Walang dudang mas nagagamit, sinasamantala at napapakinabangan ni Ate Glo at ng kanyang administrasyon ang Political Clan, ang isyu ng political dynasty kung ikukumpara sa kanyang mga katunggali 't kaaway sa pulitika lalo na sa nalalapit na May midterm election. Alam ng lahat kung gaano kahusay sa maniubrahan ang administrsyon, alam ng country kung gaano kasinsin at kaparallel ang “superiority nito sa political at electoral machinery” at dahil dito, mas matibay, mas matatag, may resources, may pera, at mas llamado ang administrasyon sa LOKAL na labanan kung ikukumpara sa political opposition (GO- genuine opposition).
Hanggang sa kasalukuyan, ang CLAN pa rin ang primary political organization sa bansa. Alam din natin ang KARA ng Political Clan, bukud sa pagiging tuso, sigurista't oportunista, familiy affair lamang at pansariling interest ang matimbang kaysa sa prinsipyo't kabutihan ng nakararaming mamamayan. Batid din ng mga political operators ni Ate Glo kung ano ang kalakaran at kahinaan ng Political Clan sa bansa. Kung baga, ang prinsipyong “I'll scratch your back, you scratch myne,” meaning, dual ang pakinabangan, ang katatagan ng administrasyon at ang political survival ng Political Clan.
Sa isang ordinaryong Waray-waray, ang karaniwang bukang bibig ng mga taga Leyte at Samar, “AMO la GIHAP, WARAY UPAY," ibig sabihin, sila-sila pa rin, walang kabuhay-buhay, walang kwenta.
Hanggang hindi naisasa-reporma ang sistema ng pulitika at eleksyon, mananatiling kalunus-lunos, isang BANANA REPUBLIC ang ating bansa at tinatantyang isa pang henerasyon (20 more years?) ang itatagal ng political clan. Maliban lang siguro kung magkakaroon ng “tipping point,” kung saan may magaganap na isang social upheaval o isang event na magtri-trigger ng isang pag-aalsa laban sa sistema't kabulukan ni Ate Glo't administrasyon (ex.dayaang kahalintulad nuong 2004 presidential election).
Bakit BAD ang Political Clan sa isang bansa? Ang political clan ang bumansot ng demokrasya't kaunlaran ng ating bansa. Mula pa nuong panahon ng Kolonyalistang Kastila, ang pagsasabuhay sa panahon ng Kolonyalistang Amerikano (1900-1945), panahong kung saan ang sistemang hacienda't casique (panginoong maylupa), panahon ng oligarkiya, panahon ng paghahari ng ELITISTA, panahong naitatag ang Republika ng Pilipinas (1945-hanggang sa kasalukuyan) hanggang sa panahon ng GMA administrasyon, muling lumalakas ang political clan.
Ang political clan ang isa sa mga dahilan kung bakit magulo ang country, walang kapayapaan, pagkakaisa at gawaing paggugubyerno ng ating bansa. Bunsod ng mga away, political factionalism, ala-MAFIA, naging kakambal nito ang pagiging atrasado ng ekonomya at lokal wardlordismo (guns, gold, goons at garci) na naging bitamina ng insureksyon at rebelyon. Ang political clan ay isang monopolyo, parang CARTEL ng pulitikang kapangyarihang o ilang henerasyong pinanghawakan ng iilang pamilya ang pulitika ng isang public office sa isang munisipyo-Mayor, isang lalawigan-Gobernador, isang distrito-Kongresman at nakakalungkot na umabot na hanggang pambansang saklaw, hanggang sa Senado't Presidente ang kabulukan.
Humantong na sa yugto kung saan ang political clan ang nagdidikta't may kontrol sa mga pekeng political party. Ito na rin ang halos may hawak, may malaking impluwensya't nagpapatakbo (direct or indirectly) na ng ating gubyerno (Arroyo clan). Nagawa nitong paluhurin (policy making) ang estado, ang burukrasya't institusyon ng demokrasya, Gobernador, Mayor o ng isang Kongresman. Anuman "husay ng pangangasiwa ng ESTADO, " ng central government (Malakanyang), anumang husay ng "programa de gubyerno," kung walang suporta, pagmamano't basbas mula sa mga KAHARIAN ng political clan, babara sa baba, masasalaula at hindi makaugaga ang ang magandang hangarin ng nasabing programa (kukurakutin lamang).
Private interest ang ideolohiya ng Political clan, pribado (hindi public interest) rin ang pagsisilbi't pakikitungo't pagsisilbi nito sa tao. Wala itong iniisip na ikabubuti ng nakararami at malawakang kaunlaran ng bayan, kundi ang pansariling interest ng BULSA at ng ANGKAN. Tulad ng mga nangyayari sa kasalukuyan, si Ate Glo mismo, ng anim (6) na angkan sa Senado, ang halos kalahati ng bumubuo sa (100) Kongreso at isang daang political clan sa buong kapuluan. May mga pagbabagong anyo, inobasyon, pagsasaretoke (modernizing elite) ng political clan sa bansa, ang sigurado, muling tatabo, muling makikinabang at magwawagi ang mga ito sa nalalapit na Mayo, sa tulong, sa kalinga at sa pangungunsinti ng administrasyon ni Ate Glo.
Wala kaduda-dudang pamumugaran muli ng mga Political Clan ang mga partidong kagaya ng Lakas-NUCD, Kampi, NPC, LDP, NP at LP pakpak ni Atienza. Ang kaso ng pagkakasilat ng Angkang DY ni Gov Padaca ng Isabela nuong 2004 election ay may kakbang lokal na konteksto at isa lamang isolated na kasong pulitikal sa ating kasaysayan.
Buti na lang may bilang sa daliring (3%) mga 2nd at 3rd generation na Political Clan na nagkakataong matitino, 'di pasaway, aktibista ang postura't patriotiko, ang ilan dito; nandiyan si Cong Darlene Custodio ng Gen San, Neric Acosta ng Bukidnon, Cong Guingona, Butch Abad ng Batanes, Sen Serge Osmena, Erin Tanada, Chiz Escudero, Allan peter Cayetano at kung saka-sakali si KIT BELMONTE, ang pamangkin ni Mayor S Belmonte ng QC.
Susunod: Ikalawang bahagi: Ang mga bumubuo ng Political Clan sa Pilipinas (mula Aparri hanggang Jolo)
Daang taong ng nagdomina ng kapangyarihang pampulitika ang Political Clan. Upang mai-provide ang paborableng kondisyon para sa isang participatory at direct democracy, isang pluralista at multi-party system na representative democracy ang kinakailangang mabago sa pulitika't sistema ng election sa bansa.
Doy Cinco / IPD
Feb 25, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment