" Military rebels may still try again," says AFP
Sa isang pahayag ni Gen Esperon ng AFP, dalawang Linggo matapos ang Manila Pen stand-off, hayagang inamin nitong may imminent threat pa rin sa seguridad ang Malakanyang sa darating na taon, meaning sa unang quarto o sa ikalawang quarto ng taong 2008.
Walang dudang nakapatungkol ang nasabing banta sa hanay ng mga rebeldeng sundalo at hindi sa grupo ng CPP-NPA. Sa magkakasunod na pahayag ni Ate Glo't ni Gen Esperon sa nalalapit na ika-72 anibersaryo ng AFP, inaming "parehong mapanganib na kaaway, destabilizer, terorista at pangunahing banta sa seguridad ng Malakanyang ang mga rebeldeng sundalo at komunismo." Tulad ng inaasahan, pinasalamatan ni Ate Glo ang AFP bilang "sandigan, ugat at dahilan ng pag-unlad ng ekonomiya't katatagan ng bansa." Sa pahayag na ito ni Ate Glo, lumalabas na pawang pagkukunwari, hindi pala Overseas Filipino Workers (OFW), lalong hindi ang mga negosyanteng Pinoy, manggagawa, magsasaka, kabataan, simbahan, media at mga pulitiko ang sumalba ng ekonomya't katatagan ng lipunang Pilipino.
Bunsod ng walang humpay na banta ng rebelyon mula sa mga grupo ng mga rebeldeng sundalo at kritiko mula sa mamamayan, magpapatuloy ang political uncertainty at panganib para kay Ate Glo, na ayon sa mga kritiko ay "isa ng mahina, hostage, lameduck at sitting duck president."
Kung sa bagay, natural lang ito sa isang lipunang lulugo-lugo, naghahanap ng pagbabago't hindi mareso-resolba ang ilan taong krisis pampulitika; ang bad governance, ang talamak na katiwalian, kurakutan, kasinungalingan, ang dayaan, suhulan at kabulukan. Ang tanong, may TIPPING POINT at may clincher na parating o nakaumang, may babaligtad bang mga gabinete o kadikit ni Ate Glo sa Malakanyang, paano na ang preperasyon sa 2010 presidential election?
Kung matatandaan, praning na't kung sino-sino ang pinagbalingan ng Malakanyang sa may kagagawan at utak ng Manila Pen stand-off. Unang pinagbintangan ang dating Presidenteng si Erap Estrada, hindi nag-click, sumunod na ni-LINK ay si Mayor Binay ng Makati na hindi rin umubra, ang CPP-NPA na hindi ring kinagat ng mga tao.
Matapos pawalang bisa sa kasong rebelyon ang mga sibilyan(civil society) sa Manila Pen, nanakot na ibabalik ang anti-subversion law at ang huling balita, muling binalingan ni Gen Esperon si Senator Ping Lacson bilang utak at nasa likod ng “noong February 2006 walk in the park power grab.”
Bunsod ito sa matinding pahayag at babala ng senador na posibleng magkakaroon ng demoralisasyon sa hanay ng mga Generals kung ma-eextend ng dalawang taon ang posisyong pinaghahawakan ni Gen Esperon bilang chief of staff sa AFP, na nakatakdang magretiro sa February 2008. Ayon kay Lacson, ito ang karaniwang mga kadahilanan ng pagbalikwas ng mga generals noong 1986 at 2001 military revolt sa bansa. Kaya lang, ilan sa maaring mga dahilan ng muling pag-aalsa ng kasundaluhan ay kung magpaparandam si Ate Glo na muling manatili sa poder lagpas sa 2010,ipilit ang Cha Cha, idiklara ang martial law o ang pagpapanumbalik ng jurrasic na anti-subversion Law.
Ayon kay Gen Esperon, “malaki ang kanyang kumpyansang mananatili si Ate Glo hanggang 2010, sapagkat, 'walang sundalo (ranks) ang makikiisa sa mga rebelde, ang kudeta nuong 1989, ang Oukwood at ang Manila Pen ay ilan lamang sa mga halimbawa, lahat sila'y iniwang mag-isa sa labanan.” (Larawan sa kaliwa: Si Gen Esperon nasa likod ni GMA ; www.nancarrow-webdesk.com)
Subalit kung nanamnamin natin ang artikulo ni Randy David na “The silence of the Camps sa PDI,” ilang araw matapos ang Manila Pen, mukhang lumalabas na may malaking bilang ng mga matataas na opisyal na hindi pro at anti-GMA (Generals, Koronel) sa AFP, kabilang ang mga junior officers, ilang malalapit na kaututang dila ni Ate Glo (cabinet officials) ang handang magtakwil (withdrawal of support) na ng suporta sa rehimen ni Ate Glo.
Nag-uunahan sa ngayon ang extra-constitutional at constitutional na pamamaraan ng pagbabago sa pulitika. Sa ngayon, habang malayo pa ang 2010, mas nakaka-ungos ang extra-constitutional na paraan kung ikukumpara sa constitutional na paraan ng pagbabago't pagpapa-alis sa pwesto sa Malakanyang.
Subalit kung walang magaganap na pagbabalikwas (politico-military) sa hanay ng sundalo't mamamayan hanggang 2008, walang sinasabing TIPPING POINT o isang matinding isyung yayanig at dadagok sa Malakanyang, walang malawakang panawagan ng pagbabago sa hanay ng middle class at patuloy na igagawad ng US State Department's ang suporta't kalinga kay Ate Glo, sa tingin ko, walang dudang magsi-shift na sa electoral mode, sa 2010 ang buong bansa.
Kung sa bagay, sa kasaysayan ng pagpapabagsak ng isang mahinang estado (weak state) sa Pilipinas, malaki ang nagiging papel ng kasundaluhan, ang pag-aalsa sa Edsa I (FVR at RAM forces) at pag-aalsa sa Edsa 2 kung saan ang dating Chief of Staff Gen Angelo Reyes ang clincher. Palagiang nagaganap ito sa unang quarto ng taon, hindi oktubre, nobyembre at lalong imposibleng maganap sa buwan ng disyembre, kung saan malamig na ang panahon at kalat ang pera sa lipunan.
Related stories:The silence of the camps ; http://opinion.inquirer.net/inquireropinion/columns/view/20071201-104169/The_silence_of_the_camps
Doy Cinco / IPD
December 21, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment