Thursday, August 25, 2011

SUBSTATE, ARMM and CLAN WAR



Bagamat ni-reject na ng MILF and isinumiti ng gubyerno na “autonomy framework” proposal sa pagbubukas ng usapan pangkapayapaan na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia kamakalawa, “hindi naman nangangahulugan na hopeless case na ang peace effort sa MILF, bukas at may posibilidad pa rin daw na magkasundo pa sa ilang mga punto at resolution.”

Kontrobersyal sa marami ang “out of the box” na pulong sa Tokyo, Japan ni Pnoy at Chairman Murad Ebrahim ng MILF. Kakaibang gesture daw ito at ipinapakitang seryoso nga ang administrasyon ni Pnoy sa PEACE TALK, political settlement at inaasam-asam na kaunlaran sa muslim Mindanao.

Kaya lang, may nagsasabing isang “pagtataksil sa bayan” ang ginawa ni Pnoy, sapagkat ang naturang rebelde ang itinuturong utak sa maraming insidente ng masaker at paglabag sa karapatang pantao sa Mindanao. Sa kabilang banda, itinuturing din ni Commander Umbra Kato ng paksyong Bangsamoro Islamic Freedom Movement na isa rin daw na "pagtataksil sa BangsaMoro ang palasukong" aksyon ni Murad Ibrahim sa gubyerno ng Pilipinas.
May nagsasabing "Estados Unidos daw ang nasa likod ng pag-uusap, bunsod na rin ng political at economic interest na mailuluwal sa Mindanao sa hinaharap." Sa mga muslim, "mas ang bansang Hapon ang may pinakamalaking taya at puhunan sa Mindanao at sila ang nagbroker sa nasabing sikretong usapan."

Bagamat "isina-isangtabi na ng MILF ang isyu ng sessession, tuloy ang laban para sa self-governance at self-determinantion. "Sa kabilang banda, nangangamba ang marami na maging maingat ang gubyerno lalo na’t sariwa pa sa isipan ang kahalintulad na secret deals na Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD) na napagkayarian sa pagitan ng nakaraang administrasyon at ni Murad Ibrahim.

Substate at pagbubuwag ng inutil, huwad na awtonomiyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang hiling ng MILF. Magkatuwang daw sa kapangyarihan ang gubyerno ng Pilipipinas at MILF sa Substate. “Isang malaking insulto sa Muslim Mindanao ang pagkakatayo ng mahigit dalawang dekadang ARMM” sa dahilang sinalaula lamang ng mga nagdaang rehimen, kasabwat ang malalaking political Clan at maging ng kasalukuyang administrasyon ang ARMM Organic Act.

Sa mga pulitiko, "unconstitutional" ang SUBSTATE at mangangailangan ito ng pag-amyenda ng Constitution. Ganun pa man, nilinaw ng gubyerno na kailangan pag-usapang mabuti kung ano ang laman ng substate, sasakuping lalawigan, bayan at kapangyarihan saklaw? Kung mayroon mang traumatic na karanasan sa MOA-AD noon at SUBSTATE ngayon, ang mga kasunduan kung sakaling magtagumpay ay “magiging transparent, participatory at dadaan sa approval ng Kongreso at plebisito.”

Sa kabila ng umiinit na isyu ng awtonomiya, kahungkagan ng ARMM at substate, nakatago sa eksena at lumalala ang isyu ng Clan War. Sa mga pag-aaral na isinagawa, lumalabas na "mas mabagsik at mas laganap ang Clan War kung ikukumpara sa mga labanan ng tropang militar at MILF." Pinalilitaw na isang rebelyong moro, pero ang katotohanan, mga paksyon, tunggalian at political rivalry ng mga Clan ang may mga kagagawan. (Larawan: courtesy of 24‑clan‑(cmyk).jpg, abante.com.ph)

Ang LAND DISPUTE at konsepto ng MARATABAT (pride) sa mga muslim ang karaniwang dahilan na nagresulta ng dekadang RIDO o family feud. Mula sa maliit na petty clan war, lumaki at humantong sa isang large-scale conflict (ubusan ng lahi at matira ang matibay) na kadalasa'y sinasamantala ng ilang matataas na opisyal ng militar at rebeldeng Moro para sa kanilang kapakinabangan.

May mga miembro ng Clan na pumapaloob sa military, hindi upang magserbisyo sa gubyerno kundi upang gumanti sa isang katunggaling Clan o dili kaya’y sumimpatsa at sumapi sa MILF. Malaki ang epekto't perwisyo ng Clan War, di lamang sa gawaing paggugubyerno, maging sa delivery of basic social services. Isa sa pinakamahirap na lugar sa mundo ang mga probinsyang nasa ilalim ng ARMM.

SUBSTATE, ARMM at papel ng POLITICAL CLAN, naniniwala ang lahat na mas magiging mapagpasya at madugo ang susunod na kabanata; ang pagpapalakas ng ARMM at pagdismantle ng lahat ng PRIVATE ARMIES; ang partisipasyon ng lahat ng stakeholders sa proseso, ng mamamayan, particular ng Lumads, grupong civil society, LGUs, Ulamas, Imam at simbahan; ang pagtiyak na maipagpapatuloy ang confidence building activities, consolidation, pagpapatuloy at pagsusustini ng prosesong pangkapayapaan sa magkakabilang panig.

Friday, August 12, 2011

RIOT in ENGLAND, sanhi ng Lipunang may Sakit?



Kamakailan lang, isang pinaka-engrandeng dugong bughaw na kasalan (Royal Wedding) ang naganap sa Englatera, ang Prinsipeng (Prince) si William at Kate Midleton. Sinundan ito ng kagimbal-gimbal na pangyayaring masaker na ikinasawi ng may siyamnapung (91) kabataan sa kalapit bansang Norway (host sa GRP-CPP NDF peace talk), isang maunlad na bansang tinaguriang “nagtatakwil ng karahasan” sa mundo at ngayo'y muling nagimbal ang mundo sa RIOT na naganap sa Englatera.

Ang alam ng mga Pinoy, isang bansang "masaya" (rock n roll - Beatles, Pink Floyd, Bob Geldof at football-Liberpool at Manchester United at iba pa), malinis, maunlad, mataas ang kita't antas ng pamumuhay sa Englatera. May daang-libong Pilipino at mahigit sampung milyong etniko't migrante mula sa maraming bansa (Eastern Europe, Asia, Africa) ang nagtatrabaho at naninirahan sa Englatera. (left: riots-uk-2011.jpgLondon Riots Spread Across England Into Liverpool And ....)

Una kong napanood sa AL Jazeera at BBC cable channel ang RIOT nuong nakaraang linggo. Nagsimula ang gulo nang walang awang barilin ng isang pulis ang 28 anyos na si Mark Duggan na kalahok sa isang peaceful protest sa Tottenham, may walong kilometro ang layo, north-east sa sentro ng London.

Gamit ang social networks, umani ng simpatya sa marami ang insidente at ang sumunod na kabanata, apat na araw na riot, nagmistulang WAR ZONE ang London (host sa 2012 Olympic) at tatlong iba pang malalaking Lunsod sa Englatera; lima (5) ang nasawi, ilang establisyemento't sasakyan ang sinunog at ninakawan, marami ang sugatan, may isang libo't limang-daan ang naaresto at tatlong Pinoy ang nadamay. Ayon sa ilang kolumnista, bukud sa isyu ng insidente sa Tottenham, "hindi pulitikal, hindi ideolohikal, walang malinaw na direction at adbokasiya at pawang gangsterismo, oportunista, anarkista raw ang salarin at may kagagawan."

Ayon sa mga awtoridad, "kriminalidad daw ang sanhi ng riot." Pwede, mukhang totoo, kung baga, naging bahagi na ng pang-araw-araw na takbo ng buhay sa Lunsod ang talamak na naglipanang mga goons, droga at violence sa mga urban center. Isang matingkad na halimbawa na lamang ay ang typical na asal ng "kawalang respeto at paggalang sa mga magulang at matatanda" ng kabataang lumaki sa Englatera.

Sa kabilang banda, sinasabi ng mga na-apektuhang mga komunidad sa riot na "ang budget policy" ng gubyerno ang sanhi ng kaguluhan na pinatotoo naman ng isang kabataang na-interview ng isang media, anya "you can't blame the youth for being fed up and feeling dis-enfranchized and there's nothing for them to do, because there doesn't seem anything for them - there are no jobs, nowhere for them to go, apart from hang around on street corners, so they resort to causing havoc."

Kung babalikan ang kasaysayan, hinubog ng ilan-daang taong pambubusabos, genocide, cultural at religious cleansing, banditry at pagnanakaw ng Britanya ang maraming bansa sa mundo. Bagamat ilang siglo na ang nakalipas, nananalaytay pa rin ang kakaibang pagtrato ng Brits sa mga hindi nila kadugo't kalahi (racism) at parang hindi mawala-wala ang sistemang emperyo at makabagong pyudalismo na gustong ipanumbalik ng ilang makapangyarihang elite sa Englatera.

Isa sa pinakamakapangyarihan bansa ang Englatera, pero sa kabila nito, masyadong malayo ang agwat ng mayaman at mahihirap. Kung baga, habang sobra-sobra ang karangyaan at luho ng iilan, pighati, kaapihan at marginalization ang nadarama ng nakararami. Dulot ng krisis sa pananalapi at resesyon na kumukubabaw sa Kalakhang Europe at Amerika, nagpatupad ng "austerity program o budget cuts" ang Englatera na lubhang naka-apekto sa welfare status at job generation ng bansa.

Naniniwala ang marami na may malubhang sakit ang lipunang Englatera at ito ay hindi mareresolba hangga't nagpapatuloy ang "patakarang liberalismo" na siya raw pinagmulan ng underclass citizens ng marami at pagyakap sa "materyalismo" na naka-apekto sa kultura't tradisyon, norms at istrukturang panlipunan ng bansa.

Sa atin, kung walang pagbabago, hindi malayong magkaroon din ng mababangis na riot, hindi lang simpleng riot, bagkus, may kombinasyong insureksyon at rebelyon sa mga urban center sa hinaharap, lalo na't mainit at buhay pa rin ang mga isyu't sangkap sa hanay ng informal sector at kabataang estudyante.

Wednesday, August 03, 2011

Zubiri and Electoral reform



Bun
sod ng paglitaw at pagbunyag ng mga taong may kinalaman sa malawakang dayaan nuong 2007 senatoriable election at apat (4) na taong nakabinbin "usad pagong" na election protest ni Koko Pimentel, tuluyan na ngang nagbitiw si Sen Migs Zubiri bilang miembro ng senado.

Sa kanyang privilege speech kahapon, pinanindigan niyang “hindi siya nandaya, wala siyang inutusan upang dayain
ang eleksyon, dignidad ng aking pamilya ang nakasalalay, dapat parusahan ang mga may kagagawan ng electoral sabotage noong 2007 election” at pahabol na panghuli, muli siyang babalik sa senado by 2013 election.

Kung matatandaan, sa operasyong “dagdag-bawas,” binokya ng dating Comelec provincial supervisor na si Lintang Bedol, Gov Zaldy Ampatuan sa tulong ng ilang mga security officers (election return switching) ang oposisyong kinabibilangan ni Koko Pimentel na nagresulta ng pekeng pagkakapanalo ng halos lahat ng senatoriable slate ng administrasyon Arroyo.
(Larawan: courtesy of;http://www.abante.com.ph/issue/aug0411/news01.htm)

Hindi kataka-takang hangaan siya ng marami sa kanyang naging gesture kahapon sa senado. Nagmula sa malaking political clan sa Mindanao at nakilala sa pagiging “spice boys” sa kongreso. "Nakabisado ni Zubiri ang wastong pustura’t katangian ng isang pulitiko na hinahanap ng maraming Pinoy."
Ang problema, sablay ang kanyang nilugarang grupo’t mga kakampi (Macapagal Arroyo), kundi man involved, nakinabang siya sa massive electoral fraud at anumang sandali, ilalabas na ang napipintong hatol ng Senate Electoral Tribunal (SET) na si Koko Pimentel nga ang
tunay na nanalo, base sa ipinapakitang mahigit 200,000 botong kalamangan nito sa kanya (Zubiri).

Marami ang kahalintulad ni Migs Zubiri sa Pilipinas; sa mga kongresman, mga gobernador, mayor, sa Punong Barangay at higit sa lahat sa Malakanyang, ang kontrobersyal at malungkot na kinasapitan ni Fernando Poe Jr noong 2004 presidential election at ikinapanalo ng pekeng pangulong si GMA. The same manner, hindi rin mabilang na kahalintulad na kaso ni Coco Pimentel ang napagkaitan ng hustisya sa labanang pulitika sa bansa. (Larawan: courtesy of:
Popularity matters in the Philippine election that is why, candidates, stupidlyperfect-arts.blogspot.com / villar.jpg)

Nabago man o poll automated na, nananatiling hindi parehas at madaya ang election sa Pilipinas. Sa ating kasaysayan, sinasabing "para lamang sa ELITE at makapangyarihan ang election." Bukud sa Omnibus Election Code, ang kondukta ng election campaign, ang sobrang gastos-vote buying (campaign finance) at maagang pangangampanya (early campaigning) para lamang sa "name recall, machinery bldg at kaliwa't kanang election violence (private armies) ng mga warlords at dinastiyang pulitikal," ang ilan lamang sa nagdudumilat na katotohanan.

Totoo ang kasabihang “walang natatalo at pawang nadadaya” na klima sa pulitika’t halalan sa ating bansa. Kinukwestyon na ng marami “kung tunay nga bang garantiya’t isang uri ng demokrasya ang proseso ng halalan, kung legitimate at tunay nga bang may democratic representation sila sa mamamayan (padrino–political clan) Pilipino?

Maaring kapana-panabik ang darating na 2013 midterm automated election, kaya lang, kung walang pagbabago, kung patuloy na nakabaon o well entrench ang mga ingredient ng kabulukan, trapo politics-kawalan ng tunay na partido - turncoatism-clannist, kahinaan ng demokratikong institusyon at hahayaan na lamang ito ng kasalukuyang administrasyon ni Pnoy, buluk at wala rin?