Monday, April 14, 2008

Price control at emergency power

Kung ang “emergency power (EP)” ang kahit paano'y lulutas sa krisis ng pagkain, magpapasigla ng rice production at rural development, kukumpiska ng libu-libong ektaryang nakatiwang-wang na lupaing pansaka na pag-aari ng mga mayayaman (casique, ng mga warlords, panginoong may lupa at political clan, oligarkiya), ayos lang. Kung ang “emergency power” ang magtataas ng kabuhayan (standard of living) ng mga magsasaka, ang sasawata (crackdown) sa mga mapagsamantalang Traders, mga rice cartels, smugglers, sa mga katiwalian sa loob NFA, NIA (National Irrigation Authority) at DA-Quidancor, walang problema. Kung ang “EP” ang daan upang palakasin ang RICE SUBSIDY ng mga magsasaka at magbubukid, ayos lang. Kung ito'y gagamitin upang ma-ifacilitate ang "moratorium sa gadambuhalang utang panlabas ng bansa at mairechannel ito sa produksyon," walang problema!

Ang kutub ng marami, ang "EP" ay malamang gamitin sa propaganda at panlilinlang, na ang palalaganaping kadahilanan ng krisis ay "walang krisis" at panlabas na salik (global) ang ugat ng krisis at hindi panloob (crisis of governance). Gagamitin ang "EP" upang maipag-patuloy ang patakarang pag-iimport ng bigas na ngayo'y itinuturing pumapangalawang importer ng bigas ang Pilipinas sa buong mundo. (Photo: Mahabang pila sa Commonweath Av, "Rice crisis worsening" http://www.abante-tonite.com/issue/apr1108/index.htm, BUHAY POBREAraw-araw na ganito ang buhay ng mga mahihirap nating kababayan. Ilang oras na nakapila para makabili ng murang NFA rice, ulanin man o mabilad sa araw. (Art Son)

Tulad ng dati, malamang na itutuon ang "EP" sa mga kalaban, sa mga maralitang nag-aalburuto, mga kaaway sa pulitika ng Malakanyang, political survival at matiyak ang latag tungo sa inaasam-asam na pananagumpay sa 2010 presidential election. Ang isa pang nakakatakot, baka ituon ang EP upang sawatain ang namimintong FOOD RIOT (kaso ng Haiti ay iba pang bang mga bansa nagpu-food riot sa mundo), kilos protesta at disgusto ng mamamayan laban sa inutil at tunay na may kagagawan ng rice crisis sa bansa.

Price Control sa immediate at agri-industrial production sa pangmatagalan ang kailangan ng bansa para malabanan ang paglubha ng karalitaan, kagutuman at self-sufficient sa pagkain. Sa ayudang P43.7 bilyon, bukud sa bubusugin lamang nito ang mga patron- pulitiko, susuportahan ang magsasaka ng Vietnam at Thailand, ipagpapatuloy lamang nito ang mga dati, buluk, luma at napatunayan ng SABLAY na mga patakarang pang-agrikultura.

Sa sinasabing P43.2 bilyon, malabong ma-agapayan nito ang sariling magsasaka, pasiglahin ang pagsasaka at kaunlarang pangkayunan (rural development) at sa maiksing panahon ay makapagproduce ng mahigit tatlong milyong metriko toneladang bigas ang bansa.

Sa kasalukuyan, tanging ang Price Control ang immediate na makakatugon sa krisis na pagkain sa bansa. Ang PRICE CONTROL sa panahon ng kagipitan ay napatunayang wasto, ipinatupad ni Pres Cory Aquino at iba pang mga bansang mahihirap sa mundo. Ang price control ay palatandaan na may gubyernong nag-eexist at kumakalinga sa mamamayan. Siya rin ang nagpapatunay na may ESTADONG handang ipagtanggol ang interest ng mamamayan. Sa totoo lang, hindi na mangangailangan ng isang “emergency power,” sapagkat tanging ang PRICE CONTROL o isang executive order (EO) lamang, isang “pro-active na patakarang aaresto sa pagsasamantala at patuloy na pagbulusok ng presyo ng bilihin ang itutugon. Ang price control ang depensa ng mamamayan sa lumalalang INFLATION RATE ng mga pangunahing bilihin at patuloy na pang-aabuso ng mga tiwaling negosyante. - Doy / April 14, 2008

No comments: