Larawan ng mga mananagpang. Larawan kung paano kinuyog si Ate Glo ng apat na buwitreng si Tabako, si Tainga, Executive Sec Eduardo Ermita at si presidential adviser on political affairs Gabriel Claudio sa isang inkwentro sa bahay ng mga Macapagal noong nakaraang linggo (Jan 12, '06). Ito ang front page banner sa lahat ng pahayagang broadsheet at tabloid. Hindi na balita kung nauwi ito sa “win-win solution” at tulad ng inaasahan, may panimulang napagcashunduan. “Hindi na raw step down”. Paabutin na raw sa 2010 si Ate Glo at Kongreso na daw ang bahala sa lahat! Meaning ta-tabo, hahakot at bubundat na naman ang mga buwaya. Kaya lang, parte-partihan at pakikibahagi ng kapangyarihan ang sukling kapalit.
Bagamat banggit ng ulyaning si Tabako na “wala raw klarong napagkayarian” sa miting, hindi maitatatwang deterent, kontra panggogoyo, kontra pasaway at bayad utang ang “win-win solution.” Ibig sabihin, tinagpas, pinaglaruang parang bata at gagawing tau-tauhan sa malakanyang si Ate Glo.
Mas lalong kinumpirma ito sa follow-up miting ng Lakas National Directorate nuong nakaraang Sabado, Enero 14. Bukod sa may time frame na, “hindi na raw gagalawin, hindi na raw babatikusin, uupakan at wala na munang patutsadahan sa gubyerno ni Ate Glo hanggang 2007." Meaning, mukhang mananatili na, wala ng sagabal sa biyahe ni Ate Glo hanggang 2010. Tuloy na ang cha-cha sa kalagitnaan ng taon, isasabay ang plebisito at higit sa lahat, wala na rin no election (NO-EL)?
Bago nito, pinutakti ng batikos ang con com/palasyo sa imoral at garapalan rekumendasyon nitong NO-EL at Charter change (cha-cha). Nakapaloob kasi dito ang planong pagbu-buwag sa Senado patungong unicameral, imbis na palakihin (dahil parliamentary kuno), tatanggalin pa nga ang sistemang party list, lifting ng term limits sa lahat ng mga nanunungkulan sa kongreso at lokal na ehekutibo at karagdagang taon (70 – 75) sa pagreretiro ng mga kagawad sa Korte Suprema. Pasok na ang shifting mula presidentiable tungo sa parliamentaryong porma ng pagggugubyerno. Lumalabas na parang kampante at sigurado na ang palasyo dito.
Si Tongresman Petchay ang naitalagang emisaryo ni Tainga upang mangangkong, manghilot at manuhol ng kung anu-ano sa Senado ay tila uuwing bigo at kalabasa.
NO-EL, Charter Change
Kung hindi magbabago ang trend, malapit sa katotohanang itatapon sa basurahan ang panukalang NO-EL at cha-cha sa Senado. Kung magkaganito man, papasok sa eksena ang mga kenkoy sa Liga ng mga lokal na ehekutibo (LGUs) para isagawa ang “people's innitiatives”. Magpapapirma sila ng milyung-milyon, sa bara-barangay dahil pa sa ekstensyon ng trono't kapangyarihan hanggang 2010 at hindi sa kung anumang prinsipyo ng pagbabago ng konstitusyon.
Para sa kanila, bukod sa makakatipid sa gastusing pamimili ng boto sa 2007, tuloy ang ligaya sa pangungurakot. Lagot kayo, pikon na sa inyo si Sen Miriam defensor Santiago!
Anong aasahan n'yo sa Liga ng mga lokal na erehe-kutibo? Puro pansarili lamang ang inaasikaso ng mga ito at bilang sa daliri lamang ang mga “warm bodies” na gobernador, alkalde't punong barangay! Yun ngang pagpa-patupad, pag-intindi, pagtatayo at pagpo-programa sa local dev't council (LDC) sa konteksto ng Local Government Code (LGC) ay bokya na, pagpapapirma pa? Kasal, binyag, libing (KBL) lamang ang kakayanan ng mga ito. Naka-turuk at nakatatak na sa mga pagmumuka nito ang maging doble-kara, mang-gantso, magdilhensya, gumanansya sa mga proyekto't weteng at magkamot ng bayag.
Nagdrama pa kunyari si Tabako na “mag-parachute” at “mag-graceful exit” na lamang sa 2007 si Ate Glo. Kaya lang, mukhang bumabenta sa mga pulitiko ang NO-EL at cha-cha. Ultimong mga malalapit na garapata nito sa partidong Lakas ang promotor at pasimuno nito. May hinalang si Tainga mismo't papalit kay Sec Angelo Reyes ng DILG na si Antipolo City Rep Ronaldo Puno ang mastermind.
Ano ba talaga ang nasa likod ng NO-EL at cha-cha? Bagong pulitika ba? Kaunlaran at pagkakaisa ba ng country? Maliwanag pa sa sikat ng araw na kasakiman sa kapangyarihan, magtagal sa pwesto hanggang 2010 at tuluyan ng burahin sa kasaysayan ang dayaan, bastusan, lokohan, linlangan, katiwalian at krimen sa country ni Ate Glo. Yung lang at wala ng iba pa! Political survival ang pakay ng NOEL at cha cha. Layon nitong mahadlangan ang posibleng landslide victory ng opposition sa 2007 election, makontrol muli ang Kongreso at sawatain ang tuluyang impeachment move ng kanyang mga kalaban.
Para sa malakanyang, wala ng makakapigil sa pagbabago ng konstitusyon. Plantsado na ang plano, sa Kongreso, sa lokal na ehekutibo at sa Korte Suprema. Sa Hunyo ng taong kasalukuyan babasbasan, ikukumbina ang pinagsamang (kapulungan-unicameral) sangay sa kongreso at magkakaroon ng plebisito (yes or No?) upang sang-ayunan o tutulan ng ang pagbabago ng konstitusyon. Hawak sa leeg ang Comelec, kongreso, lokal na ehekutibo at buong makinarya ng pagmamanipula. Tulad noong panahon ni Marcos, walang ilusyong mananalo ang “no” votes.
Ungguyan
Bakit ganun na lamang kung duru-duruin ni Tabako si Ate Glo? Hostage nga ba siya talaga? Kung sa bagay, simula't sa pol pa lang ng kanyang panunungkulan, kambal-tuko na nito ang linggo-linggo, araw-araw, oras-oras na ginawa ng diyos na ungguyin siya ni Tabako. Ang impresyong tuloy ng lahat, si Tabako na ang nagpapatakbo, ang nagdidisisyon at nagbibigay direksyon ng country!
Ito ba ang “strong republic” na pinangangalandakang palagiang lugmuk, vulnerable sa pakikialam ng mga dambuhala't makapangyarihan elite? Ito ba ang ipinagyayaban na republikang punong-puno ng political uncertainty, pag-aalburuto ng masa at kaliwa't kanang banta ng destabilization? Anong klaseng republika-pulitika mayroon tayo, kung ang padri-padrino ang siyang nakapangyayari, ang “kamutin mo likod'ko't kakamutin din kita at pare-pareho tayong may pera!
Noong nakaraang taon kung saan kamuntik ng mag-collapse ang gubyerno ni Ate Glo. Ang bagyong Hyatt 10, Sen Drilon at partidong Liberal, ang MBC-PCCP at panghuli si Tita Cory ang bumulaga sa country. Pinauna't nag-alsa balutan si Mike, si Mikee at Iggi Arroyo sa amerika, inayos ang resignation paper-exit plan at ng pipirmahan na ni Ate Glo ay biglang umeksena si Tabako at Tainga.
Malaki ang ginampanang papel ni Tabako sa pagkakalukluk ni Ate Glo bilang pangulo. Bukod sa asiwang mayayamang negosyante, middle class, mga galamay ni Tabako sa militar at kapulisan ang pumugot sa ulo ni Erap noong Edsa 2. Ganun ka-astig ni Tabako! Kung ating maaalala, nagoyo't pinataub nito si Speaker Ramon Mitra sa party convention ng Laban ng Demokratikong Pilipino at noong 1992, kahit sinasabing walang gaanong makinarya, nagawa niyang talunin si Sen Miriam Defensor Santiago sa pagka-pangulo. Bihasa si Tabako sa larangan psycho warfare, dating chief of staff, Defence Minister at hunyango noong Edsa 1 revolution.
Parang gapangan at trade offs na lamang ang lahat. Maliban sa ilang die-hard at malalapit sa kusina ng palasyo, may gustong pumitik at mag-counter attack laban kay Tabako (chairman emeritus ng Lakas).
Kapwa mga kasamahan sa Lakas-NUCD ang siya ngayong kumakasa laban kay Tabako. Si Pichay (Lakas-Surigao) na isang sagadsaring kaututang dila ng Unang Ginoo tanging Esposong si Mike Arroyo ang nagbunyag na “garapalang nangulimbat sa power sector” si Tabako. Nabangkarote ang Napocor at nagresulta ng napakataas na singil sa kuryente (pangatlo sa Asia; Una ang Cambodia, pangalawa ang Japan). Niyari ni Tabako ang sovereign guarantees ng 40 Independent Power Producers (IPPs). Ayon kay Pichay, si Tabako ang nag-mastermind ng bilyon-bilyong katiwalian sa PEA-Amari, pagbebenta ng Fort Bonifacio at ang Expo-Centenial sa Clark .
Nilumpong Institusyon
Inutil at paralisado ang institusyon pampulitika ng gubyerno. Hirap ma-institutionalized ang mga reporma sa loob ng militar, kapulisan iba pang mga ahensya. Dahil sa isyu ng lehitimasyon, anomalya at ang “hello Garci”, nauwi sa negatibo ang pagtitiwala sa palasyo at Comelec. Sa kasalukuyang dispensasyon, suntuk sa buwang maisasagawa pa ang mga reporma sa loob ng gubyerno. Parang may constant impasse ng pormal na demokratikong institusyon ng gubyerno, sa pagitan ng ehekutibo at lehislatura.
Ang lumalabas tuloy na perception ng country ay parang sila-sila na lamang ang gumagawa ng agenda't kinabukasan ng country. Par kay Ate Glo, parang lahat na lang ay “sige na nga”. Lalong lumalala ang pagiging watak-watak ng country. Sa takbo ng mga pangyayari, mukhang hindi na magtatagal at magko-collapse na ang liderato ng rehimen ni Ate Glo.
Nakakapanglumong isipin na ang mga elite (politiko) pa ang siyang may say, ang siyang may karapatang mangumpuni at magbantay ng ating Konstitusyon. Parang sinasabing, ang magbabantay ng repolyo ay mga kambing; ang mag-aalaga ng mga usa ay mga leon.
Military Option?
Ito na malamang ang pinaka-delikading na yugto sa panunungkulan ni Ate Glo. Ganun pa man, kahit na sa depensibang postura, handang makipagmatigasan sa anumang tangkang pang-aagaw ng kapangyarihan si Ate Glo. Nakakasa na ang buong makinarya, tinalaga si Mike Defensor bilang chief of staff at may mga ugung-ugung na pasisibatin na si Sec Angie Reyes bilang ambasador sa Estados Unidos at ipapalit si Ronnie Puno bilang pinuno ng DILG. Kay Puno, nakatitiyak siyang maihahanda ang suportang agapay mula sa lokal na ehekutibo, malalapit na kaalyado ng palasyo at maisisiguro ang pag-aamyenda ng konstitusyon sa pamamagitan ng people's innitiatives.
Kahit wala si Tita Cory at Erap Estrada sa naka-kasang miting ng Council of State, itutuloy nito ang pakikipagnegosasyon sa iba. Gagamiting istabilayser ang Council of State, palalabasin malakas at may suporta pa si Ate Glo kay Tabako't sa iba pang personahe ng lipunan. Kaya lang, tila mahirap ipatanggap, makumbinsi ang country na may kapanatagan, normalcy, stabilized na at may katatagan. Mas madaling paniwalaang isa lamang zarzuela, isa lamang palabas, isa lamang patibong at walang tiyakang substansyal na pababagong kalalabasan ang tagpuan sa Council of State.
Sa ngayon, ano ngayon ang posibleng mga senaryo, option? Matapos ilibing, tiris-tirisin ang impeachment move sa mababang kapulungan nuong nakaraang taon, alangan na sa ngayon ang constitutional succession Sa kasalukuyang dispensasyong politikal at iskandalong “hello garci”, magiging katawa-tawa na rin ang option mamuhunan at maghanda sa 2007 election.
Ang hirap ibenta sa taungbayan ang pipol power. Sa kabila ng presensya ng mga personahe, oposisyon, sa kaliwa at sa kanan, maliit ang naging partisipasyon ng mamamayan. Sa kabila ng maraming survey na lumabas na malaking bahagi ng populasyon ang pumapayag ng itapon sa kangkungan si Ate Glo, anumang klase ng porma ng pakikibaka, may pag-aalinlangan ang mga tao na sumuporta at makiisa sa kalsada. Nag-alangan din ang tao na suportahan ang panawagang transition revolutionary government ni General Fortunato Abat.
Mukhang ang sumada, ang kudeta't mutiny ng kapulisan at hanay ng mga aktibistang sundalo ang naiiwan na lamang option! Lumalala ang sentyemento, unrest sa loob ng militar – ang pangungurakot, walang hangganang karalitaan, pagtaas ng bilihin, breakdown ng law and order at ang perception ng tao na weak nga talaga ang estado.
Doy Cinco / IPD
1 comment:
I go to see every day some web pages and sites to read articles or reviews, except this web site gives feature based articles.
Also visit my web page ... diets that work fast
Post a Comment