Ayon sa mga “malalalim magsuri,” “pulitika at kapangyarihan ang nangingibabaw na dahilan sa lumalalang away ng Angkang Lopez at angkang Macapagal Arroyo, dalawang malalaking pamilya't ELITE faction sa Pilipinas." Sinasabing ito'y pagpapatuloy lamang (unfinished business) sa naudlot na CLAN WAR ng mga Macapagal, Marcos at Lopez clan may tatlo-apat (3-4) na dekada na ang nakalipas (1960s). Meaning, resulta raw ito ng "lumalalang tunggalian ng mga dorobo at ng mga dambuhala” at hindi maiwasang madamay o ma-aanggihan ng dugo ang sambayanang Pilipino. (Larawan sa itaas: Oscar M. Lopez www.fphc.com and Macapagal-Arroyo encarta.msn.com)
Sa totoo lang, bukud sa nakatiempo ang Malakanyang sa pagkastigo sa Meralco. wala itong kinalaman o kaugnayan sa kung paano mareresolba ang krisis na tinatamasa ng mamamayang Pilipino, ang abot hanggang langit na taas na singil sa kuryente at sinasabing magna cum laude (2nd place sa Japan, isa sa pinakamayamang bansa sa mundo) sa pinakamataas na presyo sa Asia. Parang sinasabi na ang “labanan ito ay maihahalintulad lamang sa labanan ng dalawang halimaw, mga nag-aagawang buwitre at tigre sa kapirasong laman ng payat na usa at kung sino man ang magwawagi sa dalawa, siya ang may karapatang sumagpang sa naghihingalo at nanlulumong mamamayang Pilipino.”
Ang tunay na dahilan kung bakit araw-araw nahoholdap sa pamamagitan ng mataas na singil sa kuryente ang mamamayan ay dahil sa bangkaroteng patakaran, gatasang baka, ang katiwaliang (Napocor, Transco at ERC) sa gubyerno at political survival ng administrasyong Arroyo.
Una, ang batas na Electric Power Industry Reform Act of 2001 o ang EPIRA na pinairal ng Malakanayang may pitong taon na ang nakalilipas ay sa totoo lang ay dinisenyo upang magsilbing palaBIGASANG (pamumudmud) ng mga Arroyo, mga kaalyado sa pulitika (Tongresman at Senado), mga padrino't pambayad sa mga pagkakautang pampulitika ng administrasyong Arroyo. Tanda pa natin ang pamumudmud ng suhol sa Tongreso, ang kalahating milyung (P500,000.00) pisong exposay ni Con Etta Rosales ng Akbayan at Rene Magtubo ng Partido ng Manggagawa.
Pangalawa, bukud sa planado, “proxy war” at nakatago sa likud ang mga salarin, pulitika at maagang paghahanda sa nalalapit na 2010 presidential election ang isa sa motibo, trajectoryng labanan. Upang hindi na makaporma, layon ni GMA na unahan ng banatan ang mga Lopezes, lalong-lalo na ang pasaway, ang kritikal at numero unong Abs-Cbn network na napaka-estrehiko sa propaganda war sa 2010 at beyond. (Larawan: Administration senador Miriam Santiago)
Gamit ang mga galamay at attack dog ng palasyo, ang tutang si Winston Garcia ng GSIS at ang oportunistang si Sen Brenda Miriam Santiago, papasabugin at pipilayan o kundi man ma-ineutralisa ang mga Lopez, magkaroon ng political instability, mawala ang sagabal sa napipintong pagkakasa kung saka-sakali ng panibagong pagsusulong ng Cha Cha o ang pagbabago ng anyo ng paggugubyerno, siguraduhing maimimintina ang kapangyarihan bago at matapos ang nalalapit na 2010 presidential election.
Hindi na bago ang away ng mga Lopez at Macapagal sa Pilipinas. Kung baga “unfinished business ito ng Angkang Macapagal Arroyo laban sa mga kampon ng mga Lopez.” Kung may pananagutan ang mga Lopez sa patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente, mas may bahid na dugo at krimen ang pagbabayaran ng administrasyong Macapagal Arroyo sa walong taong krisis ng paggugubyerno, political killings, pandarambong at pagbebenta ng kaluluwa ng mga Pilipino sa mga dayuhan. Sinasakyang lamang ng mga Arroyo ang popular na panawagang anti-oligarkiya, makabawi sa zero credibility at sunud-sunod na lagapak na resulta ng mga survey ng SWS at Pulse Asia.
Kahit labag at kontra agos na tupdin ang batas at prinsipyo ng neo-liberalismo at globalisasyon, ang pagsasapribado, ang patakarang decontrol at deregulasyon sa lahat ng pag-aari ng estado, balatkayo't gagawin nito ang lahat ng paraan, maproteksyunan lamang ang pansariling interest at kapangyarihan ng angkang Macapagal Arroyolaban sa mga Lopez.
Kung naatim na wasakin ni GMA ang mga demokratikong institusyon sa bansa, damage control ika nga, wala itong paki kung "pasasabugin" (Sen Santiago), titiris-tirisin at dudurugin nito ang emperyo ng mga Lopezes sa bansa.
Doy
May 10, 2008
Related Stories:
FDC lists expensive-power factors by Paul A. Isla
Business Mirror
http://www.abs-cbnnews.com/storypage.aspx?StoryId=117857
Slow EPIRA implementation cause of high electricity prices by LALA RIMANDO
abs-cbnNEWS.com/Newsbreak
http://www.abs-cbnnews.com/
Probe billion-peso Meralco deals--GSIS by TJ Burgonio, Ronnel Domingo
Philippine Daily Inquirer
http://newsinfo.inquirer.net/inquirerheadlines/nation/view/20080510-135779/Probe-billion-peso-Meralco-deals--GSIS
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Maraming isyu ang pinupukol sa mga Lopez subalit ang lahat ng mga ito ay pawang kasinulingan...
Ang lahat ng mga ito ay pakana lamang ng malakanyang para sa kanilang pansariling kapakanan.
Ang ginagawang pagtaas ng singil sa kuryente ay tama lamang...
Post a Comment