Doy Cinco / January 30, 2009
Sa gitna ng kahirapan ng buhay, papalalang sitwasyong pang-ekonomya’t pulitika, daan-daang pabrika ang nagsasara’t libong manggagawang natatanggal sa trabaho araw-araw, ang lumalakas na bantang terorismo ng narco politics, bumubigat na problema sa Mindanao at kaliwa't kanang katiwalian at kurakot, mega exposay ng World Bank sa DPWH, ang sigalot sa Dept of Justice-PDEA at Dept of Energy at SSS, gumugulong at patuloy na umiinit ang pulitikahan at paghahanda sa 2010. Kasabay ng maagang pag- arangkada sa pulitka ng mga presidentiable, lumilinaw sa madla na "muling maililibing ng buhay ang pinaplanong Cha Cha-Con As, extension of term limits at Gloria Forever Constitution."
Sa harap ng unus at nagbabagang kalagayan, kinakabahan ang palasyo at bago lumisan si GMA patungong Davos, Swizerland para umattend ng elite oriented World Economic Forum, kumambiyo, nagPLAN B at ikinasa ang political battle sa 2010 presidential election. Naipasa sa Kongreso ang 2009 P1.4 trilyon budget, P50.0 - 300.0 bilyong economic at electoral stimulus budget sa mga kaalyado, tiniyak ang sariling pork barrel at discretionary funds (GMA), directly o indirectly na pondong makukupit (lumpsum), na sa tantya ng marami'y aaabot hanggang P90.0 Bilyon, gamit pang-mudmud at pagkontrol sa huling bahagi ng kanyang kapangyarihan, deterent sa pagiging lameduck president. Mahalagang masigurado na kaalyado ng palasyo ang palulusutin sa 2010, masiguradong hindi mapapahamak sa patong-patong na kakaharaping kasong pandarambong matapos ang panunungkulan sa Hunyo, 2010.
Sa pamamagitan ng pagbalasa ng kanyang mapagkakatiwalaang mga dating retiradong opisyal sa military sa ilang mga estratehikong posisyon sa gabinte, hindi maipagkakailang "bayad utang" sa seguridad, panalbang pulitikal at kapahamakang ipinakita ng huli, bukud sa maasahan ang mga ito sa napipintong gera sa pulitika sa 2010. Kung nahirapan na mapunan ng mga kaalyado sa pitong mababakanteng mahistradong sa Korte Suprema, hirap ding hawakan sa ilong ni GMA ang Comelec at pasaway na personalidad sa Lakas at KAMPI para sa inaasam-asam nitong sanib partido para sa 2010.
Walang dudang "pinag-aaralan na ng palasyo ang sistema ng pandaraya sa bagong ipatutupad na automated election sa 2010. Kun di man sa pagmamanipula sa listahan ng botante, ang gagamiting papel at mismong mekanismo’t teknikalidad ng makina, ang panunuhol-vote buying at sobrang gagastusin sa mga special operasyon," bago ang kampanya hanggang proklamasyon ng 2010 presidential election.
Tiniyak na hawak nito sa ilong ang bagong talaga at retiradong si Admiral Tirso Danga ng National Printing Office, ang mag-iimprenta ng mga balota at ang bagong kapalit na chief of staff ng Armed Forces of the Philippines, ang hahalili kay Yano.
Ang malaking problema ng palasyo ay sa kung paano matitiyak na kanila, kabalahibo, kaalyado at hindi kalaban sa pulitika ang magiging manok at mananalong presidente sa 2010. Dahil 2010 na ang nasa isip ng mga pulitiko, mahirap ng asahang maisasabuhay pang muli ang planong cha cha-Con As at ang inaasahang pagkakawatak-watak ng oportunistang partidong (Lakas at Kampi) kanyang ginamit, pinalamon at inalagaan sa buong walong taon ng kanyang kapangyarihan. Kahit pa sabihing maitayo ni Gabby Claudio-Puno ang isang COALITION, ala Team Unity, suntuk sa buwang magme-merger o magsasanib pwersa sa kampanyang eleksyon ang LAKAS at KAMPI. (Photo left; KAMPI Cong Luis Villafuerte)
Mukhang wala ng susunod sa panawagan ng isang unpopular na presidente na "agarang magsanib partido ang KAMPI at LAKAS para sa 2010." Mas malapit sa katotohanang "magkanya-kanyang bitbit sa presidentiable at senatoriable, gera sa ilalim (local election) at political survival sa kabuuan." Bukud sa wala namang tunay na partido sa Pilipinas, "ang mga dambuhala, ang mga personahe, ANGKAN, dinastiya ang nagpapasya, nagdedesisyon at makapangyarihan at hindi ang partido." Likas na TRAPO, oportunista at TUSO ang mga pulitiko, lalona sa hanay ng KAMPI at LAKAS. Ito ang KARMA ng "weak ang democratic institution partikular ang (fake) political party system, talamak na political patronage, buluk na sistemang pulitika at eleksyon na Pilipnas."
Walang malinaw na winnable at popular na presidentiable candidate ang LAKAS at KAMPI. Imposibleng dalhin si Bayani Fernando, Sec Gilbert Teodoro, Sen Loren Legarda at si Mayor Sonny Belmonte. Sa loob ng bogus na partidong Lakas at Kampi, sinasabing dominant political party kuno at may kontrol sa mahigit 180 Tongresman-district rep at 90% ng elected LGUs sa buong kapuluan, inaasahang bitbitin ang mga front runner sa mga survey tulad ni Sen Chiz Escudero, Manny Villar at Vice President Noli de Castro, ang ulila (ndependent) sa lahat at walang malinaw na makinarya’t plataporma de gubyerno.
Kaya lang, dahil sa “kiss of death," tanggapin kaya ito ni Noli de Castro at kaya rin kayang maarok ng mga trapo’t tirador sa KAMPI si Noli de Castro? Pangalawa; si Senator Chiz Escudero, ang malamang sa pinakamalapit na basbasan ni GMA. Si Chiz Escudero raw ang Barack Obama ng Pinas, nasa kampo ni Danding Cojuanco-San Miguel Beer cun Nationalist People's Coalition (NPC), ang partidong nakipaglandian sa ruling party ng mahigit isang dekada, ang Lakas at Kampi.
Kung magkaganito, " isang makapangyarihang Alyansang GMA-DANDING ang mabubuo. Kaya lang, bukud sa "kiss of death," masikmura naman kaya ito ni Chiz Escudero? Panghuli; dahil sa hinalang malapit din sa Administrasyong Arroyo at may taglay na suporta ng mga dambuhalang negosyante, maaring ikunsidera si Sen Manny Villar ng Nacioalista Party (NP), "ang masipag, maagang namimigay ng ITIK at pinaka may logistic-atik na pondong pangkanpanya. Ang problema, maagang nainvolved sa C5 controversy."
Ano man ang maging scenario, ang tiyak sa lahat, gagawa’t-gagawa ng lahat ng paraan ang kasalukuyang administrasyon Arroyo na makaungos ang kanyang manok. Kahit pa sabihing modernisado ang halalan, magkakaroon pa rin ng dayaan, kaguluhan, patayan at terorismo sa 2010 presidential election.