17 Nobyembre 2008
Ang ngiti ni dating Agriculture undersecretary Jocjoc Bolante ay sing-tamis ng asukal nang malusutan nito ang anim na oras na imbestigasyon ng Senado. Ang mukha naman ng mga senador ay magkahalong dismaya at ngitngit dahil walang silang mapiga kay Bolante sa P720M pondo ng Dept. of Agriculture para sa abono pero nagamit sa eleksyon. (Photo:http://www.abante.com.ph/issue/nov2608/default.htm)
Ang administrasyong Arroyo ay naging bihasa na kung paano mag-coverup sa akusasyon ng anomalya at korupsyon. Sa kainitan ng kontrobersya, pasisiputin sa Senate inquiry ang akusado o susing tao na sangkot sa kontrobersya para pahupain ang tensyon. Pagkatapos ito ay biglang mawawala sa mata ng publiko. Ito ay para ilayo ang tao sa diskurso ng publiko at palipasin ang init ng kontrobersya, Kapag dumating ang panahon na hindi na maipirmis sa ibang bansa ay uuwi ang tao na masama ang pakiramdam pagdating sa airport. Ito ay para hatiin ang sentimyento ng tao sa drama. Mula sa airport ay diretso sa hospital para sa mahabaang confinement (at paghandaan ang pagharap sa publiko.
Sa buong proseso ng preparasyon ay kinakamada na rin ang mga kailangan at hindi dapat makitang mga dokumento. Ganun na rin ang paghahanda sa mga taong posibleng mapatawag ng Senado – i-delay ang pagharap sa Senado, may byahe sa ibang bansa, may sakit o matigasang deklarasyon na wala kinalaman sa isyu.
Ang mga hakbanging nabanggit ay isang matagalang proseso ng cover-up na naipatagumpay ni Bolante sa harap ng mga senador. Ito rin ang ginawa noon para sa depensa ni First Gentleman Mike Arroyo. Kasing-tulad din ang mga nangyari bago humarap si dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano.
Halos kasing-tulad din ang prosesong dinaanan bago humarap si Ret. PNP Director Eliseo dela Paz sa Senado sa anomalya ng Euro generals. Minalas lang si dela Paz na wala siyang matuluyang bansa para magpalamig muna. Una, kailangan munang pahupain ang isyu, ikalawa, ayusin ang script ng drama, at ikatlo, ihanda ang prinsipal na sangkot sukdang ito ang aako sa buong responsibilidad sa kaso, tulad ng pag-ako noon ni Garcia, at ngayon nina Bolante at dela Paz.
Sa kabilang banda, kung aktibong opisyal ng gubyerno ang sangkot at hindi maaaring mawala sa bansa, simple lang, ipayagpag ang Executive Order 464 na nagbabawal sa opisyal ng ehekutibo na humarap sa Kongreso batay sa utos ng Presidente. Hindi pa limot ang kontrobersya sa NBN-ZTE deal kung saan nasalang pero hindi na humarap ng Senado si dating NEDA Director Romulo Neri.
Iba naman ang paraan ni Ginang Arroyo kung ito mismo ang prinsipal na sangkot sa kontrobersya. Dalawang beses itong naka-lusot sa isinampang impeachment complaint dahil sa mahusay na pagmaniobra ng mga alyado nito sa rules and procedure ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at pag-kontrol ng administrasyon sa pork barrel ng mga kongresman.
Ang gubyerno ng Pilipinas ay siguradong magiging strong contender sa Finals kung mayroon lang Corruption Olympics. Dahil sa pag-master ng administrasyong ito kung paano lumusot sa mga anomalya - pagpapahina sa mga institusyon ng imbestigasyon; pag-aalaga ng network ng mga masugid na tagapag-tanggol sa akusadong alipures; mambabatas na minamaniobra ang mga rules at procedures ng imbestigasyon at ng mga propagandista para palaputin ang kontrobersya sa media – siguradong patuloy ang malakihang korupsyon sa gubyerno laluna’t papalapit ang 2010.
Nauna nang pinahina ni Arroyo ang institusyon ng eleksyon sa bansa noong 2004. Kaya’t hindi ito magdadalawang-isip na muling gamitin ang 2010 para sa sariling bentahe. Kung nabigo man ito sa mga ilang pagtatangka sa Chacha, hindi ibig sabihin na binitiwan na nito ang naturang maniobra. Ang kalakasan ng administrasyon ay natututo ito sa kabiguan ng mga hakbangin para sa mas epektibong maniobra. Kailangang bantayan sa susunod na taon ang paghirang nito ng pitong miembro ng Korte Suprema na papalit sa mga nakatakdang mag-retiro. Kung nagawa nitong ideklara ang state of emergency, malamang pinaghahandaan nito ang mga hakbanging katulad pero mas epektibo sa nauna. At kung hindi nito maiwasan ang eleksyon sa 2010, sisikapin ng administrasyong Arroyo (habang hawak ang pondo at organisasyon ng gubyerno) na maipanalo ang kandidatong presidensyal na magbibigay ng proteksyon kay Gng. Arroyo.
Sa kabilang banda, hindi hawak ng administrasyon ang lahat ng alas na baraha para makasiguro hanggang 2010. Ang mga pwersa at batayan para pababain sa pwesto ang administrasyong Arroyo ay hindi lang nananatili kundi patuloy na nagsisikap. Siguradong natuto ang mga ito sa bigong pagtatangka ng mga nakababata sa kanila. Ang pagkabigo ng mga naunang tangka ay dahil sa ang nagtakda ng tingin nilang posibilidad ay batay sa pwersang kayang ipunin pagputok ng signal. Ang anumang nakaumang na tangka ngayon sa administrasyon ay posible lamang batay sa posibilidad ng tagumpay nito.
Habang lumalalim ang pagka-disgusto ng mamamayan sa rehimeng Arroyo ay siya namang pagtaas ng kanilang kamalayan para maunawaan kung bakit patuloy na bangkarote ang gubyerno. Matagal nang nasa sangang-daan ang sitwasyon ng mamamayan, ang usapin na lamang ay kung saang landas hahakbang pasulong. Depende sa tyempo, kung sino o sinu-sino ang magbibigay ng kumpas at kung ano ang posibilidad ng tagumpay ang siyang magtatakda kung aling landas ang susuungin pasulong ng mamamayan. At kapag nangyari ito, masasabing, sa wakas kinapos din si Arroyo.
Ito ang hamon sa mga kilusang reporma at progresibo? Habang naghahanda sa 2010 at hinaharap ang mga kagyat na isyu ng korupsyon, kahirapan, fiscal crisis, maramihang tanggalan sa trabaho, gyera, kriminalidad at marami pang iba ay nararapat na ring maglahad ng popular na agenda para sa reporma na ayon sa lengwahe ng reporma, lalim ng pagkadisgusto at taas ng kamalayan ng mamamayan. Kung mapapalalim ang pundasyon ng naturang reform agenda, ito ang magsisilbing bargaining power ng mga kilusan kung papasok sa lenggwahe ng kapangyarihan tungo sa 2010. At kung bigla namang pipihit ang kasalukuyang sangang-daan kinatatayuan ng mamamayan, kahit papaano ay nakaumang ang mga kilusan sa malaking pagbabago ng sitwasyon. At kapag hindi ito nagawa, masasabing kinapos na naman ang mga kilusan sa oportunidad.
Pasakalye sa Pulitika
ni Norman
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment