Mahusay sa kalokohan itong Sigaw ng Bayan Movement. Parang kidlat na tinapos ang mahigit sampung milyong (10.0 milyon) “pirma” para sa Pipol Inisyatib (PI). Kaya lang mukhang mauuwi ito sa kangkungang, ultimo si Atty Macalintal na abogado na ng Palasyo ang nagsasabi ngayong isang "iligal ang PI" at "maliwanag na nilabag nito ang Referendum Act ng RA 6735.
Mula sa pinuno ng Liga ng Barangay hanggang sa mga “legal expert” ng bansa ang nagsasabing walang batas (no enabling law) na sumasakop sa initiative ni Gloria (PIG). Ayon sa kanila, isa itong void, invalid at palsipikado. Nakabitin sa SC (proper forum?) ang kahihinatnan ng Pipol Inisyatib ni Gloria (PIG). Tulad din sa maraming pagco-contest ng batas, ang burden ng proof kung unconstitutional o constitutitional ang PIG ay wala sa nagsusulong nito't wala sa Malakanyang.
Hindi na tayo magpapaliguy-lighoy pa! Ang sama-samang pagkilos ng PIPOL ang siyang tunay na maghuhusga nito. Pinatunayan ng ating kasaysayan na ang kalsasda't pipol power at "direktang demokrasya" sa baba, hindi ang Korte Suprema (SC) ang siyang magpapasya kung iligal o ligal ang PIG.
Sino ang sumiSigaw ng Bayan? Una, sa pangalan palang maiintriga kana. Ang unang kikintal sa utak mo'y parang Kaliwa ang balagbag, parang Kilusang mapagpalaya ang dating, makabayan, maka-masa at patriotiko. Isang COALITION na binubuo daw ng mahigit isang daan (100) non-government organization (NGO) ang “Sigaw ng Bayan Movement”.
Ang husay mangopya, parang NGO-civil society ang packaging at imahe. Sounds familiar, kung si Marcos ay may Kilusang Bagong Lipunan (KBL) na tumugis sa mga kalaban niya sa pulitika noong 1970s, Sigaw ng Bayan Movement naman ang bersyon at pakulo ni Ate Glo, Atty Lambino, Kalihim Puno at ULAP.
Kung tunay na “adbokasiya” ng Sigaw ng Bayan Movement ang people empowerment, ipakita nila ng pruweba na hindi sila impostor. Sino ang mastermind ng grupong ito? Mga operador ni Ate Glo noong 2004 election ang bumubuo nito. Mga corporate elite na gaya ni Donald Dee, Ortiz Ruiz , Francis Chua at Valera ng Phil Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Philippine-Chinese Chamber of Commerse at Employer's Confederation of the Phil (ECOP), mga dating cadre, mersenaryo't panggitnang pwersa ng National Democratic movement.
Marami sa kanila ay mga dating kasamahan at recycled communist na nagsasabing “hanap buhay lang ito” at babalik rin sa democratic movement kung makakatiempo. Ang ilan sa kanila mga dating nagpapatakbo ng makinarya ni FPJ for President, Sen . Loren Legarda at Ping Lacson, Pres Erap Estrada, mga kasalukuyang Gobernador-Mayor, Ed Pamintuan at mga alyado' patron ni Kalihim Puno ng DILG.
Pangalawa; Ang kengkoy rito ay parang social movement ang isinisigaw na islogan. Parang alternative ang inilalako sa PIPOL. Out of the blue, sila pa ngayon ang nagsusulong ng demokratikong adhikain ng masang Pinoy at ang lahat ng babangga rito ay lalabas na anti-demokratiko! Ang nakakabahala dito, binibigyan daw nito ng pagkakataong makilahok at magka-boses ang mamamayan! “WOW MALI, bode-bodegang kasinungalingan!
Pangatlo; Sila pa ngayon ang nagmamagaling na may hawak ng pormula't solusyon sa krisis pampulitika ng bansa. Sila pa ngayon ang may karapatang manawagan ng “constitutional reform at magbandila ng demokrasya”. Nagawa pang magpasaring,“na kaya raw napag-iwanan in terms of economy sa Asia ang Pilipinas ay may executive at legislative gridlock da sa politika,” na dapat buwagin ang Senado, magkaroon na ng Unicameral tungo sa sistemang Parliamentaryo . Lalabas na bayani, tagapagligtas ng sansinukob at tgapagpagmalasakit ang Sigaw ng Bayan Movement.
Pang-apat; Mas may kredibilidad daw sila kung ikukumpara sa mga destabilizer at pulitiko. “Malinis daw ang kanilang konsyensya, let's move on na”, wala raw halong pamumulitika, hindi raw sila binayaran at wala raw silang kinalaman sa mersenaryo't operdor na Kalihim Puno ng DILG. Nagpa-awa effect pa't gusto pang palabasing sila ang kinakawawa, sila ang dinidihado, sila ang inaapi, sinasaktan at “hina-harrash" ng mga organisadong mamamayang ayaw ng pagbabago.
Panghuli; ”Totoong ngang mahuhusay” ang mga taong nasa likod nito. Isipin mong mapabilib mo, makumbinsi mo, mapasang-ayon mo ang isang Ale sa bahay palasyo at bahay Tongreso. Ang resulta tuloy, mukhang plotfooted at maa-outsmart na naman ang mga Oposisyon at mga kalaban nito sa pulitika. Ilang araw matapos makuha ng Sigaw ng Bayan ang mahigit walong milyong pirma (8.0 milyon) ay diniklara agad ni Ate Glo na “tuloy-tuloy na ang larga ng cha cha, larga na ang Train at ang humarang dito ay masasagasaan."
Pagwawaldas ng kaban yaman ang PIG. Mangangailang ito ng mahigit isang bilyon (P1.0 bilyon) piso para sa pagbeberipika ng mga pirma ng Comelec (assuming alive and kicking ang buwitre't buwaya), may karagdagang P2.6 bilyon pa ang kakailanganin sa plebisito. Hindi pa kasali dito ang mahigit dalawang bilyong piso (P2.0 bilyon) nawaldas ng palasyo sa prosesong pinagdaanan ng “signature campaign”.
Masasayang lamang ang kaban ng yaman kung titigukin at kung kakatayin ng Supreme Court ang PIG. Ang anim na bilyon pisong (P6.0 bilyon) mawawaldas ay katumbas sana ng tatlong malalaking Hospital at daan-daang duktor, 10 BLISS condo, isang Mass Railway Transit (MRT), libong magbubukid at mangingisda sa buong kapuluan ang maayudahan.
Tumama rin sa wakas ang professor ng constitutional law ng University of the East (UE) na si Lambino ng sabihin nitong, “Section 397 ng Local Government Code of 1991 na binibigyang mandato ang lahat ng local government units na magsagawa ng kani-kanilang barangay assemblies at least twice a year.” Exactly! Kaya lang, bokyang-bokya ito ng sabihin nitong “"pare-pareho tayong mga pipol".
Langit at lupa ang interest ng PIPOL at interest ng Malakanyang . Survival mode ni Ate Glo ang pakay ng People's Initiative, samantalang trabaho, kaginhawaan, pagkain, serbisyo, respeto't dangal ang interest ng Pipol. Diyos ang boses ng Pipol habang Halimaw naman ang boses ng pulitiko.
Sa totoo lang, ang mahalaga sa Pipol ay kung paano mag-survive sa pang-araw-araw na takbo ng buhay. Wala silang paki-alam kung mauwi sa parliamentaryo o sa kalakarang presidential ang sistema. Kung sa usapin ng pulitika, ang concerns lang nila ay kung paano makakaganti sa mga pulitiko sa paraang vote buying-pambubulsa, panggogoyo at kung paano kenkoyin ang mga kandidato sa tuwing may halalan.
Isang panlilinlang ang sabihing ito'y “inisyatiba ng PIPOL.” Isang libong beses na mas paniniwalaang INIS na ang PIPOL, INIS na iNIS na sa theivES (magnanakaw) ang Pipol. Huwag niyong pagkaperahan, gamitin at gaguhin ang PIPOL. Magkaiba ang Pipol sa pulitiko. Langit at impyerno ang diperensya ng representanteng pulitiko sa PIPOL.
Sabihin man nila na tunay na Pipol Initiatve, may suporta't agapay (bagamat isang iligal) ng Corporate super-Elite, Tongresman, Gobernador at Mayor, “so what – walang masama” sila naman daw ay PIPOL din at “representante-kinatawan” ng PIPOL! Maghunus dili kayo! Masyado kayong BRUTAL at garapal! Ang TOTOO, Binababoy n'yo ang PIPOL.
Sapagkat deka-dekadang buluk at mahina ang sistemang elektoral sa bansa, nakalikha ito ng sangkaterbang iligal na kinatawan at representante sa hanay ng mga PIPOL. Sa maraming taong pamamalagi ng COMELEC, libong “Garci-mafia” ang naitanim at naibaon sa Intramuros, probinsya't hanggang sa munisipyo. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit TRAPO-pamimili ng boto, MAKINARYA at hindi plataporma't track record ang siyang mapagpasya sa halalan.
Maniniwala lamang kami na hindi kayo alipores ni Ate Glo kung bababad kayo sa PIPOL at magsagawa ng grasis root organizing (GRO)! Subukan n'yong tumira't lumubug sa mga liblib na lugar ng kanayunan (katutubo, pesante't magbubukid) , kumunidad, urban poor -PAYATAS at sa mga pabrika. I-organisa't i-eduka n'yo ang PIPOL hanggang sa libu-libo niyong mapakilos ang PIPOL patungo sa ninanais n'yong pipol initiative at pipol power .
Una, hindi kayo pipol isang demonyo at anti-pipol ang pulitiko't corporate elite. Kayo ang nangggahasa sa pipol, kayo ang humuhuthut at nanghoholdap sa pipol dahil pinagkaitan n'yo ng gatas ang iyak ng iyak na mga sanggol . Dahil sa walang mapasukang trabaho, itinulak niyong mag-japayuki, magprosti-GRO at mag-adik ang PIPOL.
Kayo ang nagtulak sa pipol upang gumawa ng krimen (kawalan ng trabaho). Kayo ang pumatay sa libu-libong PIPOL na itinulak n'yong manirahan sa vulnerableng lokasyon; sa tabing estero, ilalim ng tulay, tabing bundok -ilog, gilid ng bulkan at barong-barong na kalagayan. Kayo ang pumatay ng libu-libung pipol dahil sa malnutrisyon at karalitaan. Dahil sa patuluy na patakarang OFW, kayo ang dahilan kung bakit nagkawatak-watak ang isang pamilya ng pipol.
Pangalawa; Kinumando't inisyatiba ni Ate Glo sampu ng kanyang mga galamay sa bahay palasyo at corporate elite ang PIG. Sapagkat ito'y iwas pusoy sa selda't bilangguang maghihintay sa kanya, “reresolbahin nito ang isyu ng linlangan, ang isyu ng katiwalian, ang isyu ng uncertainty at ang isyu ng legitimacy. Kung kaya't ang pangunahing makikinabang sa PIG, cha cha ay ang ilegal na nag-ookupa sa Malakanyang.
Pangatlo; Mga botong galing sa KBL (Kasal Binyag at Libing) lamang kayo. Hinostage n'yo ang Pipol at Comelec. Tuwing may halalan, ginagamit at sinupalpalan n'yo ng bigas-sardinas-noodles ang pipol. Sino ngayon ang maniniwala sa pinangangalandakan n'yong representative democracy? Mga predator, pekeng kinatawan-representante kayo ng PIPOL. Pinagmalupitan at binusalan n'yo ang PIPOL. Kailanma'y hindi nakalasap ng tunay na tunay na demokrasya ang PIPOL.
Sino ang sumiSigaw ng Bayan Movement? May naniniwala pa ba sa elitist at representative democracy? Hindi marandaman ng country ang gubyerno at kailanma'y hindi nakalasap ng tunay na SIGAW at demokrsya ang PIPOL!!!
-Doy Cinco / IPD staff
April 6, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Maayo kaayo imong diskurso. Padayon kaibigan!
Post a Comment