Tuesday, July 26, 2011

ABOLISH the Pork Barrel / PDAF



Habang hinahagupit ang Luzon ng natural na kalamidad, ang bagyong Juaning, buhay at bilyung piso na naman ang damage perwisyo, sa araw-araw na takbo ng buhay, nagpapatuloy sa buong bansa ang daang bilyung pisong man-made calamity ng culture of corruption.

Katatapos lamang ng SONA ni Pnoy at muling pinagwagwagan ang intensyong durugin ang buwaya't buwitre sa pamahalaan, ang “wang-wang at itaguyod ang pantay na labanan” (level of playing field) sa gubyerno. Bagamat ilang henerasyon pa ang lalakbayin para sa "matuwid na daan; social transformation, positibong pananaw, re-orientation, rethinking at re-evaluation," magandang propaganda na rin ito ni Pnoy sa panawagan niyang pagbabago sa pulitika't lipunang Pilipino.

Ang culture of corruption sa tatlong sangay ng gubyerno lalong lalo na sa lehislatura kung saan ang kontrobersyal na usapin ng pork barrel matatagpuan ang "larawan ng kabulukan ng sistemang pulitika sa bansa." (larawan, courtesy of; leytesamardaily.net / Aquino favors pork barrel…but! President Pnoy)

Kung matatandaan, may ilang buwan ng umaaray ang maraming tongresman sa patuloy na pagkakait ng kani-kanilang pork barrel o ang “priority development Assistance fund (PDAF).” Sa kabila raw ng pagtalima sa mga requirements na hinihingi ng Department of Budget and Management (DBM), bakit tila ipinagmamaramut daw ni Sec Butch Abad ang “para raw sa kanila???”

Ayon sa mga tongresman, "nadidistorbo na raw ang economic activity at naaantala na raw ang delivery ng basic social services, tulad ng mga proyektong scholarships, medical assistance, infrastructure at iba pang mga “soft projects” na kanilang ipinangako sa kanilang mga constituencies??? Ang "pagiging oposisyon, ang pagboto nila sa impeachment complaint kay dating Ombudsman Merceditas Gutierrez at ang pagtutol sa pagpapaliban ng ARMM election ang dahilan daw ng pagka-unsyami ng pork barrel? ”

Nakatanggap na ng pork barrel ang halos kalakhan ng 285 MAMBABATAS at ang dahilang ng pagpending sa iba ay bunsod daw ng hindi pagsunod sa mga guidelines na istriktong ipinatutupad ngayon ng DBM sa SARO. Nananawagan silang “huwag idelay ang release ng pork barrel sapagkat ito raw ay lubhang makaka-apekto sa programang employment generation ng gubyerno.” May P70.0 million nakalaang pork barrel sa bawat Kongresman; P40.0 million para sa infrastructure at P30.0 million para sa health and education projects.

Dagdag pa ng ilang Tongresman, “parang hindi kompleto ang pagiging pulitiko (reason for being politician) kung walang pork barrel, sisikip ang kanilang mundo, magkakaroon ng identity crisis at parang sinasabing wala na silang gagawin kung ia-abolished ang pork barrel ? ” Kung walang pork barrel, paano nila mababayaran ang mahigit limampung milyong pisong (P50.0 million) ginastos sa vote buying nung electoral campaign?
Ang pork barrel ay isang political tools ng padrino mula sa itaas patungo sa baba at isa sa pangunahing pinagmumulan ng kurakot sa bansa (komisyon, cuts).

Marami na ang kumukwestyon sa mahigit 6 na dekadang pagpapairal ng pork barrel, kung “tunay nga ba itong nakatulong sa pagpapataas ng antas ng pamumuhay ng mga Pilipino?" Inaamin mismo ng ilang MAMBABATAS na ang “pork barrel ay nawawaldas lamang, hindi pinag-aaralan, nasasalaula, hindi naipoproseso (community-based?), non-priority, non-essential at higit sa lahat, hindi nai-coordinate sa local development council. At dahil "top-down approach," nauuwi sa disbentaheng kalagayan (dis-empowerment) ng mamamayan ang resulta.”

Kung baga, "wala sa guni-guni ng mga mambabatas na isa ito sa makakatulong sa ilang dekadang karalitaan ng mamamayan at magkaroon ng seryoso, integrated at sustainable development" sa maraming mahihirap na komunidad sa buong kapuluan.

Sa totoo lang, walang jurisdiction ang mga mambabatas na sapawan sa gawain ang sangay ng ehekutiba, ito may sa lokal (LGUs), nasyunal at ahensya ng gubyerno. Ang gumawa ng mga "patakaran (policies), batas, OVERSIGHT at mag-appropriate ng budget ang tungkulin ng MAMBABATAS at hindi ang kompetensyahin at gumampan ng gawain kahalintulad ng mga Gubernador, Mayor, pumapel bilang mga development at social worker at umaktong patron, Kasal Binyag Libing."

Thursday, July 07, 2011

Catholic Bishops, nilamon ng sistema



Para sa isang pangkaraniwang tao, "kung ang pulitika’t eleksyon, ang kapulisan, military, media at hustisya ay hindi nakaligtas sa buluk na sistemang padrino, ang Catholic Bishops pa kaya?" (larawan, courtesy http://www.abante.com.ph/issue/julo711/op_edit.htm)
Bagamat batid na ng mamamayan, inaasahan at matagal ng (ilang siglo) kalakaran, tumingkad at sumambulat ang kontrobersyal na kasong kinasapitan ng Catholic bishops sa kasalukuyang panahong naghahanap ng modelo, kakampi at matuwid na daan ang mga Pilipino.

Wala pang nakakatalo sa “sistemang padrino.” Wala pang matibay na batas sa kasaysayan na unti-unting sasawata sa killer virus ng buhay na patron. Bagamat hindi direktang nakikita at tago sa mata ng mamamayan, parang “invisible na kaaway” na ginagamit ng mga makapangyarihan at hanay ng mga konserbatismo ang patron upang linlangin, abusuhin at pagsamantalahan ang mamamayan.

Ang Catholic Bishops na pangunahing "nagse-set ng standard NORMs at MORALITY" ng ating lipunan ang isa sa "pinakamayaman, pinakamakapangyarihan at pinakama-impluwensyang" padrino at institution sa Pilipinas mula pa nung panahon ng pakikibaka ng ating mga bayaning si Rizal at Bonfacio hanggang sa kasalukuyan. Kaya lang, despite sa pagiging kontrabida, patuloy na tinatangkilik ng lipunan Pilipino.

Kahalintulad ng mga "siga-siga at naghaharing Duterte ng Davao, Ampatuan ng Maguindanao, Dy ng Isabela, Cojuangco ng Tarlac, Singson at Marcos ng Ilocos, Javier ng Antique at Estrada ng San Juan," mga ilang classic example ng patronage clan politics na kinikilala, itinuturing panginoon at ibinoboto" ng mamamayan sa kabila ng pang-aabuso, patuloy na karalitaan at pagsasamantala.

Ginamit ng "reyna ng patron" na si PGMA ang kamandag ng tradisyon; suhol, pabor, pwesto, konsesyon, kontrata, gratitude, regalo at pamumudmud kapalit ng suporta at pagpapatahimik sa dating critical na Catholic Bishop at ilang pumupusturang political oppositions.

Ayon sa mga sosyolohika, ang larawan ng pagiging atrasado’t makaluma ng Pilipinas na nakalikha ng matinding karalitaan at pagiging busabos sa mata ng mundo ay dulot ng ilang dekadang pamamayagpag ng sistemang padrino. Isa siya sa pangunahing dahilan kung bakit patuloy na lumalakas ang casique o political clan at Oligarkiya na nagresulta ng warlordism-private armies, parokyalismo, pagiging pala-asa ng mga tao at pribadong pakikipagrelasyong ng estado sa mga buhay na patron.

Imbis na tutulan, kinunsinte at naging kasabwat pa ang Catholic bishops sa pagpapanatili at pagpapalakas ng sistemang padrino sa bansa na lubhang naka-apekto sa paghina ng ating mga institutions. (Larawan, Butuan Bishop Juan de Dios Pueblos prays over former Pres Arroyo, courtesy of newsinfo.inquirer.net)
Ang mamahaling mga sasakyang SUV (sport utility vehicle), paghingi ng pabor at konsesyon ay sa totoo lang ay isa lamang “tip of the iceberg,” sapagkat matagal ng nakikipagsabwatan ang ilang Obispo sa Malakanyang na siya rin naman naging practice ng Vatican Church, ang lolo ng patron sa mundo.

Kung di man malamon, mahirap labanan ang sistemang padrino kung wala kang matibay na conviction at ideological foundation. Maaring mabawasan o maminimized ang padrino kung palalakasin ang mga institution lalong-lalo na ang pagsrereporma ng pulitika at eleksyon sa ating bansa.

Hindi dapat maghugas kamay na “patronage proof” ang kasalukuyang administrasyon. Kitang-kita ng mamamayan Pilipino na napaka-delikading ang landas na binabaybay ni Pnoy sa lumantad na kontrobersiyang "KKK, ang kaklase, kabarilan, kaibigan o katiwala" na ipinasok ni Pnoy sa burukrasya bilang bayad-utang sa pagkakapanalo nito nung 2010 presidential election.

Hindi tayo magtataka kung sa bandang dulo mauwi rin sa matinding iskandalo ang administrasyon ni Pnoy at danasin ang kaliwa't kanang katiwalian at demoralisasyong kinasapitan ng mga naunang tiwaling administrasyon.