Ang Alegorya ng Balon at ang Kaliwa
ni Jamir Niño Ocampo
Noong unang panahon, may tatlong palakang nakatira sa loob ng balon. Sila ay si Nadem, Sodem at Hindidem. Lahat sila ay naniniwala na ang langit ay kasing laki ng butas ng balon. Isang araw, napatalon si Sodem sa isang bahagi ng balon. Bigla niyang nakita ang araw na dumaan sa kalangitan na kasing laki ng butas ng balon. Binalikan niya ang mga kasama at buong sigasig na kinuwento ang kanyang nakita.
“Mga kasama, may nakita akong bolang apoy sa langit!”, sigaw ni Sodem.
“Ano?! Hindi totoo 'yan, wala kaming nakita dito”, sambit ni Nadem habang tahimik lang si Hindidem.
Patuloy ang diskusyon ng dalawa hanggang napagdesisyunan ni Nadem na tumalon sa pinuntahan ni Sodem. Nang makarating si Nadem, sa halip na araw, nakita niya ang buwan sa butas ng balon kaya buong galit na bumalik si Sodem sa mga kasama.
“Nakita mo, sabi ko sa iyo tama ako”, sabi ni Nadem.
“Anong tama! Mali ka, wala naman akong nakitang bolang apoy sa halip ay isang kalahating bola ng liwanag”, sambit ni Nadem.
Patuloy ang debate hanggang tuluyang nagkasamaan ng loob ang dalawa. Dahil sa matinding pag-aaway na kadalasa'y nagbubunsod sa pagkakasakitan, minabuti ng mga palaka na maghiwalay na lang ng tahanan. Lumipat ng tirahan si Sodem sa pinagkakitaan niya ng araw habang si Nadem ay nanirahan sa lugar na may buwan. Nanatili na lamang sa kanyang dating lugar ang litong-litong si Hindidem.
Lumipas ang maraming panahon, nagkaroon ng maraming anak at apo ang tatlong palaka. Ngunit sa pagdaan ng panahon mas lalong nahati ang tatlong pamilya sa kani-kanilang paniniwala tungkol sa langit. Mas lalo pang naging magulo ang buhay sa balon, nang ang mga anak at apo nina Nadem, Sodem at Hindidem ay nakakita pa ng ibang mga bagay sa kalangitan. Hindi na bumalik ang dating katiwasayan sa balon.
Sino nga ba ang tama sa tatlong palaka? Hindi naman natin maaring sabihing mali si Sodem dahil nakita niya talaga ang araw ngunit tama rin si Nadem sa pagkakita niya ng buwan. Buti pa si Hindidem na kahit nalilito ay nagbigay ng posibilidad sa dalawa.
Isang bagay ang lumilitaw, biktima si Nadem, Sodem at Hindidem ng pagkakataon at lokasyon. Kung nasa tamang sitwasyon lamang ang tatlong palaka sa pagtingin sa langit, marahil wala nang nangyaring pagkakahati-hati ng paniniwala. Ngunit ito ang kabalintunaan ng katotohanan, hinati na ng mundo ang mga taga-tingin ng langit sa iba't ibang lokasyon at pagkakataon.
Hindi malalayo ang karanasan ng mga palaka sa kasaysayan ng kilusang kaliwa. Sa kaso man ng mga palaka sa balon o ang kaliwa, parehong lumilitaw ang ilang kaisipan: ang ugnayan ng katotohanan sa hermeneutikang sitwasyon at ang konsepto ng partial truth. Ang hermeneutikang sitwasyon ay tumutukoy sa pagkakataon at lokasyon kung saan tinuklas o natuklasan ang katotohanan.
Ipinamalas ng kasaysayan ang partial truth sa kahinaan ng mga engrandeng naratibo ng modernismo bilang salamin ng katotohanan ng mundo tulad ng teorya ng kapitalismo ni Marx, pyschoanalysis ni Freud o teorya ng ebolusyon ni Darwin. Ang konsepto ng partial truth ay nagsasaad ng limitadong kapasidad ng mga panlipunang balangkas/social paradigms sa pagsakop ng buong katotohanan ng mundo at kakayanan lamang ng mga ito na alamin ang ilang bahagi ng katotohanan ng mundo. Maari nating gamitin ang dalawang misteryo ng katotohan sa pag-intindi sa kalagayan ng kilusan.
Sino nga ba ang tama sa nagkahati-hating kaliwa? Maari ba nating sabihing nagkamali ang mga Natdems (National democrats) sa pagtingin sa lipunan gamit ang lente ng komunismong Maoist- Marxist-Leninist? Mali ba ang pagtalon ng mga Socdems (Social democrats) sa lugar na pinagkakitaan nila ng sosyalistang demokrasya? Kaakibat ng tanong na kung sino ang may tamang lente ng lipunan, ang tanong na kung “sino ang may tamang pamamaraan ng pagbabago?”.
Mula sa nagkakaiba-ibang paniniwala, nanganak ng iba't ibang tradisyon at pamamaraan ng mga kaliwa. Nagkamali ba ang mga RAs (Reaffirmists) sa paggamit ng armas o ang mga ilang kaliwa sa paggamit ng parlamento? Hindi maaring sagutin ang mga ganitong katanungan dahil hinati na ang mga kaliwa ng pagkakataon at lokasyon habang tinitingnan ang katotohanan sa kalangitan mula sa balon katulad din ng pangbibiktima kina Nadem, Sodem at Hindididem.
Mas lalo pang naging magulo ang mga kaliwa sa loob ng balon nang ang mga ilang anak ng RJs ay nakakita ng iba pang bagay sa langit tulad ng Padayon na napagmasdan ang ilang bahagi ng pambansang demokrasya, Bisig na nakamasid sa dumadaang Sosyalismo at Marxismo-Leninismo, at Pandayan na nakakita ng demokratikong sosyalismo.
Hindi lumaon, napagsunduan ng tatlo na magrespetuhan na lang sa pagkakaiba ng kanilang paniniwala habang naninirahan sa bahagi ng balon na kung tawagin ay Akbayan. Sa paglipas pa ng panahon, dumami ang mga RJ na natutunan ang salitang pluralismo at kakambal nitong salitang respeto kaya sinimulan ng mga RJs sa kasalukuyan ang pagtayo ng kanilang tirahan sa loob ng balon na kung tawagin ay Laban ng Masa. Maaring maging mas malawak ang tirahan ng mga RJs sa balon kaysa sa mga RAs ngunit hindi tulad ng mga RAs, iba-iba pa rin ang pagtingin ng mga RJs sa langit.
Ngunit hindi sapat ang pluralismo at respeto kung nanaisin ng mga kaliwa na lumaya sa balon at makita ang kabuuan ng langit. Kinakailangan ng kaliwa ng sama-samang paglabas mula sa balon upang masilayan ang katotohanan ng langit at hindi na muling mabiktima ng sitwasyon.
Bagaman ang paglilinaw ng lente sa lipunan, ang pagtatalop ng katotohanan mula sa mundo ay may dalang sakit at hapdi, kinakailangan ng kaliwa hindi lamang ang pag-unawa kundi pagpapatawad at pagmamahal sa dating kasama.
Ngunit, hanggang saan sa labas ng balon ang tatahakin ng kaliwa sa pagtuklas ng katotohanan sa kalangitan? Hanggang saan magiging maunawain ang kaliwa sa pag-intindi ng paniniwala ng ibang kolektibong hindi kaliwa tulad ng mga kanan, ang mga neoliberal, ang mga authoritarian, ang mga business interest group o ang mga Christian evangelical at mga institusyon tulad ng militar, simbahan, media, IMF, World Bank at WTO.
Kapag muling nagkaisa ang kaliwa ng tirahan sa balon at lenteng pantingin sa lipunan, dadating ba ang punto na sasabihin ng kaliwa sa mga grupong wala sa kilusan na “kami ang tama, at kayo ang mali”. Kung ipagyayabang pa rin ng kaliwa na sila ang may hawak ng katotohanan at tamang lente ng lipunan, kahit magsama pang muli ang RA at RJ, Natdems at Socdems, kahit na mapagtagumpayan ng isang nagkakaisang kaliwa ang estado puder, mananatili pa rin nakakulong ang kaliwa sa balon dahil pinalawak lamang nila ang balon na kanilang kinakukulungan. Ang tanong ngayon: gaano ba kalawak ang kulungan ng katotohanan na gugustuhin ng kaliwa?
Kung sama-sama lamang ang mga palaka at ang kaliwa sa pagtuklas ng katotohanan sa labas ng balon at naging mas maunawain pa sa karanasan ng ibang palakang naninirahan sa labas ng balon, marahil ay nasilayan nila, hindi man tuluyan ngunit mas malaking bahagi, ang katiwasayan at kaliwanagan ng katotohanan sa kalangitan.
-------------------------------------------------------------------------------------
Katatapos lang sa kursong BS Economics si Jamir at kasalukuyang kalahok sa Activist School Antipolo batch. Pagkatapos ng Activist School, plano niyang magtrabaho sa Freedom from Debt Coalition (FDC), isang organisasyong tumutuligsa sa patakarang pang-ekonomya't ng gubyernong Pilipinas at neo-liberalismong kaayusan ng mundo. Kabilang siya sa Action for Alternative Democracy - University of the Philippines.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment