Thursday, May 25, 2006

Sa Likod ng Antok at Usok

Sa Likod ng Antok at Usok....
Cherry-Anne Matriz

Inaantok na ko. Kaso deadline na ng submission ng article ko bukas. At ngayon ko lang uumpisahan to. Hindi sa tinatamad. Ang pagsusulat kasi para sakin ay nangangailangan ng motibasyon, at ang motibong pwersang panulak ay ang nararamdaman.

Times-up na sa yosi. Tama na ang nikotina. Satisfied na ko sa usok. Maraming nagtatanong sakin bakit daw ako nagyoyosi. Simple lang, meron kasi tayong tinatawag na sikolohiya ng hithit-buga. Pero kung maraming nagtatanong sakin tungkol sa bagay na yan, mas maraming nagtatanong sakin kung bakit ako tibak. Badtrip ang tanong sa totoo lang. Para kasi akong tinanong ng “bakit ganyan ang pagkatao mo?” Ewan ko. Ganun kasi ang dating sakin. Pero sa kabila ng pagka-badtrip, seryoso ko pa rin naman siyang sinasagot, “Wala lang, trip ko lang.” Seryoso no?

Inatasan akong gumawa ng article tungkol sa perspective ko bilang activist. Ummm.... Perspective? Mukhang hindi ata ganun kadaling isalin yun sa obra ng dahon. Bahala na. Sa umpisa pa lang naman ng artikulong 'to, nakapaglahad na agad ako ng perspektiba ko. 'Yun nga lang, kwestyun kung may kaugnayan ba 'to sa pagiging tibak. Anywayz, tibak pa rin naman akong nagsasalita. When you're an activist, you are always an activist.

Kailangan ko bang i-define kung ano ang aktibismo? E kung sino ang sa tingin kong tunay na aktibista, kailangan ko bang ilagay dito?... Ayoko. Hindi lang dun umiinog ang usapin 'pag sinabihan ka na maglahad ng perspektiba ukol sa aktibismo. Saan pa?... Ayoko ngang sabihin, mamatay ka sa curiosity.... Pero... naisip ko lang bigla, wala akong karapatang magsabi kung sino nga ba ang tunay na tibak.

Kapag sinabi mong tibak ka, lubog ka man sa isang kilusan o hindi, nagrarally ka man o hindi, kilala ka mang tibak o hindi, basta alam mo sa sarili mo at malinaw sa'yong tibak ka, walang pwedeng magsabi sa'yong isa kang mapagpanggap na tibak. Pero may nais akong bigyang-linaw, kung wala kang pinaglalaban (kahit anu pa yung bagay na yun), siguro kailangan nga nating kwestyunin ang sarili kung tibak nga ba talaga tayo.

May kakilala ako, si Thea. Nakilala ko dati nung umattend ako ng seminar ng dati kong org. Pangarap nyang maging journalist. Malamang, gusto nyang mag-college. Nung huling text namin, hindi na raw siya nag-aaral ngayon. Walang pantustos. (With matching sad face pa sa text.) Sabi ko naman, ayos lang, at least may pang-text siya. (With matching smiling face pa sa text.) Kaso.... Kasama ang kaibigan ko sa 14.8 million na mga kabataang hindi nabigyan ng pagkakataong makapag-aral, hindi nabigyan ng pagkakataong landasin ang pangarap.

Yung uncle ko, regular na trabahador sa isang kumpanya ng softdrinks dito sa bansa. Dati yun. Kelan lang, tinanggal siya sa trabaho. Muntik daw siyang naglabas ng dalawang case ng softdrinks nang walang permiso't bayad. In short, attempted theft ang kaso. (Hindi ako sigurado sa ginamit kong term ng kaso, basta yun yung idea. Defensive?) Pero totoo man yun o hindi, dapat nilitis muna siya bago siya tinanggal. Dalawampung taon na siyang nasa serbisyo, tapos ganun-ganun lang siya tatanggalin? Si Gloria andami ng kaso, hanggang ngayon, hindi pa rin siya matanggal-tanggal.

Nakapanood ako ng docu. Nagmobilisa yung mga magsasaka ng Hacienda Luisita. Hindi sila nagmobilisa dahil trip lang nila. May panawagan sila. Karapatan. Makatarungang pasahod, makatarungang pakikitungo, makatarungang buhay. Sa paglamon ng dilim sa buong lugar, nilamon din sila ng mga balang mula sa mga baril ng mga militar habang mayabang na nakasakay sa tila dragong chopper sa taas.

Habang tumatakbo, unti-unting nagbabagsakan ang mga magsasaka kasama ang kanilang anak at asawa. Hindi dito usapin kung may nakaligtas man at kung ilegal man ang ginawa nilang pagmomobilisa. Tao yung mga yun. Anupa man ang sabihin ng mga Cojuanco, malinaw na krimen ang ginawa nila. Hindi na nga nila binigay ang hinihingi ng mga maralitang magsasaka, pinatay pa sila.

Dati, nung hayskul ako at hindi pa ko tibak, ang konsepto ko ng pagiging tibak ay pagrarally at pagiging subersibo. Ngayon, ganun pa rin. (Biro lang..!) ...Aktibista. Mga taong nasa aktibismo. Nag-aaral. Nagsusuri. Nagkikritik. Kumikilos. Nagnanais ng pgbabago. Nakikibaka.

Triangle at struggle. Pag-ibig at pakikibaka. Isa ako sa mga tinaguriang makabagong tibak.Wala akong balak ilagay sa artikulong to kung ano nga ba ang dapat taglayin ng isang makabagong tibak ayon sa sarili kong perspektiba. Pero may isa pa kong nais bigyan ng puwang. Ang tibak ay hindi lang nasa lansangan o kanayunan o sa bayan ang struggle.

Ang bawat tibak, habang patuloy ang pagnanavigate sa landas ng pakikibaka, paulit-ulit rin yang sinusugatan at tinutulak, paulit-ulit rin yang tumatayo at naninindigan. May mga umuurong at bumabalik sa safety zone. Piniling piringan ang sariling mga mata, takpan ang mga tainga at busalan ang sariling bibig. Sa kabila ng mga nagkalat na dugo sa paligid, ng mga iyak, hikbi at sigaw ng mga masang api habang nasa dunong ng pagpapakasasa sa yaman ang iilang mga taong nasa tuktok ng tatsulok, may mga tibak pa ring umuurong at sumusuko sa laban. Ang hinahangad ko lang na maipahiwatig dito, para sa mga bagong tibak, hanggang saan at hanggang kailan natin kayang panindigan ang esensya ng pagiging tibak natin? Hangga't hindi nakakamit ang tunay na kalayaang minimithi, wala sanang lilihis, wala sanang susuko, wala sanang bibitaw....

Wag daw lalagpas sa isa't kalahating pahina ng papel ang artikulo ko sabi ng ed-chip namin. Hindi ko man nasabi ang perspektiba ko ukol sa ano nga ba ang dapat taglayin ng isang makabagong tibak, tama na sakin ang makapaglahad ng damdamin ko bilang isa sa mga makabagong tibak. Naging magulo man o hindi ang ideyang ipinasok ko sa magasing ito, tama na sakin ang mabigyan ng pagkakataong huminga ang isang makabagong tibak na tulad ko sa magasing ito.

Hindi na ko inaantok. Hinhanap ko na rin uli ang nikotina't usok. Paalam na sa magasin. Salamat sa pagbabasa at pag-intindi.


Si Cherry-Anne Matriz ay 18 taung gulang at kasalukuyang nag-aaral sa Philippine Normal College, Manila. Siya ay kasalukuyang kalahok sa Activist School. Kabilang siya sa grupong MASP, isang militanteng organisasyon kabilang sa Bisig-Youth.

-------------------------------------------------
Ang PUNLAYAN ay isang newsletter ng Antipolo Batch - Activist School. May dalawang isyu, ang una: "Huling Pagtuklas at Pagninilay," May 18 '06 at ang pangalawang isyu, May 26, '06 AS batch graduation day.

No comments: