Thursday, December 06, 2007

ANG TRAHEDYA ng TRANSCO PRIVATIZATION

Tiyakang malulugi ang bansa ng kulang-kulang P250.0 bilyon sakaling ibaligya (Waray version ng ipagbili) ng Malakanyang ang TRANSCO. Sa kabilang banda, limpak-limpak naman ang kikitain sa anyo ng kickback ang mga suspect sa Malakanyang at ilang kinatawan sa Kongreso.

Ayon sa Freedom from Debt Coalition (FDC), "sa loob ng dalawampu'tlimang (25) taon, kikita lamang ang gubyerno ng P129.0 bilyon, kumpara sa kikitaing P375.0 bilyon kung patuloy na patatakbuhin ito ng gubyerno. Kahit maipagbili pa ito ng $6.0 billion (alanganin), tiyakang lugi pa rin ang country." Kung magtatagumpay ang maitim na hangarin ng Malakanyanag na maibaligya sa halagang $3.0 bilyong ang TRANSCO, bukud sa inaasahang hagupit at hambalos latigong pagtaas ng singil sa koryenteng mararanasan ng mamamayang Pilipino, banta rin ito sa seguridad ng bansa, ito'y mauuwi lamang sa multi-bilyong dolyar na "pambayad utang idinuot ng ilang taong kapalpakan ng mga proyekto at kontratang elektripikasyong isinagawa ng mga dorobo't tarantado sa Malakanyang."

Alalahaning kumikita ng P15.0 bilyon taun-taon ang TRANSCO (dapat pa ngang parangalan, tularan, gawing modelo ang kumpanya't mga managers nito) at ang gubyerno na maaring gamitin pambalanse sa taas ng singil ng kuryente (ikatlo sa pinakamataas sa ASIA) at pagawaang pambayan para sa mamamayan at kung maibabaligya ito, saan tayo pupulutin, sa kumunoy ng pagtataksil at kahihiyan?

Kung totoong umuunlad tayo't may 6.0% GNP growth rate na nairihistro sa kasalukuyan ang bansa, base raw sa magandang economic fundamentals, pamumuno, magandang koleksyon at higit sa lahat ang fiscal reform na ipinatupad? Hindi ata consistent, bakit biglang naiiba ang ihip ng hangin at balak ng ibenta ang kabang yaman, pag-aari/asset ng bansa sa mga dayuhan.

Ang nakaka-intriga, sa kabila ng sinasabing pag-unlad ng ekonomya, “bakit kailangang ibenta ang mga asset ng gubyerno? Ang nakakalungkot, ang mga ibebenta pa ay yaong pang mga kumikitang empresa at hindi ang mga liability at naluluging mga kumpanyang pag-aari't asset ng gubyerno. Isang maliwanag na uri ng pagtataksil sa country ang nasabing pagbebenta.”

Ganitong-ganito ang malungkot na kinahinatnan sa pagbenta ng ating mga kampong militar (Fort Bonifacio) na ayon sa dating Presidente Ramos, ang kikitain ay gagamitin daw sa AFP modernization plan. Walang nangyari, nanatiling antigo ang armory ng AFP. Sa kaso ng PETRON, ibinenta sa mga Arabo at tuluyang nawalan ng kontrol at panabla ang Estado sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na aabot na sa $100.0 / bariles sa susunod na taon.

Dahil sa patakarang sinusunod na "privatization," mukhang marami pang nakapilang ibebentang asset ang Malakanyang sa mga susunod na mga taon. May kautusan din ang Malakanyang sa PCGG na makipagcashundo na sa mga Marcoses (ang mahigit ilang bilyong pisong iligal na yaman ng mga Marcoses, PNOC at SMC) upang tapusin na raw ang mahabang usaping “wala raw pinatutunguhan” . Inagawan pa ang mga biktima ng human rights sa kanilang kompensasyong nagkakahalaga ng $10.0 bilyon.

Kung maisasakatuparan ang pagbebenta sa TRANSCO at ilang ari-arian ng gubyerno hindi malinaw at garantiyang mareresolba ang problema ng liquidity ng Malakanyang sa loob ng dalawang taon (2007-10) lalo na sa inaasam-asam nitong mga "Mega-projects" nito sa bansa. Bukud sa TRILYONG pisong utang nito, huwag kalimutan ang taguring valedictorian sa pangungurakot sa Asia ang Pilipinas, magpapatuloy ang pamumudmud, ang suhulan at mga kickback sa mga galamay ng palasyo.

Sa isang pangkaraniwang mamamayan o PAMILYANG PILIPINO, tatlo (3) lamang kung baga ang maaring sinyales kung bakit ibinebenta ang sariling ari-arian; Una, bangkarote o NALULUGI na. Panglawa; MAG-AALSA BALUTAN na't magma-migrate na ito sa Canada, sa US o Europa at ang pangatlong katwiran, ang kabaliwan, may pang-kupit o balaking pangungulimbat upang tugunan ang PAMUMUDMUD, ang bisyo, ang kapritcho (pambili ng shabu-pang-adik o pang-inom) sa buhay.

Isang malaking TRAHEDYA ang pagbabaligya ng TRANSCO. Wala na bang matinong ginagawa ang Malakanyang? Bakit hindi ibenta ang COMELEC, PCGG, ang KONGRESO at ang Malakanyang, ang mga inutil at NALULUGI, ang tunay na pabigat sa bayan.

Naka-iskedyul ng bitayin o i-prequalify sa bidding (subastahan) ang TRANSCO/mamamayan sa susunod na linggong parating (Dec 12); Kung hindi mapipigilan ng mga bayani at makabayang mambabatas sa Kongreso, isang European company (Italian), isang Bombay (India), isang Intsik ule, isang US company at dalawang lokal na kumpanya, si Ate Glo, mga kasabwat na lokal na MAKAPILI sa Malakanyang/Kongreso ang susuwertehen at makikinabang.

Related stories:
"Transco deal inahente ni GMA--Jamby" http://www.abante.com.ph/issue/dec0807/main.htm
"Madrigal drags Arroyos into alleged TransCo bidding irregularities:" http://www.abs-cbnnews.com/storypage.aspx?StoryID=101776

Doy Cinco / IPD
December 6, 2007

No comments: