Aktibismo 101
ni Karel Tabora
Narinig ko ang tungkol sa Activist School (AS) sa aking ama na isang full-fledged activist tulad ng aking ina. Masasabi kong lumaki ako sa isang tahanan na bukas sa prinsipyong ipinaglalaban ng mga T’bak. Madalas pa ngang maging paksa ng mga diskusyon sa aming hapag ang mga bagay-bagay at kaguluhan na may kaugnayan sa politika at iba’t ibang pagkilos.
Ngunit hindi ko masyadong binigyan ng importansya ang kanilang mga argumento dahil wala akong balak maging isang aktibista. Dumating kasi ako sa punto na nais kong bumuo ng sarili kong pagkakakilanlan. Ninais kong lumayo sa linyang kinabibilangan ng aking mga magulang - at sino ba naman ang may gustong mapalo ng batuta at mabomba ng tubig sa isang dispersal.
May mga bagay talaga na hindi mo kayang takasan o taguan. Dumating ang araw na kinausap ako ng papa ko na sumama sa isang seminar. Ginawa ko ang lahat para hindi ako makasama sa seminar. Sinubukan kong mag trabaho para lang makaalis ng bahay. Ginawa ko ring dahilan ang aming enrolment na tumatagal ng isang linggo para makalusot. Ngunit dumating pa rin ang araw na pinaka-iiwasan ko.
Isang umaga, ginising ako ng aking ama at sinabing simula na ng seminar sa mismong araw na iyon. Natural na hindi ako pumayag kahit pa alam kong para ito sa aking sariling pag-unlad. Doon ko lang siya nakitang ganoon ka seryoso sa isang bagay. Halos palayasin na niya ako. Kaya’t kahit LABAG sa aking kalooban, nag empake pa rin ako ng aking mga damit habang ang aking isipan ay nahahati, kung dadalhin ko ba ang aking mga gamit at magpakalayo-layo o pupunta sa AS na wala man lamang briefing at konsepto ng aktibismo.
Nalutas ang kaguluhan ng aking isipan nang namalayan kong na sa loob na ako ng isang opisina kasama ang mga batang T’bak na handang matuto at ipagpatuloy ang mga nasimulan ng nakaraang henerasyon ng mga T’bak.
Ito ang unang sabak ko sa isang seminar na may konsepto patungkol sa aktibismo at first time ko ding tumira sa isang retreat house na tatagal ng labinlimang araw. Wala ako ni katiting na ideya kung anong mangyayari sa loob ng ganoong kahabang panahon. Ngunit isa lang ang naging tiyak sa aking isipan-KALITUHAN. Nakakalito ang bawat minutong lumipas sa loob ng IPD (Institute for Popular Democracy) office.
Walang nangangahas kumausap kanino man. Pakiramdam ko tuloy ay mali ang pagpunta ko dito. Ngunit hindi nagtagal unti-unting nabasag ang katahimikan. Nagsimulang magdiskusyunan ang mga kabataang kasabayan ko tungkol sa kanilang pinaniniwalaan, palagay at iba pang bagay na may kaugnayan sa aktibismo. Halos dumugo ang ilong ko habang pinakikinggan ang kanilang mga litanya.
Pakiramdam ko ay na-transport ako sa ibang dimensyon, hindi ko lubusang maintindihan ang kanilang pinagsasasabi. Nasanay kasi ako sa usapang tungkol sa mga computer games, subject sa school, babae at kung anu-ano pang kalokohan ng aking mga kaibigan. Kaya’t nahirapan akong sumabay sa agos ng kanilang usapan. Hindi pa nga natatapos ang kanilang mga sinasabi ay para bang gusto nang pumutok ng aking ulo sa dami ng tanong na nais mabigyan ng kasagutan. Mabuti na lang at dumating ang tanghalian. Dahil kailangan ko na talagang kargahan ng panibagong sustansya ang MURA KONG ISIPAN na napakadaling inubos ng kanilang mga argumento.
DING!!! Round 2; Ikalawang round na ng diskusyon, ginanap na ito sa loob ng isang conference room. Nakakakaba ang bawat yugto, ni hindi ko alam kung ano ang isasagot ko sa tanong na kung ano ang aking organisasayon. Doon ko unang naranasan mag flat-line ang aking utak, parang ayaw ng gumana, information overload kung baga. Kaya’t pinagsisisishan ko kung bakit hindi ko pinakinggan ang aking ama noong ipinakikilala niya sa akin si Karl Marx at kung sinu-sino pang pilosopo. Ngunit doon ko rin natutunan kung gaano kasarap ang mag isip ng hindi lang para sa sarili kundi ang mag-isip para sa kapakanan ng LAHAT.
Natapos ang unang araw ng magaan at masarap sa pakiramdam. Totoong napakaraming aspeto at konsepto ang mahirap intindihin para sa MURA KONG ISIPAN (heheh), subalit sa tuwing iisipin kong hindi lang para sa akin ang aking ginagawa, muli akong nabubuhayan.
Ang bagal ng oras sa loob ng bahay ni kuya ( St. Mary’s house of prayer). Ngunit hindi natatapos ang bawat araw ng walang bagong natutunan. Ang bawat minuto ay punong-puno ng sustansya at lutong. Sa kabilang banda, hindi ko maiwasang maguluhan at malito. Salamat na lang sa mga bago kong kasama at kaibigan na handang tumulong at sagutin ang aking mga katanungan.
Habang lumilipas ang araw unti-unti kong nauunawaan ang mga bagay na ipinaglalaban ng mga aktibista. Nais ng mga T’bak ang pagbabagong makakatulong sa lahat. Dati ang T’bak para sa akin ay pampagulo lang ng lipunan at mga taong masyadong ginagawang komplikado ang lahat ng bagay. Ngunit matapos ang ilang araw ng pag-aaral sa tulong ng AS unti-unti akong namulat na ang mga aktibista pala ay yung mga taong bukas ang isipan sa kahit anong pag babago, sila yung mga kumikilos para sa katotohan, at handang mag-sakripisyo para sa LAHAT at sa bayan.
Maliban sa mga bagay na patungkol sa aktibismo, may mga kaugalian din akong natutuhan na maaaring makatulong pa sa aking pag-unlad, tulad ng pagiging independent. Mas nabigyan kasi ako ng pagkakataong umasa sa aking sarili dito sa AS. Wala kasi ang mga taong tumutulong sa akin kapag dumating na ang panahon ng pangangailangan. Tinuro din sa akin ng AS na tumingin sa bagay na hindi lang sa iisang perspektiba kundi subukan itong ipaliwanag sa iba pang punto de bista.
Ang bawat sesyon ay puno ng mga bagong teorya, konsepto at iba pang kaisipan. Dati ang pagtingin ko sa mass media, lalo na sa ating bansa, ay isa sa mga sumisira sa isipan ng kabataang Pilipino. Ngunit ng dahil sa isang sesyon, namulat ako sa tunay na halaga ng mass media. Ito ay ang nagsisilbing daluyan ng impormasyon na makakahubog sa isipan ng mga kabataan. Gayundin, mas nabigyan din ng liwanag ang konsepto ng kaliwa at iba’t iba pang social movements.
Maaring hilaw pa ang aking mga napulot na kaisipan at ideolohiya. Ngunit buo na ang aking loob. Handa na kong magsakripisyo at matuto hindi lang para sa akin kundi para sa mga kabataang tulad ko at sa bansa.
Sa panahon natin ngayon, unti-unting nababawasan ang suportang nanggagaling sa “youth sector” para maisulong ang konsepto ng aktibismo at pagbabago. Sa aking palagay, humantong tayo sa ganito, sa kadahilanang nawawalan na ng kakayahan kaming mga kabataan na makinig at magsuri sa tunay na nangyayari sa aming paligid. Malaki ang maiitulong ng sektor ng kabataan dahil kami ang magpapatuloy sa mga nasimulang pakikibaka.
Lahat ay dumadating sa pagtatapos. Dadating na ang final night sa bahay ni kuya, maghihiwalay na ang mga housemates at magbabalik sa kanilang mga sariling pakikibaka, maghahanap na muli si KUYA ng panibagong housemates na handang tanggapin ang panibagong pagsubok na yayanig sa kanilang prinsipyong ipinaglalaban at kahit walang isang milyong pisong premyo, mayroon namang bagong samahan na nabuo at prinsipyong ipinaglaban ng tapat.
P.S. Sana nga lang magkaroon na ng IDIOT’S GUIDE TO ACTIVISM.
Si Karel Tabora, edad 18, ay walang anumang karanasan sa aktibismo bago pumasok sa Activist School. Kilalang aktibista ang kanyang mga magulang na sila Edwin at Leticia Tabora. Mga magulang na iginigiya ang anak sa aktibismo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment