Monday, February 26, 2007

Rep. Mary Ann Susano, matutulad kay Chuck Mathay

Local Politics: Ikatlong bahagi

Tubong Caloocan si Rep Mary Ann Susano. Lumaki sa Novaliches, QC at nakilla bilang isa sa pinakamayamang negosyante sa QC. Nag-elementary siya sa Novaliches Elementary School at nagHighschool sa FEU noong 1964. Kalakasan ng aktibismo at kainitan ng First Quarter Storm (FQS) nung grumaduate siya sa kursong BS Fine Arts sa UST. Ang nakakapagtaka, hindi man lang narekrut o naambunan ni katiting na idealismo o pananaw na progresibong kaisipan si Annie.

Classic na example si Susano kung paano magkatuwang at nagtutulungan ang pampulitika't pang-ekonomyang kapangyarihan. Una siyang naging councilor, naka-isang termino bago siya umakyat at naging Kinatawan sa Kongreso sa 2nd District. Dahil malaki ang utang na loob nito sa kanyang pagkakapanalo kay Mayor Belmonte, pumanig ito sa administrasyon at nakapakat sa partidong Lakas-Nucd.


Ayon sa kanyang idiniklarang yaman, siya ang may-ari ng RL Susano Realty Corp: Nova, QC at Susano Corp: Nova, QC. May total asset itong P118,591,434.39. May Net worth na P98,552,149.87 at may personal na asset na (ang kanyag mga sasakyan), P25.0 milyon. Ang kanyang Real Properties ay nkakahalaga (House and Lot) na P84,478.00 million. Kaya lang, tulad ng modus operandi ng marami sa Kongreso, normally ang mga datos na ito ay walang dudang dinuktor pa. Ibig sabihin, malapit sa katotohanang may 20% lamang ito sa tunay na kabuuang pag-aari at yaman nito sa totoong buhay.

Nakilala sa Kongreso si Susano hindi sa husay sa pagdedebate't pag-aarteculate ng mga isyung pambayan, pangnasyunal, bagkus sa tindi ng mamahaling sasakyang Rolls Royce na gamit nito. Palibhasa, pera ng bayan ang ginagamit sa libong pisong gasolinang nakukunsumo nito sa araw-araw, ganun na lamang kung paano winawaldas at pagpapakitang siya'y hindi pipitsugin at isa sa pinakamayamang nilalang sa Kamaynilaan.

Typical na elite, pulitikong TRAPO si Susano. Dahil kapit tuko sa administrasyon, daan milyong pisong ganasya ng pork barrel mula sa administrasyon ang nakukulimbat ni Susano. Kabilang siya sa mahigit isang daang Kintawan sa Mababang kapulungan na kumatay at naglibing ng dalawang beses sa impeachment proceeding na isinalang ng “progressive bloc-opposition” sa Kongreso.

Sa akalang “papogi points,” sa harap ng milyong viewers ng ABS-CBN television, nakilala si Susano ng hayagan nitong inaming namigay, nanuhol ng P4.0 milyong piso sa hanay ng Simbahan katoliko. Umalingaw-ngaw sa buong mundo ang katagang, "hindi makakapiyok ang Simbahan kasi binigyan ko 'yan ng apat na milyon," Nangyari ito habang nasa kainitan ng debate ang Kongreso tungkol sa unpopular na isyu ng Cha Cha at People Initiatives. Ang pahayag na ito ni Susano ay nagboomerang sa kanyang katauhang namimili ng kaluluwa sa hanay ng mga anti-cha cha posisyon ng CBCP. Parang sinasabi ni Susano na “pera lang ang habol ng CBCP at wala itong karapatang makialam sa pulitika.”

Kung inaamin namimigay ito ng donasyon sa simbahan Katoliko, walang dudang sinusupalpalan din nito ng pera ang Iglesia ni Kristo (INK), ang mga maimpluwensyang sektor o grupo sa distrito at mga kilalang barangay opisyal na katunggali't gusto niyang ineutralisa. Para kay Susano, chicken at barya lamang ang P4.0 milyon kung ikukumpara sa daang milyong nakokolekta nitong pork barrel sa administrasyon.

Galante si Susano. Nuong nakaraang pasko, napabalitang namimigay ito ng refrigerator sa mga opisyal ng barangay, namimigay ng carpet at walong carton ng tikoy. Napabalita ring namigay ito ng ilang motorsiklo sa ilang barangay. Isa rin sa kanyang pamamaraan ay ang paglulunsad ng mga seminar (capacity building) sa ilang mga barangay secretary at inilulunsad ito sa lugar na malayo sa QC. Walang dudang bahagi na ito sa preparatory stage na makinaryang kanyang itinatayo para sa Mayo.

Kaya lang, kung totoong bumabaha ng pera't namimili ng kaluluwa si Susano, bakit hindi niya balikan ang mga barangay na naghihintay ng mga proyektong pangako mula pa nuong 2004 election sa kanya. Marami sa mga barangay ang umaasang tatapusin nito ang Congressional Av sa kanyang distrito, makapagpapatayo ng medium-rise housing project sa Payatas, Commonwealt at Batasan Hill area kung saan may daan-daang libong pamilya ang walang disenteng paninirahan at basic services.

Vice chair sa Committee on Appropriation at Higher Education sa Kongreso si Susano. Kaya naman madaling maunawaan kung bakit tulad ni Chuck Mathay purong horizontal project, meaning, “poso politics,” patubig at pagpapalit ng pangalan ng mga paaralan na kaakibat ng PORK BARREL ang kanyang achievementso track record sa Kongreso. Wala itong signipikanteng Bill o panukalang batas na inisponsor na may impak, epekto't kahulugan hindi lang sa mamamayang ng QC, maging sa buong bansa. Makitid, super parochial, constituencies oriented at istilong administrador-executive na pamamahala ang ipinagmalaki nitong achievements.

Kung ipagpapatuloy ni Susano ang klase ng “paglilingkod at constituency oriented” na gawain sa Kongreso, baka naliligaw siya ng landas at matulad kay Chuck Mathay. Dahil, sa totoo lang, trabaho't nag-ooverlap sila ng gawaing ehekutibo ng Lokal na Paggugubyerno sa katauhan ni Mayor Belmonte. Mungkahing maghangad na lang siya sa mayoralty position sa 2010.

Doy Cinco / IPD
Feb 26, 2007

1 comment:

Anonymous said...

Is this a credible information?
Maybe you're just being paid by other candidates to be one of her detractors.