Saturday, September 11, 2010
PNOY, Bus Tragedy at ang Padrino
Doy Cinco
Sa mga kaaway sa pulitika’t kritiko, ang nangyaring trahedya’t mishandling ng August 23 hostage crisis ay "repleksyon lamang na weak ang leadership" ng administrasyon ni PNOY. May political motives man ang pahayag o wala, sabihin man nagsisimula (first 100 days) pa lamang sa paggugubyerno, "malinaw na unti-unti ng lumalabas ang tunay na kulay at direksyon ng bagong administrasyon; na wala ring pinagkaiba sa pera-pera, padri-padrino, trapo at copy cat ng buluk na administrasyong Arroyo."
Kung hindi maitutuwid ang landas, pinaniniwalaang maagang madidiskaril ang naistablished na "honeymoon" sa pagitan ng mamamayan, iba’t-ibang demokratikong kilusan (civil society) sa administrasyong PNOY. Mula sa panawagang magresign ang puno ng sablay, pinuntirya ang ilang personalidad sa communication group at DILG Secretary Jess Robredo bilang may “command responsibility daw sa trahedya.” (Larawan: International outrage over the hostage tragedy directed at Noynoy’s Incompetence. http://antipinoy.com/should-i-stay-or-should-i-go/)
Walang dudang nawindang si PNOY sa trahedyang kinasapitan ng walong dayuhang turistang biktima ng "collateral damage" ng mga tauhan ng buluk na kagawaran ng NCRPO - PNP. Imbes na magpakatatag at magpakita ng lakas ang PNOY, tila parang kuting na pusa na nanikluhod sa mga dayuhan (Hongkong-China), protektahan ang daang libung domestic helpers (OFW), yakapin ang kinang ng dolyar sa turismo at katigan ang grupong malalapit sa kanya, habang inilalaglag ang matitino, may conviction at partidista sa hanay.
Tulad ng inaasahan, sinamantala agad ng oposisyon sa Lakas-KAMPI ang trahedya upang makabawi’t upakan si PNOY. Mga kilalang pusakal, mga alagad ng dating administrasyong Arroyo (GMA); si Cong Villafuerte, Lagman, Magsaysay at may 2016 presidential ambition na si Sen Escudero, na sibakin na si Robredo. Nagbanta rin “hindi makukumpirma" sa Commission on Appointments (CA) sa Kongreso si Robredo. Ang malungkot, nagkaroon din ng pagkakataong makapagmaniubra ang Cojuangco faction (makapangyarihan at maimpluwensyang Lopez, Bayaw inc., Peping Cojuangco, Ex Sec Paquito Ochoa) sa loob ng administrasyong PNOY na sibakin na si Robredo at ipalit ang PNP chief Verzosa, ang kasalukuyang puno ng PNP na magreretiro sa Setyembre taong kasalukuyan.
Kung matatandaan, nakuryente si PNOY sa prangkahang pahayag na binitiwan nito sa kaso ni Robredo na hindi na siya aabot sa kapaskuhan, hindi siya kabilang sa listahang ii-endorso sa CA-Tongreso. Nung matunugan ni Noynoy na malaki ang implikasyon kung sisibakin si Robredo, bigla itong kumambiyo at sinabing "mataas ang kwalipikasyon ni Robredo sa posisyon at hindi naman talaga siya direktang sangkot sa hostage incident."
Tila nakalimutan ni PNOY na “hindi buong-buo" ang ibinigay niyang trabaho kay Robredo sa DILG, "ang usapang si Usec Puno ang hahawak sa Interior -PNP habang sa local government si Robredo." Manok ng Iglesia ni Kristo (INK) si Usec Puno, kapalit kabayaran sa 2 milyong command votes na idiniliver ng huli sa kandidatura ni Noynoy nuong 2010 election.
Ang tanong ng mga Bikulano, bakit pinagtutulungang ng mga galamay ni GMA at Cojuangco/Aquino faction na tanggalin sa pwesto si Robredo sa DILG? Dahil ba sa kaseryosohan nito sa anti-corruption drive, anti-weteng, repormang isusulong sa local government units, Bicol politics o selos na natanggap na award nito sa prestiyosong Ramon Magsaysay?
Hindi malayong paniwalaang tali ang dalawang kamay ni PNOY sa grupong mayroon siyang "pampulitikang pinagkakautangan," malalapit at may personal attachment sa kanya. Sa katunayan, malaking bahagi ng kanyang gabinete ay inindorso ng PADRINO bilang kapalit sa "bilyung pisong pondong tulong" sa kampanya. Totoong "malawak o kaliwa't kanan" ang political spectrum ng kanyang administrasyon; may TRAPO, hindi kilala at popular, may kredibilidad at handang makipagtagisan at diskurso (struggle of interpretation and ideas) sa loob at labas, para sa pagbabago.
Ang alyansa sa pagitan ng Liberal Party (LP), ilang maka-kaliwang grupo, progresibo't aktibista na nagbigay kredibilidad sa Noynoy-Mar presidential tandem bago magsimula ang 2010 election campaign ay tila nasa minorya at nalalagay sa alanganin. Ang tanong ng marami, paano mai-strengthen ang ESTADO't mga institusyon na sinalaula ng nakaraang administrasyon kung patuloy na nangingibabaw ang sistemang padrino? Paano palalakasin ang mga demokratikong institusyon at maisusulong ang reform agenda, kung patuloy na pinahihina at nilulumpo ang partido pulitikal at organisasyon?
Subscribe to:
Posts (Atom)