Monday, July 22, 2013

Micro-management sa ika-apat na SONA ni PNOY



Kakaiba ang SONA ni Noynoy Aquino kahapon.   Maditalye, mahaba't nagmamadali at parang gusto na niyang tapusin agad ang nakakaburyong na aktibidad.  

Tumagal ng halos dalawang oras at tulad ng inaasahan, mayorya ng kanyang mga kabalahibo sa kongreso, si Belmonte, si VP Binay at ruling elite, nakangisi at kumbinsido. (Photo: Ed cartoon, tribune.net.ph) 

Tagalog ang ginamit na medium at mukhang naka-adres sa pangkaraniwang Pilipino ang SONA at hindi sa lehislatura. Sa temang “para sa mamamayan ang SONA,  para sa atin ang SONA,”  ibinida ang accomplishment report sa kahalintulad na istilo ng dating kinamuhiang presidenteng si Gloria Arroyo.  Ginamitan ng power point na naglaman ng iba't-ibang mga kaso ng katiwalian at matatagumpay na karanasan ng mga individual na tao.  

Ibinida ang pag-unlad na nairehistro sa unang kwarto ng taon (pinakamataas sa Asia) at kaluwagang ibigay ng pandaigdigang financial institution sa pagpapautang,  inamin hindi ito ramdam ng maraming komunidad at ang trahedya,  para lamang ito (exclusive) sa mga dambuhala't  makapangyarihan.

Imbis na ilahad ang pangkalahatang larawan, estado poder at solusyon sa mga maiinit na isyung sumambulat kamakailan, pangangastigo sa ilang piling palpak na pamunuan ng mga ahensya ipinokus ang SONA. Marami ang naaliw at marami ang nanghinayang na sa magpahanggang ngayon ay wala pa ring linaw kung saan patungo ang ating gubyerno, sa kahalagahan ng pagpapatibay ng mga patakarang magsisilbing gabay sa pagpupursigi ng "daang matuwid," paulit-ulit na panawagang reporma at pagbabago sa gubyerno.

Bagamat nabanggit ang "social transformation," hindi malinaw kung ito’y naka-tuon sa pagbabagong hangad ng bawat indibidwal para sa daang matuwid at kontra katiwalian  o  ito'y nakatuon sa pagbabago ng bulok na sistema ng pulitika at halalan na siyang ugat, ang punu't dulo ng kurakot sa burukrasya?

Mula sa kontrobersyal na pamumudmod ng inutang na pera ang Conditional Cash Transfer  (pangatlo sa buong mundo bilang pinakamalaking CCT-doleout),  ang lumalalang katiwalian at kriminalidad,  ang kamandag ng political patronage, mga kakulangan sa edukasyon, inprastraktura at tanggulang pangseguridad.

Maaring totoo ang ilang pagbabago sa administrasyon ni Noynoy Aquino sa loob ng tatlong taong panunungkulan,  subalit marami ang nainiwala na hindi ito sasapat at sustainable.   Mukhang magpapatuloy ang "sick man of Asia" at pagiging kulelat sa South East Asia-6 bunsod ng mga suliranin sa burukrasya, sa loob at panlabas na salik sa daigdig at politika.

Inaasahang patuloy na lalaki ang agwat ng sobrang mahirap at sobrang karanyaan, un-employment, kriminalidad,  naghihingalong mga demokratikong institusyon, pamamayagpag ng political clan,  dinastiya-pork barrel at pangungurakot,  karapatang pantao, marginalization at exclusion sa lipunang Pilipino.

Kung baga, ano ang patakarang (policy direction) mayroon ang administrasyon ni Noynoy Aquino sa kanyang napaka-rupok at mapanganib na tatahakin sa nalalabing mga taon ng kanyang termino? Ito rin ang mga kahalintulad na inaasahang panawagan ng kanyang mga “ahensya sa baba lalo na sa usaping kontra-karalitaan (anti-poverty) at community development.

Sa kawalan ng kongkretong pagbabago at direksyon,  tulad ng isang tradisyunal na pulitiko,  may katwiran na mag-micro management si Pnoy.   Ang tanong ng marami, ano ang bago sa SONA?

1 comment:

Anonymous said...

EVEN WITHOUT VISION and FRAMING, QUESTIONABLE EXCLUSIVE GROWTH, FAILURE PPP program, still Sen Nancy Binay is satisfied with PNOY SONA..