“Surrender first, then we talk”
May dalawang Linggo na ang labanan at standoff sa Zamboanga, ang pinakamadugo at itinuturing pinakamatagal na standoff sa kasaysayan ng modernong pakikibaka at rebelyon sa Pilipinas. Habang isinusulat, mahigit 100 ang casualties sa magkabilang panig, ilan daan ang sugatan, mahigit limang libong (5,000) istruktura't kabahayan ang nasunog, may 100,000 ang nag-ebakwet at mahigit kalahating milyon tao ang nabulabog sa labanan. (Larawan: courtesy of www.rappler.com)
Isang higly urbanized at sentro ng komersyo, industriya at politika sa timog-kanlurang ng Mindanao ang lunsod. May isang milyon ang populasyon at pang-anim sa pinakamalaking lunsod sa bansa at dahil sa "iligal na rally at planong pagtitirik ng bandila" nagmistulang Syria at Afghanistan ang Lunsod ng Zamboanga.
Ayon sa Commander in Chief na si Nonoy Aquino, “hindi na raw kailangan magdiklara ng state of emergency,” pero, may carfew mula 8:00 ng gabi hanggang alas 5:00 ng umaga, suspindido ang lahat ng antas ang klase (pribado at pampubliko), sarado ang negosyo, tigil ang lahat ng klase ng transportasyon (himpapawid, pandagat at panlupa), looting at unti-unting may kakapusan na ang suplay ng pagkain at ang pinakamatindi, inaamin na ng gubyerno na nalalagay na sa "humanitarian crisis" ang sitwasyon ng Zamboanga.
Hindi maitatangging alam ng mga awtoridad na nagpapalakas ang MNLF at planong magmobilisa sa anyong “peace rally” sa Zamboanga at hilingin ang “full implementation ng peace agreement" na napagkasunduan nuong 1996 na sa pagkaka-alam nila ay ibinasura na (tripartite review) ng gubyernong Aquino. Sa kabilang banda, nakatakda ng pirmahan ni Noynoy Aquino sa katapusan ng taon ang comprehensive peace agreement sa Moro Islamic Liberation Front, ang karibal at break away group ng MNLF.
Hilong talilong ang administrasyong Aquino sa tindi, lawak at impak ng Zamboanga standoff, sa kung paano ang wastong pagtugon sa krisis, conflict management at command structure na angkop sa sitwasyon. Napaghahalatang pikon at tensyunado ang crisis management lalo na nung pumasok sa eksena ang mahigpit na karibal na si VP Binay.
Dahil sa Cabatangan Incident noong 2001 at dami ng civilian na madadamay, "calibrated response" ang tugon, meaning, “walang ceasefire at cessesion of hostilities, “no compromise, surrender or we fight" at higit sa lahat, walang lalabag sa protocol at dadaan sa "wastong linya" ang mga desisyon. Kaya lang, magkaiba man ang approached, maliwanag na "utak pulbura" pa rin ang umiral na pananaw at oryentasyon.
Kung pagkukumparahin ang trahedyang natural at man-made calamity, kung sinasabing mahigit P350.0 million kada araw ang pinsala't nagagastos sa standoff, tinatantyang nahigitan na nito ang bagyong Ondoy na puminsala ng mahigit limang bilyung pisong (P5.0 bilyon) ari-arian at kumitil ng maraming tao may apat na taon na ang nakalipas.
Kung babalikan, ilang buwan (July) bago ang insidente, may mahigit isang libong MNLF fighters at supurtador ang nagtipun sa Sulo upang manawagan ng "Independent Bangsamoro Republic.” Halos kasabay na pangyayari ang mainit na isyu ng “paghahatid sa Crame ni Noynoy Aquino kay Napoles, anunsyong abolition of PDAF" at Luneta One Million March for Abolition of Pork Barrel System at ikinakasang prayer rally ng Edsa. (Larawan: MLF chairman Nur Misuari talks to Kumander Malik / courtesy of globalbalita.com )
Hindi maiiwasan magtanong sa palasyo ang ilang malilikot ang isip; pinabayaan ba at hinayaan bang makapasok at diversionary tactics sa mainit na isyu ng abolition of pork barrel system o ito ba’y planadong pag-aalsa ng grupo ng MILF resulta ng kahinaan sa handling ng gubyerno sa usapang pangkapayapaan?
Walang dudang mas supeyor ang pwersa ng military at magugupo ang standoff. Ang mas pinangangambahan ng marami ay ang pangmatagalang epekto ng tunggalian at ganting aksyon ng suportador ng MNLF, lalo na kung patuloy na i-exclude sa usapang pangkapayapaan ang grupo. Inaasahan at maaring i-organisa ni Misuari ang isang nagkakaisang prente (united front) na binubuo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ni Umbra Kato, isang breakaway group ng MILF at ang Tausug based Al Qaeda affiliated Abu Sayyaf group laban sa imperyong gubyerno ng Maynila.
Nagtagumpay man ang administarsyong Aquino na paghiwa-hiwalayin ang Tausug, ang Maguindanaoan at Maranaoans at magupo ang Zamboanga standoff, hindi maitatatwang nananatiling malakas at mapagpasyang pwersa at hindi maaring baliwalain ang isang grupo ng Bangsamoro. Ipinakita ng Zamboanga standoff na hindi maaring maitchapwersa ang MNLF sa ano mang pagde-desisyon patungkol sa usaping pangkapayapaan sa muslim Mindanao.
Mahuli man at mapatay si Misuari at si Kumander Malik, hindi maipagkakaila ang masamang imaheng naipakita ng standoff; na ang Pilipinas na nagsisimula na sanang bumangon ay muling nadapa't naunsyami, ang Pilipinas ay nananatiling isa sa mapanganib na lugar sa mundo, kulturang walang katahimikan (violent culture) at higit sa lahat, gubyernong mahina at reaksyunaryo.