DEMOKRASYA, NALAGAY sa ALANGANIN
Mga dati’t mga recycled na pulitiko, magkakapatid, mag-ama at mga anak ng beteranong pulitiko ang halos bumubuo ng 2013 senatoriable candidates. Dahil raw sa “winnability factor, pina-atras" ang tatlo (3) sa Liberal Party (LP) at isa sa UNA habang pinoproblema naman ang tatlong (3) “guest o adopted candidates,” kung saang entablado raw ito tutungtung at mamamangka.
Upang maisalansan ang linyada at maging kombinyente sa bawat isa, binuhay muli ang “koalisyon.” Binubuo ng mahigit pitong (7) naghihingalo’t halos non-functional na partido ang "koalisyon." Binuo hindi dahil sa "ideological principles – may vision, mission at direksyong pulitikal ng ating bansa" bagkus sa oryentasyong “personal, barkadahan, pagpapalakas ng kahariang kontrol ng angkan at buhay na PATRON na may kanya-kanyang agenda at interest. ”
Nagkatutuo ang kutub ng marami na ang nalalapit na 2013 election ay "labanan ng mga personalities, labanan ng mga malalaking angkang politikal (political clan)" at labanan "kung sino ang may tunay na koneksyon, masisilungang padrino at malapit sa kusina ng palasyo?”
Ayon sa tagapagsalita ng Malakanyang, “isang referendum o hatol ng bayan daw sa administrasyon ni Pnoy ang 2013 midterm election.” Kung baga, “labanan daw ito kung kontra ka o kakampi ka ni PNOY.” Para palamnan ng mas konstruktibong diskurso, “labanan daw ito kung sang-ayon ka o disgusto ka sa reform agenda ng kasalukuyang administrasyon.”
Ang “ gumagandang ekonomiya, tiwala ng puhunan at publiko” raw ang pangtapat ni PNOY sa mga kalaban. Kaya lang, ang kakatwang tanong ng marami, "sino ba ang kalaban ni Pnoy? Suportado rin ng Big 3 ang reporma at adhikain ng administrasyon ni Pnoy." Ang dilenma ng UNA ay ang kanyang identity. Hindi maiiwasan ang kantsawang, “sino ba kayo, oposisyon, collaborator o alyado ng kasalukuyang administrasyon?” Sa kabila nito, mataas ang kumpiyansa ng magkabilang kampo na walo (8) raw sa panig nila ang "kaya nilang ipanalo."
Kumplikado at magiging magastos ang kampanya. Tinatayang may minimum na "P200.0 hanggang P800.0 milyon ang warchest ng bawat isang seryosong kandidato para makuha ang 15.0 - 20.0 million winning votes," kahit nasa “top 20 sa survey,” kilala at may name recall. Ang padrino ang inaasahang panggagalingan ng malaking bulto (50-75%) ng campaign funds (private, corporate, illegal), habang ang natitirang bahagi ay siya namang babalikatin ng kanya-kanyang angkan. Muling babaha ng pera, magtri-trickle down effect, milyong trabaho ang maililikha at kahit paano, pansamantalang lalago ang ekonomiya ng bansa.(Left photo, courtesy; mindanaocross.net)
Kumbinasyong Air war - mainstream media (radio at TV), social media, local machinery, personal network, vote denial and conversion, mistulang karnabal at zarzuela ang magiging porma’t estratehiya ng labanan. Bukud sa “pagkukumpara at track records,” magiging karaniwang paraan ang "special ops; junking-trayduran, demolition job, pananakot at political violence."
Maliban sa vote protection, personal endorsement at sample ballot, "walang aasahang pondong manggagaling sa koalisyon, lalo na sa mga pekeng partido na kabilang sa mga koalisyon." Kanya-kanyang diskarte't pangangalap ng pondo, kanya-kanyang mga campaign sorties sa lokal (LGUs) at kanya-kanyang pagtatayo ng campaign machinery ang magiging takbo ng labanan."
Ang tanong ng marami, sino ang makikinabang at sino ang talo at panalo sa 2013 midterm election? Siguradong panalo at gaganansya sa 2013 ang PADRINO, ang pamilya’t angkan, ang campaign donors at sponsor, ang mga campaign managers, operators, entertainers, ang mga na-ambunan ng vote buying operation at higit sa lahat, ang mainstream media.
Sino ang talo? Ang mamamayang Pilipino, ang accountability at transparency, ang rule of law at Constitution, ang repormang isinusulong ng administrasyon at higit sa lahat, ang DEMOKRASYA.