Tuesday, July 24, 2012

Gradong 3.0 (pasang-awa) at 4.0 (conditional) sa SONA '12 ni PNOY



Tulad ng inaasahan, ipinagmalaki’t  ibinida ni Pnoy  ang 2 taong mga  nagawa’t pagbabago sa SONA kahapon.   “REPORT kay Boss,  SONA ito ng sambayanang Pilipino at  mamamayan ang gumawa  ng pagbabago,” ang mensahe ng ikatlong SONA ni Pnoy.  Nagpursigi raw sa apat na larangan ang administrasyon; ang paglaban sa katiwalian at karalitaan,  inprastraktura at kumpiyansa ng dayuhang namumuhunan.         Isa’t kalahating oras tumagal, pinakamahaba at mahigit isang daang masigabong palakpakan sa mga nakangising nanuod na kaalyado ng administrasyon.   (Larawan: Pnoy's SONA adres,    indopinoy.blogspot.com)                                                           

Gradong 99.0% para kay Sen Jinggoy at ex-Pres Erap Estrada (UNA) ang SONA ni PNOY,  pero para kay Bishop Cruz, isang kritiko, anya,  “parang masaya at nasa paraiso na ang lipunang Pilipino,” parang wala ng problema at nalunasan na ang pagiging “sick man of Asia” at  pagiging kulelat  sa maraming larangan sa Timog-Silangang Asia ang Pilipinas.   

“Mukhang 'di prioridad ang freedom of information (FOI),” hustisya't konpensasyon para sa mga biktima ng  diktadurang Marcos at OFW," ang sabi ni Rep Erin Tanada (LP).  Wala rin sa bukabularyo ng palasyo ang political reform (kabulukan ng sistemang pulitika),  ang "pagpapalakas ng partido pulitikal at demokratikong institusyon."                                                                                                                                       
Totoong may ipinagbago kung ikukumpara sa nakaraang tiwaling administrasyon.    May na-irehistrong 6.4% sa ekonomiya,  may pagsisikap sa “reform agenda” at pihit sa mindset ng bawat isa.  Kaya lang,  hindi ito nararandaman sa mga komunidad.   Ang realidad, nananatiling "nasa intensive care unit (ICU), bangkarote at lubug sa utang ang estado poder ng gubyerno (P6.0 trilyon)."   Patuloy ang mga panawagan sa trabaho, presyo ng bilihin, bansot na kita-income, laganap na karalitaan at kriminalidad.                                                             
Hindi maikakaila ang katotohanang nananatili ang kulturang katiwalian may ilang dekada ng nakabaon sa ating lipunan.  Namamayagpag pa rin ang patronage politics, ang palakasan at padri-padrino,  lalo na’t papalapit na ang midterm 2013 election.  Ang larawan ng kabulukan nuon ay nananatili sa kasalukuyan,  mga dahilan kung bakit “usad pagong” ang pagsulong at pagbabago.                                                                                                              
Ganun pa man,  totoong hindi kayang tawaran ang magandang hangaring “tuwid na daan” ng administrasyong Pnoy, lalo na’t malaking bilang ng kanyang gabinete ay mga reform advocates at  mga dating  aktibista.   Kaya lang,  malaki pa ang bubunuin o room for  improvement  sa "wastong approached,  pamamaraan sa inplementasyon ng mga programa at  paggugubyerno."  Ang malungkot, bukud sa burukratikong proseso at kawalan ng road map, dole out, piece by piece,  elitist,  kulang ng coordination at integration, lutang, may biases at mala-akademikong paraan ang istilo't oryentasyon.”                                        
                                                          
Walang mababago sa buluk na kalakaran sa pulitika (TRAPO) hanggang 2016.  Kaututang dila na ng ruling party (Liberal Party - Pnoy administrasyon) ang kalakhang mga incumbent local officials (LGUs) at kongresman na markadong nagpasasa sa nakaraang administrasyon sa ilalim ng partidong NP-NPC at Lakas (oportunista at may bahid katiwalian).                                                                                           
Alangang sabihing "SONA ng sambayanang Pilipino"  ang inihayag na SONA ni Pnoy kahapon at parang ang sarap pakinggan  na "ang mamamayan daw ang gumawa ng pagbabago?"  Inaasahang magkakaroon ng bitak ang 2 taong honeymoon sa pagitan ng administrasyon at mamamayang Pilipino.                                                                                    
Sa tatlong SONA, wala pa rin linaw kung anong direksyon o STRATEGIC VISION  ang Pnoy administration.   Kung  uno (1.0) ang grado ng mga nakikinabang, 4.0 (conditional) ang igagawad ng marami sa administrasyon ni Pnoy.   Mas patutunayan ito sa performance ng ating atleta sa London Olympic,  Philippine football team Azkal sa nalalapit na ASEAN – Suzuki Cup sa Nubyembre at higit sa lahat sa ipinagmamalaking P2.0 trilyong “empowerment”  (election)  2013 budget na nakatakdang isalang ng palasyo sa kongreso sa susunod na mga araw at linggo.