Kung ako kay Pacquiao, mag ka-campaign manager na lang siya sa General Santos City at huwag ng tumakbo't maki-alam sa pulitika. Kaya lng, mas sinusunod nito ang command na nanggagaling sa Malakanyang-PAGCOR kaysa sa kanyang Ina na nag-iinsist at nakiki-usap na huwag n'ya nang pasukin ang mundo ng pulitika. Dahil sa bandang huli, babaligtad, sisirain, iintrigahin lamang ang pagkatao niya, gagamitin lamang sa pulitika ang popularidad para sa kapakinabanagan ng isang taong naka-upo sa Malakanyang.
Una; Iba ang pulitika sa Pilipinas, malayo sa unang nitong kinahiligang pagboboxing. Sa pulitika, lalo na sa lehislatura, trabahong sesentro ito sa paggawa ng batas, pagdedebate sa plenaryo, entablado at hindi sa akala nitong trabahong administratibo.
Pangalawa, sa una, mukhang mali pa ang napasukan nitong partido, maiinbalido ang kanyang kandidtura sapagkat ang kinikilalang partidong Liberal ng Comelec na binasbasan na ng Supreme Court ay ang kampo ng LP-Drilon wing hindi ang iligal, ang impostor na partidong LP ni Atienza.
Pangatlo, alanganin ang lagay ng residential ni Pacquiao, maaring mateknical ng Comelec si Pacquiao sa dahilang may tatlong residential itong inirihistro. Kung matatandaan, nanumpa (under oath) si Pacquiao sa Mandaluyong, sa Gen San at sa Manila. Dapat niyang malaman na ang rekisitos ng isang kakandidato na tatakbo sa isang distrito ay mangangailangan ng isang taong (1 year) paninirahan sa lugar at alam ng marami na ito'y sa Maynila at hindi sa Gen San.
Pang-apat, babanggain nito ang isang pader na angkang may ilang dekada ng nag-eexist sa lugar. Si Cong Darlene Antonino Custodio, ang darling ng bayan, isang popular na pulitikong oposisyon sa Kongreso. Malalagay sa alanganin o sa kahiya-hiyang position si Pacquiao sa kung anong legislative agenda ang maaring lamanin ng kanyang plataporma at debate. Maliban sa mahihirapan itong ma-articulate ang maraming usaping pbayan, walang dudang mapapabayaan lamang nito ang pagmimintina sa pagiging "people's champ" nito sa pagboboxing.
Pang-lima, halatang pakawala ng administrasyon si Pacquiao. Maliban sa senatoriable race, pangunahing concerns ng Malakanyang ay ang Mababang Kapulungan kung saan ang planong paghahain ng impeachment ng kanyang kaaway sa pulitika ay nag-iipon ng sapat na bilang. Kung kaya't walang kaduda-dudang ginagamit at kinakaladkad ng palasyo si Pacquia, 'di lamang sa Gen San, maging sa ibang lugar, Makati, Manila kung saan mahigpitan ang labanan pulitikal. Buong bigat ng arsenal at resources ng palasyo ang itataya para kay Pacquiao, masawata lamang ang pinaplano ng oposisyong makapagpanalo ito ng 80 hanggang 100 kinatawan sa Kongreso.
Kung matatandaan, dalawang beses kinatay at inilibing ng administrasyon ang impeachment complaint ng oposisyon. Aktibong nag-organisa laban sa isinulong ng administrasyon ng Cha Cha at pagsasampa ng impeachment sa kongreso si Darlene kung kaya't ganun na lamang ang panggagalaite ng administrasyon. Lahat ng paraan ay gagawin ng palasyo mawala lamang sa eksena't sa poder si Darlene.
Maliwanag pa sa sikat ng araw na ang labanan sa General Santos ay labanan sa pagitan ni Ate Glo at ni Darlene Custodio. Laban din ito ng pagbabago't reporma at laban ng good governance versus sa survival ni Ate Glo hanggang 2010. Nagkataong lamang ang kawawang si Manny Pacquiao na walang kaalam-alam sa mga pangyayari ang isinusubo't ipinopronta ng Malakanyang laban kay Darlene.
Isang matinong mambabatas at oposisyon ang 24 na taung gulang na si Representative Darlene Antonino-Custodio. Susubukan niyang kunin muli ang ikalawang termino sa Kongreso. Pinalitan niya ang pwesto ng kanyang Ina na mahigit tatlong terminong humawak sa Unang Distrito ng South Cotobato. Isang political clan ang mga Custodio't Antonino sa lugar, Bukud sa maganda ang naging performance nito sa Kongreso, ang politikong angkang mga Antonio at Custodio ang babanggain, ang patataubin ng isang sikat lamang na boxingerong si Pacquiao.
Ang isang tanong para kay Pacquiao, maliban sa pagpapainum, pagpapautang at pambabalato't pamimigay ng pera sa tuwing umuuwi si Pacquiao sa Gen San, may matatag ba siyang electoral machinery, may clout ba siya sa mga ward leader, sa barangay captain hanggang kay Mayor Echeron ng Gen San o P100.0 milyong pondo sa kampanya na ipapantapat na maaring maipangsilat kay Darlene sa Mayo. Kung sa bagay, kung mairere-imburse naman nito ang gagastusin, why not, baka makatsamba?
Doy Cinco / IPD
Feb 13, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment