Monday, June 19, 2006

Sino nga ba ang tunay na terorista at destabilizer?

Bali-balita ang sunud-sunud na pagpapasabog ng grupong nagpakilalang Taong Bayan at Kawal o TABAK. Bagamat itinanggi, ang malinaw, naisagawa ito sa gitna ng mahigpit na siguridad sa Kalakhang Maynila, ang namimintong paglagapak ng cha-cha, ang nalalapit na ikalawang salang na impeachment complaint sa Tongreso at ang tayming sa humuhupang kilos protesta at tipong ang karamihan ay nasa electoral mode na sa 2007 election. Maraming nag-akala ng kung anu-ano, maraming nagulantang, nanggalaite, nanghula at marami ang nagpatay malisya.

Unang napuruhan ang gusali ng Great Pacific Life sa Makati nung June 6, ang nanggoyo ng libu-libong pre-need planholder. Kaututang-dila ni Ate Glo ang pamilya ng mga Yuchenco. Itinaon sa ika-unang taong anibersaryo ng Hello Garci kontrobersi (ang isyu ng cheating, lying). Hindi maikakailang kakambal ito ng isyu ng pagiging ilehitimo ng gubyernong GMA.

Sumunud na sinampulan ang bahay ng weteng lord na si Bong Pineda ng Lubao, Pampanga. Kilabot ng Central Luzon si Bong Pineda at alam ng buong mundo ang ginampanan papel nito sa special operation sa Mindanao, 2004 Presidential Election. Bukud sa mag-kumare't kumpare, malapit sa isa't-isa ang pamilyang Pineda at Macapagal. Pangatlo; ang Satellite police station sa QC.

Pang- apat; ang Police Community Precint sa Manila nung June 11 at ang Panghuli, ang SWAT van sa police headquarter ng Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig. Dito nakatalaga ang elite force ng PNP. Kung sino man ang may kagagawan nito, aba'y dalawa lang ang masasabi ko; una, parang magpapasalamat ang country dito at ikalawa, isang babala ito sa mga taong magpapagamit sa tiwaling pangulo at nanloloko sa mamamayan.

Ayon sa ilang nagsusuri, malinaw na nakapatungkol ang huling dalawang
pagsabog sa pagmumuka ng Philippine National Police (PNP). Parang naningil, naghamon, nag-intriga at nangutyang hindi pipitsugin ang grupo. Sa katunayan, ipinakita nito ng buong husay sa gawaing paniniktik at kalkuladong pagkilos.

Hindi maisasaisang-tabi na posibleng “insider (PNP)” ang may kagagawan ng pagpapsabog, kaya naman kagyat na tinanggal sa pwesto ang dalawang mataas na opisyal (officer in-charge) ng Camp Bagong Diwa. "May suspetsang ang Malakanyang mismo ang siyang may pasimuno. Maaring karugtong ito ng sunud- sunud na serye ng political killings (200+) na ang “tanging may kakayahan at makikinabang ay si Ate Glo," mariing diin ng ilang oposisyon.

"Tukoy" na raw ng awtoridad ang grupo. Hindi raw grupong JI, Abu Sayaff, CPP- NPA, hindi raw terorista at long hindi mga criminal elements (gambling, drug, prostitution LORD). Maaring magkakaugnay at may mensaheng gustong ipaabot ang Tabak. Kung ano mang grupo man ito, ang malinaw natataranta, nababahala, kinakabahan at kahit paano'y naprapraning (paranoid) ang bahay palasyo ng Malakanyang.

Sapagkat mahinang klaseng bomba, "pillbox at firecracker" o pipitsuging pampasabog lamang ang pinaputuk. Ginamitan daw ito ng TNT (trinitroluene), isang tipo ng high explosive device na maaaring doblehin ng ilang ulit ang lakas. Idinagdag pa nitong "walang pakay na mamurwisyo, manakit, pumatay o manira ng ari-arian. Intensyon lamang daw nito ang maghasik ng kaguluhan, takot at alarmin ang buong bansa." Isang "terrorist act at destabilizer" na naglalayong pabagsakin ang pamahalaang GMA ang magkaparehong reaksyon ni Pres'l chief of staff ninyo Mike Defensor at ni Vidal Querol ng NCRPO.

Dagdag pa ng huli, "Maling-mali raw ang pamamaraang gamit, hindi raw nito makukuha ang simpatya ng mamamayang Pinoy." Sabihin man nating tama si Mike Defensor at si Vidal Querol sa kanilang pagsusuri, dahil sa totoo lang, ang Malakanyang ang siya ngayong "nananalo" sa propaganda war sa politika. Kaya lang, 'di sila nakasisiguro na wala ngang sumisimpatya sa grupong Tabak at lalong may isang libong beses na maling sabihing "makakabig nila ang simpatya ng country?"

Sabihin na nating mga "terorista o mga bayani" ang utak ng pagpapasabog, tama man o mali, karapatan nito na ipagtanggol ang kani-kanilang sarili at posibleng paniniwalang paglilingkod sa masang Pinoy. Anong tamang pamamaraan ba Querol, Mike Defensor ang dapat gamitin ng naghahangad ng pagbabago, ng kilusang mamamayan? Mag-prayer rally, magpipol power at tangkiliking ang balota at antabayanan ang 2007 election maski, inaamag at buluk ang Comelec at sistemang election?

Isinara ninyo ang lahat ng pamamaraan, legal means, legal-constitutional avenue, ang rally at demonstrasyon. Sinupil at pinasista ninyo ang lehitimong karaingan ng demokratikong kilusan. Kung ganito ang kalakaran at hindi parehas ang pampulitikang labanan (playing fields), walang dahilan upang hindi humantong hanggang "extra-constitutional" (pol-mil) ang pakikibakang masa.

Kung kaya't sa sa totoo lang, ang Malakanyang ang dapat sisihin ng lahat, ang fertilizer, ang kanal na pinagbubuhatan ng lamok, ang nagtulak, nag-udyok at rekruter ng rebelyon at insureksyon. Sino ngayon ang nagpapalkas sa destabilization at terorismo? Wala ng iba kundi si Ate Glo, ang mga galamay nitong si Querol, Mike Defensor, Raul Gonzales, Palparan, Ronaldo Puno at higit sa lahat si Norberto Gonzales!

Nataguriang berdugo ng Malakanyang si Querol at Lumibao ng PNP (Palo Ng Palo). Gamit ang batas ng diktadurang Marcos, muling binuhay nito ang; "wala kayong permit, Illegal Assembly kayo, mga bayaran kayo, nakakapurwisyo kayo sa tao, mga pekeng pipol power kayo, masyado kayong magugulo, sinasabotahe n'yo ang paglakas ng ekonomya!" Kayo ang pasimuno ng madudugung dispersal operation, warrantless arrest at panunupil sa kalayaan sa pamamahayag. Saan ngayon babaling ang ilang pwersang anti-GMA, kung ito nga'y mga pwersang anti-GMA?

Sino ang may pakana ng 1017 (national state of emergency), sino ang utak ng Calibrated Pre-emptive response (CPR), 464, BP 870, sino ang nang-baboy sa political at democratic institution ng bansa, 'di ba Comelec, AFP-PNP, Tongreso, Lokal na Gubyerno (LGUs) at Umbudsman- Tuwadbayan?

Sino ang nagtaguyud ng patakarang pambabansot/productivity ng mga manggagawa at patuloy na pagtaas ng unemployment rate at prostitusyon? Sino ang utak ng patakarang pagluluwas ng aliping pinoy (skilled workers-OFW), Japayuki, nurses at iba pang propesyunal kapalit ang dolyares, pagwasak ng pamilyang Pilipino, brain drain at kakapusan ng propesyunal ng bansa?

Sino ang sumalaula sa mga institusyon ng country? Sino ang nagpabaya sa patuloy na pagtaas ng langis at pangunahing bilihin? Sino ang lumadlad (burikak) at nagpagamit sa GATT-WTO? Sino ang may kagawan sa patakarang patuloy na bayaran ang 'di napakinabangang bilyun-bilyung dolares na utang panlabas at transaksyong soveriegn guarantee? Sino ang pangunahing salarin sa taunang pangungurakot ng mahigit 40% taunang budget ng bansa, sa fertilizer scam, Jose Pidal, Fiatco, Macapagal highway, signature campaign (PIG) at pork barrel?

Hindi siguro ulyanin si Querol at si Lumabao sa track record ng Kapulisan. Sagad hanggang butong ang kawalang pagtitiwala at pagrespeto ng mamamayang Pinoy sa Kapulisan (SWS-Pulse Asia survey). Hindi pa ito nakakabawi sa negatibong credibility? Sino ang utak ng pamamaslang (salvaging), proteksyong raket sa jueteng lord, gambling lord, prostitution lord, drug lord, smuggling lord at kriminalidad (carnapping, carjacking at kotong cops)?

Magpapatuloy ang panunupil sa ilalim ng gubyernong Arroyo. Magpapatuloy ang political killings at harrashment sa ilang lider ng kilusang demokratiko. Pinagyabang pa nitong magugupo niya ang CPP-NPA sa loob ng tatlong taon (3 years-ito ang maling estratehiya). Tumigil na nga kayo sa pagpoproganda, simpleng classroom lang, simpleng traffic lang di maresolba, ang grupong Magdalo hindi masawata, pagbibilang lang ng boto ay hirap na, CPP-NPA pa?

Mas malapit-lapit paniwalaang si Ate Glo at ang pakulo nitong Cha Cha ang siyang gaganansya ng pagpapasabog. Maaring ring sabihing kakambal sa agenda ang matagal ng inaasam-asam nitong pagdedeklara ng State of Emergency, pagsasabatas ng anti-terrorismo at muling katayin ang impeachment complaint.

Tukoy na raw kung sino ang nagpapasabog. Sa susunod na mga araw, Linggo, aasahang may mahuhuli't ihaharap sa media ang PNP at ipopropagandang (set-up man, planted man o mga peke) pilay na, nabulabog na at stabilized na ang buong country?

Nagmamatyag ang mamamayan sa anumang posibleng kahinatnang ng patuloy na lumalalang krisis pulitika. Bagamat walang pinapanigan, mayorya sa kanila ang sawang-sawa na sa pamumulitika ng kasalukuyang rehimen. Kung sino man ang grupong may pasimuno nito, kung ito nga'y political statement (babala sa mga berdugo't pasista) at kung ito nga'y may mga kasunod pang pagkilos bago at matapos ang SONA, mungkahi lang na sana'y walang (dadanak na dugo-colateral damage-ni siraulong Gonzales?) sibilyan o walang kamuang-muang ang mapipinsala't walang ari-arian ng mamamayan ang mapeperwisyo.

Kung ito nga'y bahagi ng kabuuang iskimang pabagsakin ang ilihitimong namamahay sa bahay-palasyo, mahalagang maipaliwanag ito sa mamamayan (tit-for-tat propaganda). Pag-aralan, suriin, paganahin ang imahinasyon, timbangin at pagnilay-nilayan ang negatibo't positibong mga pagkilos.

Ito ba'y may ambisyon o kahalintulad ng Irish Republican Army (IRA) na tumabla sa pagmamalupit ng gubyernong Britanya sa Ireland o ito ba'y kahalintulad ng Light a Fire Movement nung panahon ng Diktadurang Marcos, may dalawampung taon na ang nakalilipas? Kung sino man ang may pakana ng pagpapasabog, sino rin ang tunay na terorista at destilizer ng bansa?


Doy Cinco / IPD staff
Social Movement Team
June 20, 2006

No comments: