Thursday, February 22, 2007

Wala na nga bang silbe ang Political Party sa Pilipinas?

Bago a ng lahat, kilalanin muna natin kung sino-sino ang mga Political Party, sino ang mga personalidad na nasa likod ng mga ito at sino ang mas may malaking impluwensya sa mga Political Party na ating binabanggit. Ang ilan dito ay ang KBL-Marcos, Lakas-NUCD- Ramos/ De Venecia, KAMPI-Ate Glo, Liberal Party-pakpak ni Drilon at Atienza, Nacioanlista Party-Manny Villar, Nationalist People's Coalition (NPC)-Danding Cojuanco, Liberal Democratic Party (LDP-Angara), PDP-Laban ni Pimentel at iba pa.

Sa takbo ng mga pangyayari ng pulitika sa bansa, maliit kundi man zero balance ang impluensiya ng Political Party sa Pilipinas. Bukud sa walang pinagkaiba ang mga ito, pare-parehong nabubuhay lamang ang mga ito sa tuwing may election, halos lahat ay walang malinaw na plataporma (agenda) de gubyerno't direksyon, walang malinaw na vision, mission goal at objectives. Para sa isang politiko, dahil "walang silbe, 'di nakakatulong at magugulo" ang political party, marami ang mas gusto pang tumakbo na lamang ng solo o maging Independiente.


Kung nasusundan natin ang takbo ng pulitika (6 months), political opportunism ang rule of the game, palipat-lipat ang partido at matindi ang bigat at timbang ng isang persolidad kaysa sa prinsipyo't ipinaglalabang panawagan ng isang partido. Ang dating oposisyon noon ay nasa administrasyon na ngayon (Tito Sotto, Oreta), ang dating mga magkaka-away ay bati-bati na ngayon.
Ano ang kadalasan na madalas banggiting mga kataga o retorika ng mga pulitiko;


1. Nanalangin ako, Itinakda ito ng puong maykapal, ang dios ang makapangyarihan at itinadhana ng diyos (Cesar Montano, Richard Gomez at halos lahat ng kinatawan ng oposisyon at administrasyon-lokal o nasyunal) ang aking pagtatalaga sa pulitika. Nabanggit ba ang Political Party?
2. Disisyon ito ng pamilya, kailangan magkaisa ang pamilya, Recto Clan, Cojuanco, Noynoy Aquino at halos lahat ng malalaking pampulitikang angkan sa bansa. Nabanggit ba ang papel ng Political Party?
3. Walang hiwalayan, tuloy ang laban, dapat kong sundin ang sigaw at request ng aking constituencies, ng aking mga kaibigan at pinagkakautangan ng loob. Isang matibay na halimbawa ay ang “Wednesday Group,” kung saan tinitimbang-timbang ang resources na makukuha sa magkabilang kampo. Mas mabigat ang timbangan kung malapit ito sa PODER, sa kapangyarihan, malapit sa kusina, nasa likod ang suporta ng naka-upo sa kpangyarihan, si Ate Glo). Ito ang karaniwang bukang bibig ng mga pulitiko sa tuwing nagbabalak tumakbo sa pulitika.

Binibigyan nila ito ng katwiran sa pamamagitan ng konseptong “utang na loob at usapang lalaki." Kung ating susuriin, perahan lamang ang labanan. Hinihintay ang papel at basbas ng isang personalidad, ng Law firm, ng kasosyo sa negosyo (na siyang mag-aambag ng malaking pondo sa kampanya), ng fraternity, personal na kaibigan at higit sa lahat ang kanyang kababayang dapatniyang paglingkuran, suklian at bayaran.

Malaki ang papel ng isang malakas at matatag na Political Party at organisasyon sa isang bansa. Tulad ng mga partidong nagpapatakbo ng bansa sa mauunlad na lugar sa Europa, lubhang may gamit at may papel sa pang-araw-araw na buhay ng takbo ng paggugubyerno't pulitika ng isang bansa ang PARTIDO. Ang Partido ang nagtatakda at nagsasagawa ng direksyon, agendang pampatakaran, estratehiya't taktika ng organisasyon, nagnunumbra at nagnonomina kung sino ang mga kandidato sa isang lugar para sa public office, siya ang nagmomonitor ng lahat ng galaw at performance ng isang halal na kinatawan sa gubyerno, siya rin ang pangunahing gumagampan ng pang-organisasyon at pampinansyang usapin, mga material resources tungo sa iiisang adhikain.

Dahil sa wala at mahina ang panawagang isareporma ang pulitika at election sa bansa, nakakalungkot isiping (kasaysayan ng political party ng Pilipinas) hindi pa nangyari at malamang tumagal pa ng ilang henersyon ang ganito kaunlad, kaprogresibong kalakaran ng pulitika ng bansa.


Malalagay sa delikadong sitwasyon ang isang bansa kung mahina ang Political Party sa isang bansa. Walang dudang kasabay na hihina ang ESTADO kung mahina rin ang political party at mga institusyon pampulitika kinapapalooban nito. Walang kaduda-dudang apektado rin ang instability, kapanatagan at demokratisasyon ng isang bansa.

Kung mahina ang estado at sistemang politikal sa isang bansa (katulad ng Pilipinas), 'di lamang lilitaw ang sistemang PATRINO o ang utang na loob, Kasal Binyag Libing, guns, gold at goons, personality oriented, lalakas din ang papel at impluwensya ng KASUNDALUHAN (AFP), ang papel ng corporate elite (Taipan, Lopez, Danding, Zobel) na mag-impluwensya sa pang-araw-araw na takbo ng pulitika't gawaing paggugubyerno.

Kasabay na lalakas ang papel ng sindikato (weteng, drug lord, prostitution lord sa bansa) upang ganap na lumpuhin at pahinain ang takbo ng pulitika. Walang kaduda-dudang kasunod ding lalakas ang mga armadong grupo na nasa labas ng gubyerno (private armies, NPA, Abu Sayaff, MILF, MNLF). Tignan ang karanasan ng Thailand, Indonesia, mga katulad nating mahihina ang mga political institution, mga mahihirap na bansa sa Afrika at Latin Amerika.


Nasa bingit na ng matinding karandaman, kamatayan ang political party sa Pilipinas. Hindi natin alam kung kaya pang sikmurain, kaya pang pagtiisan, patagalin ang kabulukang nagaganap sa kasalukuyang takbo ng pampulitikang kampanya ng May midterm 2007 election at kung magiging ganito pa rin kabuluk ang takbo ng pulitika sa 2010 presidential election?

Kung walang pagbabagong maganap sa pulitikang (poltical party at electoral) sistema sa hinaharap, malaki ang posibilidad na lumakas, pumapel at maki-alam ang ilang grupong may tangang baril, Armado sa pulitika. Ibang usapin kung mananalo, matatalo o paulit-ulit na manggugulo (destabilization) na lamang ang ilang bahagi ng kasundaluhan sa loob ng AFP, mga grupong nagtataguyod ng extra constitutional na paraan ng pagbabago o mga grupong matagal ng nananawagan ng radikal na pagbabago sa pamamagitan ng armadong pakikibaka.


Doy Cinco / IPD
Feb., 22, 2007

No comments: