Friday, September 22, 2006

"Ibalik ang Demokrasya at Rule of Law" sa Thailand - Ate Glo

Kamakailan lamang, lakas loob na nananawagang si Ate Glo na ibalik na ang civilian rule at demokrasya sa Thailand sa lalong madaling panahon. Ito'y dahil sa matagumpay na KUDETANG nagdulot ng pagpapatalsik at pagkaka-alis sa kapangyarihan ang matalik at modelong prime minister ni Ate Glo na si Prime Minister na si Thaksin Shinawatra. Upang masigurong 'di na makakabangon si Thaksin, pansamtalang binuwag, kinatay, inalis ang Konstitusyon at ipinailalim sa Batas Militar ang Thailand.

Kaya lang, walang sinumang TANGA, gagong lider ng mundo at lokal na Kilusang Demokratiko (civil society) sa Thailand at 'Pinas ang nagsabing ibalik sa kapangyarihan, ibalik sa poder si Thaksin!

Milya-milya ang LAYO, ang pagkakaiba ng Martial Law ni Marcos nuong 1970s at ang “state of emergency/power” (464, CPR, 1017,EO 5) ni Ate Glo sa bersyong Martial Law na ipinatupad sa kasalukuyan ng mga Heneral-Army at suportado ng Haring Bhumibol ng Thailand.

Nung ideklara ang Martial Law sa atin, malawakang crack down ng mga militante't aktibista, ang daming pinatay-sinalvage, pinaghuhuling mga oposisyon at ang daming missing (pinadukut) at teknolohiyang TORTURE. Halos napuno ng mga political prisoner ang ABC (Aguinaldo, Bonifacio at Crame). Pinasara't kinumpiska ang broadcast, print media at kinontrol ang malalaking empresang hawak ng Elite opposition (Lopez atbapa) at kaaway sa politika ni Marcos. GANYAN BA ANG NANGYARI SA THAILAND?

Sa panahon ni Marcos, pinasara ang Kongreso't Senado at ipinatupad ang unicameral na lehislaturang rubber stamp na Batasang Pambansa. Pinakagarapal sa panahon ni Ate Glo, binastos ang political at demokratikong institusyon, hindi lang ang Tongreso ang ginago, pati Hustisya, Comelec, 2004 election at higit sa lahat hindi ginalang ang sagradong Karapatang Pantao ng mamamayan.

Nung nakaraang taon, ipinagbawal at pinasista ang malayang pamamahayag at pagtipun- tipon, ipinagbawal ang rally, demonstrasyon, kaliwa't kanan ang patayan, pati CEDULA ginamit at may defacto Martial Law na pinairal. Magna cum laude sa pangungurakot ang gubyernong Arroyo sa Asia. Dahil sa pag-amin "am sorry" at "hello garci", luminaw sa country na iligal at ilehitimo ang nakalukluk na tao sa Malakanyang, ang Pangulong Arroyo. Kung ito ang "rule of law at demokrasya" , 'wag na 'toy.

Sa Pilipinas, pinagtawanan ang "strong republic" dahil sa totoo lang super WEAK at aabot na sa FAILED republic ang Pilipinas. Halos paralisado at hindi umaandar ang gubyerno. Tanging PAGSASALBA sa abang (survival instinct) pangulo, tulad ng Pipol Inisyatib (PIG), No-El at Cha Cha ang pangunahing tuon ng atensyon at gawain ng mga alipores sa loob ng estado. Dahil sa multo, takot at kapraningang matulad kay Erap at Thaksin, pork barrel at PERA-PERA na lamang ang naging labanan at nagsisilbing batayan upang mapanatili't magtagal sa kapangyarihan si Ate Glo.

Kung matatandaan July 2005, sa tindi ng presyur ng taumbayan, muntikanang nagbitiw sa pwesto si Ate Glo at kung di lamang sa mga padrino't pang-uuto ni Tabako't Tainga, iba na sana ang may hawak na TRONO sa Malakanyang. Dalawang beses itong inimpeach at kasalukuyang isinusuka siya ng mamamayang Pinoy. Kung baga, wala pa sa kalingkingan ni Ate Glo ang bigat ng kasalanang iginawad ng mamamayang Thailand kay Thaksin kung ikukumpara sa sarili nitong krimeng kakaharapin sa 'Pinas.

Sa Thailand, sa kabila ng maraming tangke't sundalo sa lansangan, walang putuk, walang dugo, walang timbugan, hindi ito lantay na "MILITARY ADVENTURISM" sa tulad na mga ikinukokak na akusasyon ng pamunuan ng AFP at ilang "moralista at puristang" mga aktibista sa 'Pinas. Tulad sa Pilipinas, weak-mahina rin ang pampulitika at demokratikong institution sa Thailand, kaya naman punong-nuno ng pag-aalsang militar-KUDETA ang kanilang pampulitikang kasaysayan.

Ang KONTEKSTO ang nagtulak kung bakit malaki ang nagiging papel ng Kasundaluhan sa Thailand. Ika nga, bukud sa Hari, ang ARMY ang huling baraha, gumuguhit, tumataya upang ipagtanggol ang mamamayan at konstitusyon. Kung sa THailand, "ang mga Heneral ay may bayag, ang mga Heneral sa Pilipinas, may BAYAD."

Ang Peole's Alliance for Democracy (PAD) at Campaign for Popular Democracy, mga broad coalition ng mga progresibong kilusang nanguna sa malakihang kilos protesta para sa pagpatalsik sa dating Prime Minister Thaksin nuong unang quarto ng taon ay "walang sinasabing kontra o pabor sa KUDETA," nagmamatyag at mukhang hindi apektado (walang casualty ng damputan at dukutan) ng kamay na bakal na ipinatutupad ng militar.

At ayon sa ulat ng mga reporter ng ABS-CBN na nagtungo sa Bangkok kamakailan lang, "naging mainit pa nga ang pagtanggap ng mamamayang THAI sa mga sundalo at balik na sa normal ang sitwasyon". Ayon sa pinuno ng Administrative Reform Council na si Army commander in chief Gen. Sondhi Boonyaratklinsa, sinabi nitong magiging acting prime minister muna siya sa loob ng dalawang linggo hanggang sa makahanap ng isang pinuno "na magtataguyod at magbabalik ng demokrasya." Magkakaroon eleksyon sa Oktubre 2007 at ayon sa Heneral, "matapos ang dalawang Linggo, ganap siyang magbibitiw sa tungkulin." Tignan natin ang susunod na kabanata.

Kung mayroon mang paghihigpit sa Martial Law, panigurong nakatuon ito sa mga pwersa't galamay ng pinatalsik na Prime Minister Thaksin lalo na sa mga lugar na kung saan lubhang malalakas ang pwersa nito (balwarteng Kanayunan).

Kung nagwagi ang "walk in the park" ng mga tropa ni Gen Danny Lim, kasama ang mga aktibistang Junior Officers, ilang bahagi ng Kilusang Demokratiko at naibagsak ang rehimen ni Ate Glo nuong Pebrero 2006, may kahalintulad na Transitional Revolutionary Government (TRG) ang itatayo upang puksain ang walang dudang tangkang destabilization at counter revolutionaries (GMA forces)ng mga kaaway ng bayan. Batay kay Ka Dodong Nemenzo,lider ng Laban ng Masa, "upang maitayo, mai-overhaul at mapalakas ang bagong Gubyernong Bayan, mga 1 - 3 taon itatagal ng TRG," nauna nga lang ang Thailand.

Nung kasagsagan ang bantang KUDETA sa Pilipinas (huling linggo ng Pebrero), may tatlong oras na nag-debate at hindi magkasundo ang mga Heneral, kung itutuloy at susuporta sa grupo ni Gen Danny Lim at Magdalo. Nauwi sa twaran, kung magkano ang presyo't katapat na 20, 30, 50 milyon piso ang labanan kada Heneral. Ang isa pang nakakatawa, isang Heneral (Senga?) ang tumawag pa sa US State Department upang humingi ng abiso't protocol at ng hindi nagustuhan ng US ang planong Kudeta, nagsimulang gumalaw, mag-alburuto na si Gen Esperon.

Sa Thailand, wala ni isang bansang makapangyarihan ang naka-alam at binigyan ng abiso o tinimbrihan. Pawang mga independent at internal ang naging pagdedesisyon at pagpaplano. Wala silang utang na loob sa kung sinong makapangyarihang bansa, wala silang pinaalamanang US at European Country sa plano. Ang bukud tanging hindi pwedeng lagpasan, dedmahin at abisuhan ay walang iba kundi ang HARI ng Thailand.

Sapagkat may basbas mula sa Kaharian, sa ayaw man natin o sa gusto, may malaking popular support ang Martial Law sa Thailand. Totoong pinuntirya ang broadcast media upang 'di makapasok, 'di makapag-impluwensya at makapag-destabilized ang mga tapat at alipores ni Thaksin na sa tantya ng marami ay may balak manabotahe't magsagawa ng counter KUDETA laban sa kasalukuyang popular na interim government.

Anong klaseng demokrasya at rule of law ang nais n'yo? Demokrasyang dapat naisali, bida kayo (sa Kudeta), demokrasyang dapat kayo ang namuno't nakapwesto, demokrasyang dapat ipina-alam at itinimbri sa grupo't kabalahibo ninyo? Demokrasyang may hugis na "diktadurya ng Proletarydo"? naman..naman..naman.

Demokrasyang maka-Kaliwa, elitist-burgis-dorobo, demokrasyang hinanap ng mga Griego (Greeks) may dalawang libong taon na ang nakalipas, demokrasyang kahulugan depende sa kung sino ang iyong kausap, demokrasyang hanggang ngayon patuloy na pinagtatalunan kung ano ang kahulugan, klase ba ng demokrasyang sinalaula ni Ate Glo o demokrasyang may maraming sangkap at tradisyong niluluto sa kasalukuyan sa Thailand?


Doy Cinco / IPD
September 22, 2006

No comments: