OVERHAUL COMELEC
Biktima rin ako sa kaguluhan ng barangay election kahapon. Sa akalang maayos at may kaluwagan (2:00 pm), anarkiya’t over-crowded, daming nadismaya’t umuwing luhaan at ‘di nakabotong mamamayan. (Larawan: si Pnoy sa Tarlac, http://www.mb.com.ph/)
Mula sa Diliman republic, Kalakhang Manila (NCR) hanggang sa Kanayunan, naging dilubyo ang katatapos na barangay eleksyon, hindi lamang sa araw ng botohan, maging sa kabuuang yugto ng eleksyon; mula sa pre-campaign, campaign hanggang sa voting at counting period. Ang malungkot, naging inutil ang COMELEC.(A police officer escorts a teacher as she protects a ballot box during canvassing of votes at the Manuel A. Roxas High School the other night. BERNARDO BATUIGAS, http://www.philstar.com/)
Kung may 26 ang patay, may P7.0 bilyon ang nasirang pananim at inprastruktura, may 200,000 ang naapektuhang bahay sa Bagyong Juan, sa barangay eleksyon, may 39 ang patay, P4.5 bilyon ang nawala, may no-election sa 2,400 barangay. Ang mas nakakahiya, may mahigit 2,000 over-extended na Kapitan ng barangay ang napabayaang mamayagpag at magpartisipa sa eleksyon.
Maliban sa naunsyaming mga barangay, may 1,700 barangay ang nadelay sa election. Sa Bicol lamang, may 1,836 barangay ang No-El at delay. Apektado rin ang kalapit na probinsya ng rehiyong Central Luzon at Southern Tagalog (Zambales, Cavite), mga lugar na nasa tungki ng ilong ng Comelec. Pumalpak ang mga kinontratang forwarder, sumablay ang pag-iimprenta ng balota at pare-pareho ang serial number.
Sa kaguluhan at pagiging dis-oganized, mababa ang voter's turn out, nagkaligaw-ligaw at madaming nawalan ng pangalan sa Computerized Voter’s List. Talamak ang flying voters (hakot), violation sa pagtatakda ng “common poster areas at iligal na laki ng poster at tarpuline.” Talamak ang vote buying, pananakot at karahasan. Kung naglalaro sa P500 / botante ang bilihan noong May Automated election, may mahigit P500 hanggang P1,000 – 3,000 / botante ang bilihan sa barangay. Sinasabing, “mas pinakamagastos daw ang barangay election kung ikukumpara sa pambansang election.”
May kalakihan ang extent ng damage (kung ikukumpara sa natural na kalamidad na Bagyong Juan); ang "pananabotahe o dili kaya’y pagpapabaya ng Comelec." Kung walang mananagot, tuluyan ng mawawala ang pagtitiwala ng mamamayan sa political process. Sapagkat nakasalalay ang kasagraduhan ng demokratikong proseso at institusyon, mas mabigat ang pinsalang idinulot ng Barangay eleksyon kung ikukumpara sa bagyong Juan.
Ayon sa Local Government Code 1991, ang Barangay na isang basic political unit ng gubyerno ay salamin ng demokrasya, partisipasyon at daluyan ng programa't delivery of basic services. Sa dalawang dekadang operationalization ng batas, nananatiling kontrolado ng padrino’t pulitiko (mayor, Kongresman, gobernador) ang barangay.
Ayon sa Local Government Code 1991, ang Barangay na isang basic political unit ng gubyerno ay salamin ng demokrasya, partisipasyon at daluyan ng programa't delivery of basic services. Sa dalawang dekadang operationalization ng batas, nananatiling kontrolado ng padrino’t pulitiko (mayor, Kongresman, gobernador) ang barangay.
Malaki ang nakataya sa barangay, maliban sa kapangyarihang taglay nito, papalapit na ang mid-term 2013 election. Ang barangay ang inaasahang magiging larangan ng pakikibaka ng iba't-ibang pampulitikang pwersa kung papalaring maitutuloy ang Cha Cha, ang pagbabago ng sistema ng paggugubyerno sa loob ng anim na taong termino ng administrasyon ni PNOY.
Halos, mag-iisang daan taon na ang Comelec (100 years) sa pangangasiwa ng eleksyon. Una tayo sa Asia pagdating sa regular na paglulunsad ng eleksyon. Kung baga, hindi na ito bagong sistema, masasabing sanay at beterano na ang Pilipinas pagdating sa “demokrasya at representasyon.” Ang nakakapanglupaypay at malaking tanong, bakit hindi natututo, palagiang sablay, madugo't trahedya, hindi pinagkakatiwalaan ang Comelec at kondukta ng eleksyon?
Sa layuning i-strengthen ang institusyon, napapanahon ng i-overhaul ang Comelec. Tama lamang ang naging panukala ni PNOY na magkaroon ng masinsinang imbestigasyon sa katatapos na palpak na Barangay Election. Mayroon ibang reaksyon na nagsasabing muling repasuhin ang Local Government Code (LGC), buwagin na ang barangay at ito na raw ang “huling barangay eleksyon.” May nagsasabi na ang kapangyarihan ng alkalde at asembleya ng mamamayan na lamang ang magtalaga sa mga punong barangay.