Friday, March 10, 2006

Pakawalang aso Ng Palasyo (PNP)

“Wala kayong permit”, “Illegal Assembly kayo”, mga bayaran kayo,” “nakakapurwisyo kayo sa tao-sa traffic”, “kakaunti lang naman kayo, mga pekeng pipol power kayo”, “masyado kayong magugulo, maiingay, naliligalig”, “sinisira n'yo ang imahe at ekonomiya ng country, sinasabotahe n'yo ang paglakas ng Piso!”

Pinakanakakaasar sa lahat na pahayag ng mga machong Pulis nung March 8, Women's Day protest rally, “bakit kayo nagrarally, dapat na sa bahay na lamang kayo at nag-aalaga ng bata.” Ito naman ang mga reaktion ng pulis nuong February 22-25 Pipol power anniversary ng Edsa; “ang TATAPANG N'YO, puro kayo sigaw, galit, taray, samantalang ang katapat n'yo lang pala'y PAMALOng yantok. Buti nga, hindi namin kayo pinaputukan-niratrat!” Parang attack dog na naghuhunting ng gazelle, antilope (usa) sa mabangis na lugar ng Africa.

Parang magpapasalamat pa tayo. Mukhang palalabasin pa na ang Pulis ang siyang nasaktan, na-agrabyado, inapi at na-violate ang human rights? Parang magpasalamat pa tayo sa Palo ng Palong (PNP) istilo ng mga pulis. Bitin pa ba ang kilusang masa, 'di ba ang gusto natin ay “sagarin pa nila ng sagarin”, hindi lamang namamalo, nananadyak, nanakit at nang-sesexual assault. “Dapat dumami pa ang lahi ng mga Querol, mga Lumibao sa bansa.”

Aasahang paparangalan pa ito ng palasyo, ituturing mga bayani, sasabitan ng medalyang ginto , ipagpapatayo pa ng rebulto at higit sa lahat ipro-promote sa serbisyo ng Palasyo. Kung ganitong klaseng mga PULIS at klaseng gubyerno mayroon tayo, sa totoo lang ay magpasalamat nga tayo!

Mukhang natutuwa, balewala't manhid ang palasyo at parang ang police brutality ay katumbas lamang ng pagtagay ng alak, namumulutan at kumakain ng ice cream. Na-master at nakabisado na ng mga operador ni Ate Glo (ang dating Mayor ng Angeles City at dating komunistang si Ed Pamintuan at Bobby Tiglao, Gen Ermita, ang anti-komunistang si Norberto “saging” Gonzales, DILG sec Ric Puno at ang Aktibong kasapi ng Alpha Sigma at dating aktibistang si Mike Defensor) kung paano i-outsmart at sawatain ang kilos protesta ng mga kaaway.

Dinadaan na lamang sa teknikalidad, paikut-ikut, sa tunggak na pangangatwiran, palusot, mga alibi, (pakawalang aso ng palasyo: Querol at Lumibao) at parang walang kahihinatnan ang demandahan at kontra demandahan, akusasyon at kontra akusasyon. May permit-no rally man, may 1017 man o wala, ang malinaw, nagdadalamhati't napapanood ng buong mamamayan at buong mundo ang walang habas na kawalang katarungan, ang paglabag sa kalayaan at batayang karapatang pantao ng mamamayang Pilipino.


Wala ng patutunguhan ang gubyerno ni Ate Glo kundi ang magpatiwakal at lisanin ang palasyo. Lumalapit na ang countdown at naghahasa na ng GULUK ang iba't-ibang demokratikong kilusan ng buong country.


Doy Cinco/IPD
March 11, '06

No comments: