr. inaugurated the newly constructed Atherton Bridge in simple ceremonies yesterday)

Mukhang hindi batid ng admnistrasyong Aquino na "mahihirapan itong maasahan ang suporta ng lumang pulitiko (trapo) na halos ilang dekada ng wala sa matuwid na landas ng pangungurakot at oportunismo." Kung madidiskaril ang legislative people's agenda ni Noynoy Aquino sa 15th Congress (Senado at Kongreso), maaring ipanumbalik ni Noynoy ang "people power," kabigin ang suporta ng"kilusan ng mamamayan at lokal na komunidad" kahalintulad sa matagumpay na karanasan ng South Africa (Nelson Mandela), Brazil (Lula da Silva) at Venenzuela (Hugo Chavez) sa Latin America.