Monday, March 06, 2006

Taktikang anti-komunismo, Reyna ng Sablay

Isang na naman blunder, sirang plaka, luma, gasgas na pagsasaboy ng red scare tactics ng palasyo sa mga kaaway. Walang originality, copy cat sa propaganda ni Marcos may tatlong (3) dekada na ang nakaraan. Kung nuon, mukhang umubra sa mga Pinoy ang anti-communist hysteria, ngayon mukhang pinagtatawanan na lang ito. Iba na ang uso at isyu ngayon. Nailibing na ang “cold war era", Macarthysm at ang langis ng Iraq, Iran, Al Qaeda ni Bin Laden ngayon ang pangunahing pinagtutuunan ng Imperialistang Kano.

Sa layuning mailigtas at maisalba ang sarili, kung anu-anong panloloko, panlilinlang at pananakot tulad ng “left-right conspiracy theory” ang ginagamit ngayon ni Ate Glo. Sino na namang ang nagmagaling, hunghang na spin doktors ang naka-tuklas ng ganitong klaseng kontra-opensibang Psy-Ops? Ang Veneble ba uli (US consultancy firm), si Banana king Norberto Gonzales, ang dating komunistang si Bobby Tiglao at Ed Pamintuan (dating Mayor ng Angeles City) o si General Ermita. Kawawa naman, lalo lamang nitong isinasadlak sa kangkungan si Ate Glo.

Sikapin nating matasa at tignan ang kinalabasan ng red scare tactics ng palasyo;

1. Mahirap paniwalaang nakikipaglandian ang Magdalo-YOUng sa CPP-NPA. Malalim ang tradisyong anti-CPP/NPA ng AFP (foot soldier, junior officers hanggang mga Heneral). Bagamat may panukalang maging bukas ang CPP sa tactical alliance sa mga junior officers, may susunod kayang NPA commander kay Joma Sison at kay Ka Roger Rosal? Habang nagpapatuloy ang opensibang militar (landmine) ng NPA sa buong kapuluan, ang kalakhang nabibiktima naman nito'y mga maralitang foot soldiers (kawal) na pinamumunuan ng mga junior officers.

2. Ilang ulit ng itinanggi ng pamunuang Magdalo na “wala silang planong makipag-tuwang sa CPP-NPA.” Baka sa bandang huli, kung hindi mag-click ang communist hysteria, hanapan na naman sila ng butas at iugnay sila sa mga gambling-drug lord, prostitution, sa mga pulitiko, sa mga terorista at sa Jemaah Islamia (JI)?

Layon ng estratehiyang ito na ihiwalay ang Armed Forces of the Philippines sa mga patriotikong sundalong bumubuo ng Magdalo-YOUng. Ginamit ng mga psy-war consultant ni Ate Glo ang anti-komunistang panakot upang muling makontrol at makonsolida ang AFP. Dahil sa nabigong withdrawal of support ng mga tropang malapit kay Brig Gen Danilo Lim, Marine Col Ariel Querubin at ilang matataas na opisyal ng militar, walang humpay pa rin ang panlulupaypay, demoralisasyon, padri-padrino, pangungurakot, partisanong pamumulitika sa loob ng AFP.

3. Assuming na nakipag-ututan dila ang Patriotic soldier sa mga komunista, eh ano ngayon. Walang masama. Na-repeal na ang 1700 anti-subvertion Law (panahon ni Tabako 90s) , meaning hindi na bawal ngayon ang pagiging kumunista. Ang labag sa batas ay ang humawak ng armas (armado, insurgency) at manawagang pabagsakin ang gubyerno. Kung si GMA at ang gubyerno ay nakikipagnefosasyon sa NDF-CPP-NPA sa Norway (Europe) para sa peace settlement ng bansa, walang dahilan kung ang panig ng mga kaaway ni GMA sa politika ay 'di makipag-negosasyon sa mga komunista.

Sino ba ang nakikitulog sa mga komunista (“sleeping with the communists” ni amoy lupang si Tony Abaya)? Ang alam kong tunay na nakikipaglandian sa mga kumunista ay si Ate Glo. Kakampi nito ang mga komunista noong Edsa 2 para ibagsak ang gubyerno ni Pres Erap Estrada.

Malapit si Ate Glo sa mga Komunista lalo na't kung ito'y mapapakinabangan niya. Saan humihingi ng saklolo si Ate Glo sa tuwing kinakapos siya ng budget, 'di ba sa mga “komunista,” sa komunistang China? Ilang daang milyong dolyar na ang naibigay na tulong (economic at military aid) ng Komunistang China sa gubyerno. Sino ang nakakakuha ng malalaking kontratang infrastructure projects (Northrail, energy at telecommunication) ng gubyerno, di ba ang komunistang China.

Sino ang may astang kumunista (Tianamen Square/ Calibrated Pre-emptive Response) at may astang military Junta at Martial Law (1017, Tribune, Abante), diba si Ate Glo, ang kanyang gubyerno? Si Ate Glo at ang lipunang ginagalawan natin, ang inhustiya, ang karalitaan at ang sistemang elitismo ang siyang pangunahing kanal na pinagbubuhatan ng lamok na komunismo, insureksyon at rebelyon. Si Ate Glo ang nagpapalakas, fertilizer at recruiter ng komunista. Sino ngayon ang taksil sa bayan?

4. Malaki na ang ipinagbago ng mundo. Dahil Globalisado, ang palitan ng inpormasyon ay mabilis na rumaragasa sa mundo (Information Technology). Lahat ng “subersibong” (sa pananaw ni Ate Glo) inpormasyon, lathalain, mga literatura't dokumento hinggil sa komunismo, sa NPA ay madali ng nababasa't matutuklasan sa Internet.

Ligal at kinikilala ng lahat ng mauunlad na bansa ang komunista. Dahil may katatagan ang Istado't kanilang mga institusyon, imbis na katakutan, katuwang pa nila ang mga komunista at partido komunista sa pag-ugit ng kani-kanilang tadhana't pangarap kaya naman wala ng dahilan pa para mag-insureksyon at mag-rebelyon.

Humina't nag-adopt ng panibagong istratehiya' taktika ang Kaliwa matapos ang pangyayari sa “Berlin Wall”. Isa ng fashion sa mga kabataan ngayon ang mga kasuutang may markings ng Kaliwa (Che Guevarra, Star of Lenin, maso at karet, MAO cap). Bumabandera sa mundo ngayon ang dati ring sundalo at anti-Imperialistang si Hugo Chavez ng Venezuela. Libo-libong Pinoy (tago ng tago-TNT) ngayon ang nagtatrabaho sa Beijing at Shanghai (ala Hongkong at Frankfurt, Germany), China at ilan taon pa aabutan na nito ang Amerika. Mga Kaliweteng gubyerno ngayon ang namimiesta't nagdodomina sa Timog-Latin Amerika at hayagang bumibitiwa sa orbit ng Imperyalistang Kano.


Dahil sa kampanyang anti-komunismo ni Ate Glo, mas lalong lumala ngayon ang bitak sa loob ng AFP. Mas naging depinido, desidido ang Patriotic soldiers na pabagsakin ang rehimeng Macapagal Arroyo. Unti-unting nagigising ang panggitnang pwersa. Mas lumawak at tumitindi ang kilusang protesta sa maraming sektor. Mas tumapang at tumibay ang paninindigan ng Senado at Media na ituloy ang laban at panghuli, tila mabubulilyaso ang planong cha-cha ni Ate Glo, ang parliamentaryong sistema ng paggugubyerno.


Dahil sa patuloy na pagyurak nito sa ating Constitusyon, sino ngayon ang tunay na nagtataksil sa country, si Ate Glo ba o ang Patriotikong Sundalo?


Doy Cinco/IPD
March 6,'06

No comments: