Friday, May 02, 2008

Pulitika sa North Triangle, Barangay San Roque

Dalawang araw na ang nakalilipas ng pumutok ang balitang “nabugbug sarado” ang isang kaibigan at aktibistang si Edwin Nacpil, isang lider maralita ng Barangay North Triangle-San Roque, QC. Ang balita, mga kaaway sa Barangay, kaaway sa pulitika't ibang grupo ang salarin. Ang insidente, ayon sa aking kakwentuhan, "on going ang aktibidad (dialogue?) sa barangay plaza at may hawak raw si Edwin ng mikropono ng inatake, nilusob at kinuyog ito ng mga kalalakihang nagmula raw sa Barangay.”

Kilala ko ang mga magulang at mga kapatid ni Edwin. Lumaki't dati kaming nakatira sa Barangay UP Campus at ang kanyang masipag at astig na Ama na kilalang“Boy Gabi,” sa dahilang may malawak itong taniman ng gabi, sagingan at kangkungan. Sapagkat matubig ang lugar (swamp), masukal at sari-sari ang mga nakatanim, naging lunsaran din ito ng TULIAN ng mga kabataan sa tuwing bakasyon. Sa ngayon, nasagasaan na ito ng Jacinto st., dinadaanan ng Ikot Jeep at tinayuan na ito ng Bliss, medium rise building para sa UP faculty at mga empleyado.

Ang tantya ng aking kakwentuhan, "mukhang personal at pulitika ang punu't dulo." Ang isang maaring dahilan ay ang paninindigan, ipinaglalaban at mga isinasagawang development projects ng organisasyong kinabibilangan ni Edwin sa barangay. Ang espekulasyon, sa malamang sa hindi, sa tindi ng selos o sabihin nating iggit ng Barangay Officials at ibang organisasyon kay Edwin, para sa kanila, panggugulo at pananabotahe ng grupo nila Edwin ang isa sa mga dahilan. "Mukhang balak hiyain at saktan si Edwin sa tao upang mawala na ang sagabal nito sa pang-araw-araw na takbo ng Barangay at matuloy na ang ina-asam-asam at nakaumang na multi-bilyung pisong QC - Central Business District na itatayo sa lugar.”

Ang lugar ng North Triangle hanggang golf course ng Veterans Hospital North Av. na may mahigit kumulang na 250 hektaryang nasasakupan ay matatagpuan sa harap ng Philippine Science High School sa bandang silangan, Edsa sa bandang kanluran at Quezon Av sa bandang timog, masyadong istratehiko ang lugar. May mahigit kumulang na walong libong pamilya (8,000 families) ang nakataya't naninirahan at napaliligiran ito ng dalawang malalaking Mall sa QC, ang Trinoma-Ayala, SM North Edsa at central station ng MRT 3.

Pinaniniwalaang malapit na itong ma-demolish at diumano'y nabili na raw ito ng mga AYALA. Ang lugar ang siya ngayong mainit na usap-usapang, headline sa mga pahayagan, na hindi na raw mapipigilan na pagtayuan na ito ng isang multi-bilyong pisong Quezon City – Central Business District, ala Makati-Ayala CBD. Alinsunod daw Ito sa plano't patakaran ng National Housing authority (NHA) at ni Mayor Sonny Belmonte na iconvert ang lugar para sa isang high end multi-bilyong “commercial, industrial and real estate center ng QC.” (Photo: http://www.quezoncity.gov.ph/index.php?option=com_content&task=view&id=94&Itemid=1)

Naninindigan ang organisasyong kinabibilangan ni Edwin na patuloy na igiit ang isang “on site / mixed used high end/low end midium rise building (MRB) development sa lugar” para sa mahihirap ng North Triangle. Si Edwin ay kabilang sa grupong Kasama Filipina, isang progresibo at independent group na nagtataguyod ng hustisyang panlipunan, nag-aadvocate ng kasiguruhan sa paninirahan at matitirikang lupa para sa maralitang lunsod. Si Edwin ang responsable' t kasalukuyang pinuno ng isa sa mga malalaking organisasyon ng Maralitang Lunsod sa North Triangle, San Roque, ang SRCC. Tinangka ring pasukin ni Edwin ang mundo ng pulitika nung tumakbo't kumandidato ito bilang City Councilor at Barangay Captain noong nakaraang taon.

Si Edwin at ang SRCC ay matagal ng nanawagan ng “on site development / medium rise building, bilang sagot sa problema ng kasiguruhan sa paninirahan.” Isang makatarungang paraan daw ito upang hindi madislocate, mapariwara ang panlipunan at pang-ekonomiyang katatayuan ng mga tao sa lugar. Kung baga, ang kanilang katwiran, "hindi dapat madiskaril ang mamamayang naninirahan sa lugar, may continuity, win-win solution at partnership sa development." Sa katunayan, sa tulong at pagpa-facilitate ng mga NGOs at ibang kaalyado, naitayo ang isang kooperatiba, pinaplano't nakapagpakabit na sila ng linya ng tubig mula sa NWSS / Manila Water, bilang serbisyong bayan para sa mga kasapian ng organisasyon na patuloy na dumaranas ng walang patumanggang taas ng singil mula sa mga iligal, kabit system ng mga “sindikato ng tubig” sa lugar.

Kaya lang, bukud sa SRCC, may iba't-ibang pang malalaking grupo't organisasyong maralita (N3T) ang kumikilos at nag-oorganisa, hiwalay sa orbit at paninindigan ng SRCC sa lugar. Ang bagong panalong Kapitan ng Barangay, na mahigpit na katunggali ni Edwin sa pulitika at pinagsususpetsahang involved sa insidente ng pambubugbog ay tahasang "hindi rin sang-ayon sa pinaplanong on site development" ng grupo ni Edwin.

Ayon sa aking kakwentuhang, ang “on site / city relocation” na pinaninindigan ng kabilang grupo ng mga organisasyon na kung tawagin ay N3T ay naniniwalang “kapana-PANALO, may katotohanan at nasa tamang diskarte't taktika ang kanilang posisyon. Sapagkat, ayon sa kanilang pagsusuri at batay raw sa konteksto ng lugar, "isang bangungut at suntuk sa buwang maipapanalo nila Edwin ang isang medium rise building / on site development sa lugar.” Sa katunayan daw, “mukhang inu-unti-unti na silang gibain sa lugar.”

Sa aking pagtatantya, ang grupong N3T at bagong kauupong Barangay official sa San Roque ay "mukhang tanggap na ang kahihinatnan ng lugar, ang kakaharaping demolition ng lugar at panahon na lamang ang makapagsasabi. " Mukhang “handa na silang ma-irelocate, basta't nasa maayos na proseso't pasilidad ang paglilipatan at hindi gaanong malalayo sa kanilang tinitirikan sa kasalukuyan,” Meaning, “malapit at nasa loob din ng Lunsod ng Quezon City ang relocation site." Kung sa bagay, sa laki ng nasasakupang lupain, may mga ilang bakante pang mga lugar na maaring relocation site ang lunsod.

Ang hirap ng kalagayang hindi nagkaka-isa- isa ang kapwa maralita, "watak-watak ang kilusan," ang"daming faction sa hanay ng mga organisasyon ng Maralitang Lunsod." Nakakapagtaka, iisa lang naman ang direksyon at patutunguhan? Naniniwala pa rin ako na "hindi talaga uubra sa ngayon ang, kayo-kayo lang, kami-kami lang at sila-sila lamang.”

Sa kasalukuyan, ang balita, mukhang tensyunado ang lugar, nag-aabangan, nagtie-tiempuhan, nagpapalakas, nagkokonsolida, nakikipag-ugnayan at nagpaplano sa panibagong yugto ng labanan at komprontasyon ang mga grupo.

Doy / May 2, 2008

Comments:

Gud day po ginoong doy cinco,
Saan nyo po nakuha ang balitang "nabugbog-sarado" si edwin nacpil? di nyo po yata alam kung ano talaga ang ginagawa ni ginoong nacpil sa area?
Ang tunay na nangyari ay:
Ang nagpatawag ng inter-agency mtg na iyon ay ang N3T alliance, kabilang po doon ang Kapit-Kamay sa Bagong Pag-asa Association na chapter ng Akbayan. alam po ng Akbayan-QC Dist 1 Division ang inter-agency mtg na iyon at pinadalo pa ang mga ksapian ng chapter.
Ang nandoon na sa stage ay ang representante ng UPAO at NHA. wla pa ang MMDA, HUDCC at ang Barangay Capt.
Nag-uumpisa na ang programa ng dumating si Ncpil at sinasabihan ang mga tao na magsiuwi na dahil di daw nya alam ang pulong na iyon. natural na di nya alam iyon dahil di naman sya ksama sa N3T alliance. sa ganoong tagpo ay pinagpatuloy pa rin ng emcee ang pagsasalita. umakyat na sa stage si Nacpil at pilit na inagaw ang mikropono sa emcee at sinabihan ang mga tao na magsiuwi na. kinuha uli sa kanya ng emcee ang mik at dinampot naman ni nacpil ang mik stand at ambang hahambalusin ang emcee. inawat sya ng mga nasa paligid ng emcee, ayaw nya magpaawat kaya sinuntok sya ng isang muslim na nandoon sa stage (yun samahan nila ay kaanib sa N3T). yun ang tumama sa kanya, isang suntok at binuhat na sya ng mga kasama nya papunta sa ofc ng SRCC.

Nagpatuloy uli ang programa pero di na tumuloy ang rep ng HUDCC dahil namonitor nila na may nanggulo sa mtg.
Marami pa rin tao ang nagsidalo ddil hinihintay nila ang kasagutan ng mga ahensya kung ano ang kahihinatnan ng kanilang paninirahan sa san roque. mahigit sa 1,000 ang dumalo. pero si nacpil ay pinigilan na ng mga kasama nya na umakyat muli sa stage.

ps:
1) nakainom daw si ginoong nacpil ng mga oras na iyon. kayo po mismo ang makakaalam sa mga tao kapag andun kayo sa area.
Salamat po pla sa paglagay ng issue ng CBD sa egroup. nakatawag na po ito ng pansin at ang organizing mukhang nagsi-shift ang focus sa san roque.
2) alyado po ng akbayan-qc dist 1 division ang N3T dahil dun nakapaloob ang ating chapter. tayo rin po ang nagmungkahi na imbitahan ang bgy kapitan sa araw na iyon.
3) un pong pagkakilala nyo kay ginoong nacpil ay malayo sa pagkakilala ng mga residente sa lugar ng san roque. ilan nga ba ang naniniwala pa kay ginoong nacpil? di po ako ang sasagot nyan kundi ang mga masa sa san roque.
Ang balita ay nagkakaroon ng mga dagdag kung ito dumaan na sa maraming bibig kaya sabi nga ng isang reporter sa tv "dapat sa first hand source para totoo ang balita".
-- jimmyred

Salamat sa info / sa email na ipinadala mo. Pasensya na't 'di ko lubusang alam ang totoong nangyari at binase lamang sa naka-kwentuhan (re bugbog sarado). Kaya nga't hindi ako nagpaka-detalye sa nangyari, pangalawa; napaka-limitado na ang panahon at nagmamadali akong isulat agad yung insidente. Kaya nga't nilagyan ko ng NOTE sa baba yung pinost ko sa BLOG na mag-comments na lamang kung may ibang version, dahil 'di nga ako sigurado sa datos. Anyway, salamat, sana tulong-tulong tayo na mapakalma, dahan-dahang maisaayos at hanggang sa dulo, kagyat na maresolba ang kaso. Salamat ule. -doy