Internationally, sinasabing isa raw ang Pilipinas sa pinakamayaman at pinakamaraming mapaghahalawang karanasan pag-usaping daw ng Pamumuno, Organisasyon, Komunidad, social at political movement, mga case studies na nakapatungkol sa civil societies. Mukhang totoo, kasi ba naman, mula pa nuong panahon ng Kolonyalistang Kastila, panahong inukupa tayo ng mga makapangyihang bansang Amerika, hanggang sa panahon ng papet na republika, ng diktadurang Marcos, Cory Aquino at Macapagal Arroyo.
Sinsabing “highly organized na ang lipunang Pilipino,” ang daming iba't-ibang uri organisasyon ang nakatayo. Sa ating mga pamayanan o kuminidad, sa mga paaralan, sa hanay ng kabataang estudyante, ang daming nakatayong organisasyon. Mga organisasyong may iba't-ibang layunin at interest, may naitayo sa hanay ng panggitnang-uri, Rotary, Kiwanis, Lion's Club, sa hanay ng Simbahan, sa hanay ng Katoliko, ang Couples for Christ at iba pa, mula sa hindi mabilang na relihiyon-sekta, El Shadaii, Protestante, Iglesia ni Kristo (INK) hanggang sa hanay ng mga panatiko't parang KULTO. Sa hanay ng manggagawa, magsasaka at maski sa loob ng military, ang daming mga groupings at organisasyon. Maski sa hanay ng Kaliwa o sa Kanang grupo, ang daming factions, ang daming organisasyon.
Pero ang tanong, sa kabila ng pagiging organisado, may ipinagmamalaking Edsa 1 pipol power revolution, Edsa 2 at 3, bakit MAHIRAP pa rin tayo, bakit hindi matapos-tapos at patong-patong ang krisis na kinakaharap ng bansang Pilipinas? Bakit sa KURAKOT, top ten tayo sa mundo? Bakit, kulelat tayo sa Asia, bakit may pila sa bigas, bakit ang daming walang trabaho at bakit patuloy na nailulukluk sa poder ang mga tiwali, magnanakaw, kurakot at mapagsamantala? (Larawan sa kaliwa; competence-management.com)
Ang isang tagumpay ng organisasyon (NGOs, ahensya o isang gubyerno) ay kadalasa'y binabase sa husay at tatag ng isang LIDER, PAMUNUAN, direksyon at paniniwala. Sa madali't sabi, kung baga sa isang pamilya, ang tagumpay ng mga anak ay normally, ini-equate sa husay at galing ng isang magulang. Kaya lang, babalik tayo sa ilang mga katanungan. Gaano ba kahusay o ideal ang isang pamunuan, paano ba lumilitaw, dinidevelop o hinuhubog ang isang mahusay na lider? Tanggapin natin o sa hindi, sa ngayon, kundi man kulang, bilang sa daliri ang mahuhusay na lider, kung ikukumpara sa daming naglipanang mga buguk na lider ng mga organisasyon.
Sa “makalumang kaugalian o ang old school” na paniniwala, ang lider daw ay isinisilang, sadyang itinatadhana raw ang pagiging lider at patunay raw ito nuong panahon ng mga KAHARIAN o monarkiya. Ang sabi naman ng mga grupong na sa panig ng makabagong pananaw, ang isang lider ay "maaring idevelop, inililikha o produkto ng mga sitwasyon o ng kalagayan ng kanyang ginagalawan." Dagdag na nakakatulong o salik sa katatagan ng pamumuno ay kung malinaw itong direksyon, may misyon, pangarap (vision) at may taglay na layunin para sa tao o pagbabago. Ito man ay may kababawan, malalim o banayad na prinsipyong tangan.
Sa kabilang banda, sinasabing karugtong din ito ng KAPANGYARIHAN, ang "kayamanan at pagiging prestiho ng isang PINUNO." Kaya lang, kadalasa'y dahil sa kapangyarihan at pang-aabuso, maraming pinuno ang napapariwara, nalalaos at nilalamon ng kabulukan. Kung mayroon tayong kinamuhian at bad trip na lider o pamunuan, totoong marami rin tayong tinitingala, modelo o hinahangaang mga lider, ito ma'y sa NGO community, organisasyon, partido, isang bansa hanggang sa pandaigdigan.
Dahil sa konteksto, mas ang nangibabaw na criteria o persepsyon ng mga tao nung panahon ng 18th century haggang sa pagpasok ng (siglo) 20th century, ang pag-iidulo ng mga mahuhusay na lider tulad nila Rizal, Bonifacio, Sakay, Mabini, Del Pilar, Aguinaldo at iba pa ay ang pagiging matapang, bukud pa sa pagiging visionary at maraming alam. Kaya lang, bilang lider, muli kang magtatanong kung totoo nga bang nakapamuno si Rizal at iba pang mga bayani, sa panawagan ng pagbabago? Alanganin diba? Walang dudang may inambag sila, kung ano man 'yon, ang sigurado, malaki ang kanilang naging inpluwensya sa rebolusyon. Impluwensya at hindi pamumuno o ang pagiging lider.
Ang Kalidad at tipo ng Pamumuno
Mas nakaka-alangan kung (awtokratiko) pormal na pormal ang isang lider o ng isang pamunuan sa pagpapatakbo ng isang organisasyon. Dahil sa totoo lang, ano mang seryoso sa pagiging lider, sabihin nating tumatalima sa mga procedural, alituntuning ng mga batas na sinusunod, structured ang paraan ng pamumuno, KUNG WALANG INTERPERSONAL, kung hindi pala-kaibigan o walang pakikisama (kulturang Pinoy ika nga) at walang sense of humor na istilo't pamamaraan ng pamumuno, tiyakang mahihirapan at babagsak pa rin sa kangkungan. Iba pang usapin kung ito'y tumutungo sa pagiging "awtoritaryan, demokratiko o liberal na pamumuno. Mas kailangan sigurong bala-balansihin ang mga pangyayari."
Alam nating mahirap maggubyerno at magpatakbo ng isang bansa o isang ahensya, walang dudang mahirap ding mamuno ng isang organisasyon o ng isang Non Governmental Organizations (NGOs). Kung hirap kang mai-inspired ang mga kasapian, kung hirap kang makapagbigay ng tamang direksyon, ideya at pamamaraan tungo sa inaasahan (tungo sa pagbabalangkas ng istratehiya at taktika) ng iyong pinamumunuan, kung hirap o wala kang mai-provide ng mga bagong mga innovation sa pamumuno, inisyatiba at maayos na paraan ng pagpapakilos (delagating), malalagay sa alanganing sitwasyon ang isang pamunuan. Ang problema't pinakamatindi ay kung may kahinaan sa gawaing pagkukumpuni, maayos na pagpapadaloy at pagme-mediate ng mga tunggalian o mamagitan ng mga gusot sa loob ng organisasyon at kasangkot ka pa o subject ng kaguluhan ng isang organisasyon.
Sa loob ng isang organisasyon, civil society, partido o isang NGO (community), magkakaiba-iba o tipo't klase ng pamumuno ang nag-eexist, mas vertical, pyramid at pinaiiral ang istruktura (Consti and by-laws, organizational structure) mas nananaig ang pormal kaysa sa impormal na pamumuno. Kaya lang sa totoo lang, madalas mas epektibo, mas marami ang napagkakasunduan sa inpormal na sistema kaysa sa mga pormal at seryosong sistema ng pamumuno.
Bukud sa kaluluwa, kahalagahan ng direksyon at patunguhan ng isang organisasyon, napakahalaga't hindi maisasa-isang tabi ang prinsipyong taglay ng isang pamunuan. Kung ito'y tumatalima sa demokratisasyon, gumagamit ng demokratikong pamamaraan, kung ito ba'y interest at naipapa-abot sa nakararaming kasapian at naipo-proseso ang lahat ng mga desisyon patungkol sa organizational matter at pamunuan?
Makakatulong ang pluralistang sistema ng pamumuno. Meaning, huwag "imposing at ikaw na lang palagi ang tama." Ito ang kalawang na kadalasan ay isa sa mga dahilan kung bakit sumasabog ang isang organisasyon. Bagamat sinasabing marami kang alam, may sarili kang paniniwala't diskarte (mag-unlearned ka), huwag na huwag tawaran ang pananaw at katwiran ng iba. Kung baga, pagpapakumbaba at irespeto mo ang opinyon ng iba, magbigay galang at makinig sa ibang kuro-kuro. Paano kikilalain at ire-recognized at paano ito ipagsasalubong o “pagkakaisahin sa gitna ng pagkakaiba-iba (diversity).” Ang pagiging "mapanglahok (pagiging participatory) ay lubhang npakahalagang istilo ng pamumuno. Sa ganitong kalakaran, kahit paano may epektong nakaka-empowered ang dating at napapasigla ang takbo ng buong samahan."
Ang sabi ng iba, mahirap, komplikado't hindi simple ang mamuno o ang maging puno ng isang samahan. Bukud sa karanasan, mga nabasang aklat na nakapatungkol sa leadership (bookish), maraming mga bagay-bagay, salik na usapin para sa isang mahusay at mabuting pamumuno. Patungkol sa mga basic skills at knowledge na lubhang kailangan para sa pamumuno.
Sa kabuuan, ang sukatan sa isang matatag at epektibong pamumuno ay; una; kung masigla ang isang organisasyon, kung buhay, masaya at hindi naghihingalo ang isang organisasyon. Panglawa; kung napapaunlad nito ang paniniwalang tangan ng isang organisasyon, kung ang KALULUWA at PRINSIPYONG tangan nito ay sa pang-araw-araw na naisabu-buhay. At panghuli; naisisinsin, kung nabibigayang papel ang lahat ng kasapian at naisosolido ang buong organisasyon.
Ang KRISIS ng isang pamumuno ay bumabalik-balik at totoong hindi maiiwasan. Ang gusot at sigalot ng isang pamumuno ay pinagdaraanan ng maraming organisasyon o ng isang estado. Kung ito'y maiigpawan, tiyak na titining sa husay at galing, katatagan, may panibago at kakaibang antas ng pagkakaisa't direksyon ang matatamo ng isang organisasyon. Kung hindi mapanghahawakan, bukud sa nakakapanghinayan, tiyakang sasambulat ito at sasabog.
Sources: ilang bahagi ng talakayan sa isinagwang Training Seminar: “Pamumuno, Organisasyon at Kumunidad”
Doy Cinco
May 22, 2008
Related Story:
social cost of distrust of Leadership
http://www.ovc.blogspot.com/
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
ang ganda po ng pagkakaconstruct nakatulong po talaga sa research ko...thank you so much
Post a Comment