Mula ng mainvolved ang LGUs (Metro Manila Mayors), partikular ang ULAP (Union of Local Authorities of the Phil) sa pamumulitika, sa bulag na pagsunod sa Malakanyang-DILG sec Puno, Sigaw ng Bayan sa Pipol Inisyatib at pagsusulong ng Cha Cha, gumuhong parang kastilyo ang kredibilidad ng mga Mayor, napabayaan tuloy nitong paglingkuran ang kanyang constituencies lalong-lalo na ang maralita.
Kamakailan lamang, bagamat maraming hindi naniwala, buong tikas at yabang na ipingalandakan ng mga Mayors na "ganap ng super linis, the cleanest city ang kanilang lunsod." Unang pumutak, nagpropa at nagmagaling ay si Atienza ng Manila, ang isa sa pangunahing promotor ng No Election at pipol inisyatib ng country.
Matapos ang ilang buwang panloloko sa propagandang "malinis", bumulaga sa mga pahayagan, headline ang kasong DENGUE sa Metro Manila. Batay sa ilang statistics, mula January hanggang August 2006, tumaas ng 47 % ang kaso ng dengue sa Kamaynilaan partikular sa CAMANAVA area (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela), Quezon City, Manila, Marikina at Morong, Rizal.
Mahirap mabiktima sa ngayon ng dengue. Maliban sa gastos sa pagpapahospital, damay ang pag-aaral at panahong maigugugol mo sa ibang gawain. Minsan na rin nabiktima ng dengue ang aking anak at ilang niyang ka-eskwela sa high school may sampung taon na ang nakalipas. Dahil dito, iba-iba ang naging mga reaksyon ng school admin at parent teacher's association; may nagsasabing alisin na ang urban poor section sa harapan ng school premises (Aghan road), magsagawa ng fumigation kahit pinaniniwalaang useless na paraan at linisin ang buong campus.
Kada buwan, binabaybay ko ang Quiapo, mula dating Raon hanggang Ongpin (Chinese doctor at bumibili ng gamot) at pabalik na binabaybay ko ang maliliit na tributaries na lansangan patungong Recto hanggang umabot sa Mega Train Station. Maka ilang beses na rin akong nakabisita sa ilang barangay sa QC, ang Commonwealth, Batasan, Payatas at Holy Spirit. Parang pakirandam ko sa sarili na wala ka sa lugar na sinasabing pinakamayamang lunsod (Internal Revenue Allotment) sa bansa. Pakirandam ko sa sarili na nasa 1970s circa ako ng Balut, Tondo na malapit sa Tambakan (orihinal na bundok basura). Hindi ko maarok, matanggap na hanggang ngayon, tatlumpu't taon ang nakalipas ay umiiral pa, hindi pa mareso-resolba ang isyu ng maayos na komunidad, malinis na kapaligiran at good local governance. Parang walang asenso at walang nagbabago.
Ayon kay Dr. Eric Tayag officer-in-charge ng DOH National Epidemiology Center, umabot na sa 13,500 sa kabuuan ang kaso at 167 na ang namatay sa dengue. Dagdag pa ng DOH, may tinatawag na pulu-pulutong (cluster), maliliit at tukuy na lugar sa Metro Manila ang karaniwang napuruhan ng kasong dengue.
Nangunguna sa talaan ay ang 13 pulutong lugar na tinamaan sa Quezon City, ang tinaguriang pinakamayamang LGUs sa Pilipinas (tax collection); ang barangay Tatalon, Tandang Sora, San Bartolome, Payatas, Masambong, Loyola Heights, Holy Spirit, Gulod-Novaliches, Cubao, Commonwealth, Manresa, Batasan Hills at Bagbag.
Pumapangalawa ang 7 lugar sa Valenzuela; Ugong, Marulas, Malinta, Karuhatan, Lawang Bato, Gen. T. de Leon, and Bigna. Pangatlo ang 5 lugar sa Caloocan City; Bagong Silang, Libis, Talisay, Lapu-Lapu- Maypajo, Julian Felipe-Sangandaan. Pang-apat ang limang (5) lugar sa Malabon City; Acacia, Catmon, Longos, Potrero and Tonsuya.
Pang-lima (5th) ang Manila na kung saan ang “magaling” na Mayor Atienza ng Manila matatagpuan; Oroquieta-Sta. Cruz, Quiricad a-Sta. Cruz, New Antipolo, Hermosa-Tondo and F. Varona-Tondo. Dalawang cluster na lugar sa Muntinlupa; Bayanan and Putatan. Tatlong lugar sa Navotas; Dagat-Dagatan, Tangos, and Tanza. Dalawa sa Paranaque; Moonwalk and Sucat. Tag-iisa sa Pasig at Taguig. Grabeng napuruhan din ang Marikina at Morong, Rizal.
Isang malaking sampal sa pagmumukha ng mga Mayor ang pagsambulat ng kasong DENGUE sa lunsod. Sa ayaw man natin sa gusto, tanggap man natin o hindi, pinatunayan ng mga pangyayari na PUSALI'T MARUMI pa rin ang Kalakhang Manila. Nahubaran at lumabas ang tunay na SIGAW ng BAYAN sa Kamaynilaan, ang tunay nitong estado, ang nakakaiyak, ang kalunus-lunus na kalagayang ng ating kapaligiran na sa aking pagtantya'y siyang ugat, punu't dulo kung bakit may DENGUE;
Ang isyu ng basura, walang maayos na sistema ng waste disposal, "kulang- kulang sa kalahati" ng kabahayan sa Kamynilaan (populasyon) ang walang matinong sewerage system, barado at maruming kanal, malinis na maiinum na tubig, ang matinding polusyon at ang lumalaking bilang ng maralitang lunsod, ang kakulangan ng PABAHAY, hospital at health center sa komunidad at iba pang mga batayang serbisyong inilaan ng lokal na gubyerno (LGUs) sa mamamayan.
Pagkatapos lolokohin ng mga Mayor na ito ang mga tao at sasabihing ang problema ay Senado, ang sistema ng bicameral-presidential at dapat wala ng election? Sa kabila nito, ibinoboto't paulit-ulit na narere-elect pa ang mga kupal na ito sa pwesto, sa pagkaMAYOR!
Mga simpleng problema na walang dudang magpapatuloy kahit magbago ng sistema ng paggugubyernong PRESIDENTIAL at PARLIAMENTARYO. Mga simpleng isyung dapat sanang pinag-ukulang pansin ng ating punong lunsod. Kung naresolba na ito sa ibang mauunlad na lunsod sa Asia, sa Europa at Amerika, walang dahilan kung bakit hindi makakayanang resolbahin, gawin ito sa Kamaynilaan.
Ayon sa ilang experto ng World Health Organisation (WHO), sa nakalipas na sampung taon, may nakikitang kakaibang pattern ng pagsambulat ng dengue sa Asia. Ang isang binabanggit na kadahilanan ay ang mabilis na pagbabago ng lifestyle at movements ng populasyon mula sa kanayunan at kalunsuran. Ang ilan sa tinukoy na nag-eemerge ay ang nagbabagong uri ng pamumuhay (lifestyle). Dahil dito, nakapagpalakas sa paglaganap ng dengue ang mga containers na ginagamit sa pagsalok ng tubig, gulong na ginagamit pampabigat sa bubong, jars, mga lata, flower base, mga boteng nakakalat at iba pang bagay na siyang pinamumugaran ng mga lamok.
Ayon kay Dr. Kevin Palmer ng WHO's Manila-based Western Pacific Regional Office, nagsimula ang naturang outbreak ng sakit sa kalunsuran (cities) at habang bumibilis, lumalawak at lumalaki ang Ubanization, sabay na lumawak din ang mga LAMOK. Batay sa kanilang pagsusuri, sa nakalipas na sampung taon, ang dengue ay kakambal na sakit ng MARALITANG Lunsod na naninirahan sa kalunsuran at at maging kanayunan. Ibig sabihin, mas malaki ang tsansang tamaan, mas vulnerable na tamaan, malaki ang panganib at malaki ang posibilidad na magkaroon ng atake ng dengue outbreak sa mga lugar na mahina't mababa ang Serbisyong Pangkalusugan at Maralitang Lunsod.
Idinagdag pa ng Geneva-based global health agency, na dalawa sa pinakamahirap na bansa sa South-east Asia's, tulad ng Burma at Cambodia ang palagiang binibisita ng dengue outbreak. Nagkaroon din ng kaso ng dengue sa India, Bangladesh and Bhutan. Sa kalaunan, malamang ka-level, kahanay na ang Metro Manila sa mga bansang nabanggit nating suki na ng dengue outbreak.
Hindi kataka-taka kung ang Metro Manila ay palagiang pineperwisyo ng dengue. Naiiba ang uri ng gawaing paggugubyerno ang inaatupag ng mga Mayor. Pabagsak ang kalidad ng pamumuhay sa Kamaynilaan at maging sa buong kapuluan. May mga tendensiyang hindi marandaman ng taumbayan kung may gubyerno ba o wala.
Patuloy ang paghihikahos, lumalaki ang bilang ng maralitang lunsod. Nananatiling buluk ang serbisyo publiko (health servises). Paulit-ulit ang katiwalian at maling prioritization sa pagbubudget. Pamumulitika ang pangunahing pinagkakaabalahan ng mga Mayor. Walang maayos na mekanismo ng partisipasyon at kooperasyon ng mamamayan sa gawaing lokal na paggugubyerno. Kung kaya't maari nating sabihing SIMTOMA, kakambal lamang ng kaso ng DENGUE ang BAD GOVERNANCE ng ating mga lokal na ehekutibo sa bansa.
Doy Cinco / IPD
September 16, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment