Monday, September 19, 2011

Transport Strike: “tigil pasada, barikada ng iilan"


Masyadong napraning, na-over estimate, nahintakutan at full move ang gubyerno sa bantang "tigil pasada" ng Piston kahapon. Sa tindi ng media coverage, mileage exposure at husay sa propaganda campaign ng Piston, inakala ata ng mga awtoridad ang senaryong ala ARAB SPRING, people power pinoy style at “riot sa London” ang magaganap na kilos protesta kahapon. Larawan: PROTEST PLANKING. A police officer tries to dissuade protesters from carrying on their "planking" blocking briefly the traffic at ,,,,... to support calls for a nationwide "transport holiday". (Courtesy :AP/Photo/Bullit Marquez http://newsinfo.inquirer.net/61483/%E2%80%98die-ins%E2%80%99-yesterday-%E2%80%98planking%E2%80%99-today)
Nandiyan ang iba't-ibang babala, pagsuspindi o kanselasyon ng prankisa, pagpapahintulot sa mga provincial bus na sagipin ang mga mai-stranded na commuters (300 bus-libreng sakay), pagsuspindi ng number coding, pagre-activate ng inter-agency operation (Oplan Grasshopper); National Capital Region Police Office (NCRPO), Armed Forces of the Philippines-National Capital Region Command (AFP-NCRCom), Land Transportation Office (LTO), LTFRB at Department of Justice (DoJ) at pagmomobilisa ng 5,000 police na kung tutuusin, mas marami pa ng limang ulit (5x) sa bilang ng mga nagpoprotesta!

Sa tingin ng Piston, sa kabila ng pananakot at pagsosolo biyahe sa pakikibaka, "tagumpay raw ang kanilang isinagawang tigil pasada.” Ayon naman sa maraming broadcast at print media at MMDA, “maliit ang impak, hindi narandaman at kakaunti ang lumahok sa kilos protesta ng maka-kaliwang National Democratic led organization."Ang tanong ng marami, ano ba ang nangyari kahapon? “Rally, welgang bayan, tigil pasada ba o barikada ng iilan, patikim lang ba at babalik, mas marami?”

Kung ang layunin ng kilos protesta ay ma-eduka ang madlang pipol sa isyu ng langis, maaring positibo, pero kung ang hangad ay tigil pasada, iparalisa ang Metro Manila, makabig ang suporta't simpatya ng populasyon, tumaas ang leverage sa pakikipagnegosasyon at mai-roll back ang presyo ng langis, "mukhang alangan at bigo." Ang nakaka-intrigang tanong, bakit parang takot, naalibadbaran at walang tiwala ang FEJODAP, ACTO, PASANG MASDA, 1-UTAK at iba pang moderate transport organization sa Piston?

Nagsimula pa nung dekada 70s at pinabongga ng Diliman Commune ang laban sa oil price hike. Mapagpakumbaba at nagkakaisa noon ang hanay, mataas ang moral ng mga aktibista, mainit ang suporta at simpatya ng mamamayan at ini-express ito sa pamamagitan ng "palakpak, pag-aabot ng kaunting barya, pamimigay ng pagkain at maiinom tubig."

May apat na dekada ang labanan sa langis at mukhang malayo na ang narating ng mundo; diktadurang Marcos noon at administrasyong Pnoy ngayon, may 4,000 pinoy (OFW) ang lumilikas araw-araw, nag-iiba ang political terrain sa Arab countries, bumagsak ang Berlin Wall at 9/11, patuloy ang paghina ng US, OPEC at nag-iiba ang katangian ng oil Cartel, lumakas at under-attack ang Globalization-WTO, bumabawi ang maliliit na Estado, maraming estado ang naniniwala sa nuclear energy, at higit sa lahat, ilan taon na lang ang itatagal ng fossil fuel.

Tuesday, September 13, 2011

Edsa Skyway?


Totoong karumaldumal na ang kalalagayan ng 12 lane - 24 kilometrong haba ng Edsa, maging sa kabuuan ng Kalakhang Manila. May mahigit tatlong daang libong sasakyan (300,000 private/public vehicle) ang dumadaan araw-araw at "itinuturing isa sa pinakatalamak in terms of volume ng sasakyan 'di lang sa Pilipinas bagkus sa buong Asia-Pacifico" ang Edsa.
(Left photo: Edsa and MRT 3)

Sa loob ng ilang dekadang pag-eexperimento (MMDA-DPWH), nabigong maresolba nito ang traffic sa Edsa, maging sa halos lahat ng estratehikong lansangan sa Metro Manila. Sa kabila ng paglalagay ng daang-bilyong pisong fly-over, underpass/overpass, skyway, road widening, Odd-Even scheme, u-turn slot, yellow lane-bus separator, bus-tagging, idagdag pa ang "nakakamolestya't sardinas" na MRT 3 at dekadang LRT 1, masasabing hindi ganap na naaresto ang halos tatlong dekadang parking lot traffic sa Edsa at iba pang lansangan sa Metro Manila. Ang lumalabas, lumalala pa!

May mahigit $2.0 bilyong (P88.0 bilyon) kada taon o P300.0 milyon kada araw na katumbas na halaga’t pinsala ang nasasayang (in terms of business-productivity, daloy ng produkto, turismo at hospitalization) dulot ng "poorly planned infrastructure" at "teribleng inefficient public transport system."

Skyway sa Edsa, pattern sa Shanghai, China at Kuala Lumpur, Malasia raw ang solusyon. Ayon sa Dept of Public Works and Highway (DPWH), sa "bagong EDSA," isang skyway o tunnel mula Roxas Blvd hanggang Balintawak na nagkakahalaga ng P30.0-50.0 bilyon ang maaring simulan. Ang "EDSA Tunnel" ay pangontra raw sa traffic at baha tuwing umuulan. Tinatayang matatapos sa loob ng termino ng administrasyon ni Pnoy ang skyway.

Ayon kay Sen Drilon, "kinukunsidera ang official development assistance (ODA) mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) or mula sa private sector - PPP (private, public partnership) para pondohan ang naturang proyekto," meaning, mangungutang at mamamalimos muli.

Sa unang tingin, maganda at nakaka-exite ang skyway, maliban sa maiibsan ang traffic, massive infra projects na makakapag-generate ng trabaho, magpapasigla pa raw ito ng ekonomya. Kaya lang, parang kulang sa pagsusuri at hindi pinag-iisipan ng mga naturingang "traffic czar" ng MMDA at mga "henyong engineers" ng DPWH ang tunay na sitwasyon. Sa laki ng volume at nadaragdagan sasakyan araw-araw (2.5 million-Metro Manila), nakabalagbag na dambuhalang Mall at kaliwa't kanang condo, walang dudang wa-epek at mauulit lamang ang problema.

Ayon sa mga experto, may mahigit P500.0 bilyon salapi sa GSIS, SSS at bilyung pisong koleksyon taun-taon sa Road User's Tax ang maaring pagkunang pondo na di mangangailangan mangutang at mamalimos sa mga dayuhan. Pangalawa, long term solution, brainstorming ng mga alternatives, re-framing, re-engineering para sa isang Metro Manila Strat Devt Plan with Southern and Central Luzon inclusion; isang efficient mass transport system na "integrated, sustainable, comprehensive urban renewal progmam," ang kailangan.

Maaring pag-aralan at ibalik ang TRANVIA (street car)na naging popular means of transportation sa Manila bago ang WW II-19th century na patok hanggang ngayon sa San Francisco, USA, Hongkong at karaniwang pangitain sa mga progresibong lunsod sa Europa at South Amerika (Spanish, Belgian, Danish and German cities, Amsterdam, Milan, Lisbon, Oslo, Istambul, Belgrade, Prague, Helsingki, Budafest, Buenos Aires, Argentina). Isa rin sa dinidevelop na alternative ang Automated Guideway Transport System - Monorail ng Dept fo Science and Technology (DOST). (left photo: Modern Tranvia sa Spain)

Hindi hamak na mas "matipid at environment friendly" ang TRANVIA at MONORAIL kung ikukumpara sa skyway o tunnel na makapagkocontribute lamang ng polusyon, dependency sa carbon - fossil fuel at makasisira sa urban landscape ng Kalakhang Manila.

Ipriority ang nakakabilib na proyektong MONORAIL ng DOST na naka-iskedyul ng i-pilot test sa UP Diliman at agarang ipatupad sa 7 strategic na lansangan sa Metro Manila, Cebu at Baguio. Mas mahalaga ang kalusugan, isang fresh air na masisinghot ang mga tao, isang lansangang punung-puno ng halaman, kaika-ikayang lakaran at bisekletahin (bicycle lane).  


Mukhang napag-iiwanan na tayo at hindi na natututo ang mga tinaguriang "henyo-traffic czar" sa gubyerno.

Below Photos: Automated Guideway Transit (AGT) is the first Filipino-built......courtesy of dost‑300x223.jpg
Escolta Tranvia, courtesy of http://magnakultura.multiply.com/photos/album/19